19/11/2023
LATHALAIN | Pumuti Man ang mga Uwak
Grapiko ni Elemento, John Rafael Jefferson
Larawan ni Balcorta, Joy
Sa akda ni Fernandez, Jhon Isaac
Simple... Mahusay...
Tahanan ng mga nagtatagumpay...
At naging bahagi ng aking buhay.
O kay bilis lumipas ng oras lalo na kung sa katatawana'y walang humpas. Tanging dibuho lamang ng mga alaala ang siyang makapagbibigay-buhay sa aking nakaraan. Subalit kahit ang mga pinakaiingatan na alaalang ito ay maaari ring maglaho, marahil ang mga taong kasama kong bumuo sa mga ito ay unti-unti na ring nawawala, nauubos, at patuloy na mauubos hanggang sa pumuti ang mga uwak. Hanggang sa dulo, may maiiwan sa aking katanunganโang dati kong paaralang sekundarya, siya pa rin ba?
Simple.
Matatawag kong simple ang aking naging karanasan sa loob ng paaralan datapuwa't ang aking naging pangkabuoang hinuha sa naranasan ko ay hindi naman ganoon kagarbo, ngunit masasabi kong wala pa ring papalit dito. Sa paaralan ko unang nakita at naramdaman ang kasindak-sindak na pagmamahalan, maging sa mga kaibigan man o maging sa huli'y aking naging kabiyak. Dito namulat ang mga mata ko sa bawat relasyon na mabubuo ko kasama ang mga taong nasa paligid ko, marangya man o simple ito.
Mahusay.
Mahusay ang mga narito sa paaralan ko. Tinagurian din itong tahanan ng mga nagtatagumpay, dahil kita naman mula sa pagsusunog ng kanilang mga kilay hanggang sa pamumuo ng mga kalyo sa kanilang paa ang labis na ipinamamalas na buhay at talento ng mga magaaral dito, maging ang kanilang mga g**o. Sa mga patimpalak ay nangunguna, sa mga suhestiyon ay hindi nawawala. Palaging may maipakikita, palaging may isasalita. Lugar kung saan ibinibahagi ang mga aral at karunungang maidadala hanggang sa huling hantungan.
Bahagi ng buhay.
Dito ko nalaman na ang mundo ay hindi lamang itim at puti, bagkus puno nang maraming kulay; iba't-ibang kulay na naging palamuti sa aking unang matamlay na buhay. Abot-langit ang aking ngiti para sa mga taong aking nakilala at sa mga taong kumilala sa akin bilang parte rin ng kanilang buhay. Mga panahon na kailanman ay hindi ko ikaiiya, at panahon na gumawa sa akin sa kung ano ako ngayon.
Itong yugto na matagal nang lumipas ang tanging aking nagiging mutya na siya rinh nagbibigay lakas sa akin para patuloy na harapin pa ang buhay. Ako si Kristoper Baltasar, gumugunita sa kaarawan ng aking pinakamamahal na Alma Mater, ang Paaralang Sekundarya ng Novaliches. Ang paaralang nagpakita sa akin ng bahaghari pagtapos ng ulan, ang nagpakita ng mga bituin sa madilim na kalawakan, at ang nagpakilala sa akin sa nakatutunaw-dadaming bukang liwayway na aking hinahanap-hanap sa bawat araw.
Ang pagsasamong aking laging ibinabanggit sa Poong Maykapal na ang dibuho ng nakaraan ay kailanma'y 'di malimutan at sa huli ay sana siya pa rin ang aking paaralang sekundarya hanggang sa pumuti man ang mga uwak.
#