18/09/2024
[๐๐๐๐ง๐ข๐ฅ๐ฌ๐๐]
๐๐๐ ๐ขโ๐ญ ๐๐๐ ๐ข ๐ฉ๐๐ซ๐ ๐ฌ๐ ๐๐๐ฒ๐๐ง
Nananatiling VIP membership club ang pagpasok sa mga unibersidad sa Pilipinas dahil karamihaโy mayayaman ang nabibigyan ng mga pribilehiyo na makatanggap ng de-kalidad na edukasyon.
Naglabas ng datos ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ukol sa bilang ng mga nakapasa sa 2024 UP College Admissions Test (UPCAT), isang mahalagang pagsusulit upang mapili ang mga estudyanteng nais makapasok sa naturang unibersidad. Ayon sa ulat, 44% ng mga nakapasa ay mula sa mga pribadong paaralan, 27% mula sa mga science high schools, at 29% lamang ang galing sa mga pampublikong paaralan. Lumalabas din na 5,500 mula sa 10,000 na nakapasa sa 2024 UPCAT ay mula sa Metro Manila.
Sinasalamin ng mga datos ang mga nakatagong mga suliranin na bumabalot sa kasalukuyang sistema ng edukasyon at ang pagkiling ng mga akademikong institusyon sa mga mayayaman.
๐ด๐๐๐๐๐๐ ๐ด๐๐๐๐๐ ๐ด๐๐๐๐๐๐
Nangunguna ang UP bilang โtop-performing universityโ sa 2025 Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings bilang ika-336 sa higit na 1,500 na unibersidad sa buong mundo. Dahil sa katayuang ito ng UP at ang pagiging libre ng pagpasok ng kahit sino, maraming Pilipino ang naghahangad na matanggap sa prestihiyosong unibersidad na magbubukas ng maraming oportunidad para sa kanila.
Upang masala ang napakaraming Pilipinong gustong mag-aral sa UP, nagkaroon ng UPCAT bilang โequalizerโ ng mga naghahangad na matanggap sa unibersidad. Subalit, sa halip na maging daan ito ng pantay na oportunidad para sa lahat ng mga estudyanteng Pilipino, lalo nitong pinalalala ang malaking agwat ng mga mayayaman at mahihirap.
Sa pananaliksik na isinagawa nina Daway-Ducanes et al. (2022) na pinamagatang โOn the โincome advantage' in course choices and admissions: Evidence from the University of the Philippines,โ natuklasan na nagkaroon ng โincome advantageโ sa pagpasok sa UP at sa pagtanggap sa unang kurso na kanilang pinili. Ipinakita rin ng resulta ng pananaliksik na mas nakikinabang sa bagong free tuition policy ang mga estudyante mula sa mayayamang pamilya. Kasalungat ito sa pagbansag sa UP bilang โpeopleโs universityโ dahil sa huli, mga mayayaman ang karamihang nakapapasok.
Ipinakikita ng datos ang mga pribilehiyong natatamasa ng mga nakaririwasang mag-aaral kompara sa mga ordinaryong mag-aaral. Una, sila ang nakararanas ng magandang kalidad ng edukasyon kung ihahambing sa edukasyong natatanggap ng mga nasa pampublikong paaralan. Ikalawa, sila ang may pera upang pumasok sa mga review centers na hindi kayang bayaran ng ordinaryong mag-aaral kaya mas nahahasa sila at mas handang kumuha ng UPCAT. Panghuli, mas nakapagtutuon sila ng oras para sa UPCAT kaysa sa mga Pilipinong kailangang pagsabayin ang maraming responsibilidad sa paaralan, pamilya, at sa trabaho.
Dahil dito, nailalantad ng UPCAT ang paglala ng agwat sa pagitan ng mayayaman at mga nasa laylayan. Hindi na ito nagsilbing pagsusuri ng kakayahan, ngunit itoโy naging isang paghahambing ng kayamanan at impluwensiya.
๐ฉ๐๐๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐ ๐ฉ๐๐๐๐๐
Dahil sa kasalukuyang sistema ng pagtanggap ng mga iskolar ng bayan, tila mayayaman ang mas nakatatanggap ng de-kalidad na edukasyon. Dito rin lumalabas ang mga termino tulad ng โburgisโ (o โbourgeoisieโ sa Ingles) na naglalarawan sa mga may-kayang estudyante ng UP. Kayang-kaya naman ng mga mayayamang mag-aaral na mag-aral sa mga pribadong unibersidad na may kaparehong kalidad ng edukasyon tulad ng Ateneo de Manila at De La Salle University, pero pinili pa rin nila na pumasok sa UP.
Maraming mababasa sa social media na kung tatanggalin daw ang mga mayayaman sa UP, hindi garantisado na makapapasok ang mga nasa laylayan. Sa wika ng isang content creator โkaya ba nilang makapasok?โ Sinasalamin ng pag-iisip na ito na inaalipusta nila ang mga nasa laylayan pero hindi kayang tabunan ng sentimyentong ito ang katotohanan na maraming mahihirap ang pinagkakaitan ng mga pribilehiyong natatamasa ng mayayaman, kahit gaano pa kalaki ang kanilang potensyal.
Tinutustusan ng buwis ng taumbayan ang UP at dapat ibinibigay ang de-kalidad na edukasyon para sa lahat, lalo na ang mga nasa laylayan. Kung karamihan ng mga nakikinabang ay mga mayayaman, tinatalo nito ang layunin ng unibersidad na maging โpeopleโs university.โ
๐ฒ๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐ฒ๐๐๐๐๐๐๐๐๐
Hindi maitatanggi na may kakulangan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas dahil maraming mahihirap ang napagkakaitan ng oportunidad na mapalago ang kanilang mga potensiyal. Kung babalikan ang mga datos, ipinapakita nito ang hindi makatarungang distribusyon ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan at mga mag-aaral mula sa mga rehiyon ng Pilipinas.
Ayon sa Philippine Institute of Developmental Studies, dalawa sa maraming hamon na kinakaharap ng ating edukasyon ay kahirapan at kakulangan sa mga kagamitan at imprastraktura. Hindi mawawala ang kahirapan subalit ang kakapusan ng kagamitan sa karamihan ng parte ng bansa ang siyang nakahahadlang sa mga mag-aaral na makamit ang tunay na potensyal. Kapansin-pansin sa mga paaralan, lalo na sa mga probinsya, ang kakulangan sa mga libro, kagamitan, at teknolohiya na kinakailangan para sa epektibong pag-aaral. Isa itong pangunahing dahilan kaya nahuhuli ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na makipagsabayan sa mga nasa pribadong paaralan.
Kung nahuhuli ang mga mahihirap sa batayang edukasyon, mas lumalala ang agwat na ito pagtuntong nila sa kolehiyo. Mas napapaboran ang mga mapera at nawawalan ng saysay ang laban sa pagtamasa ng isang edukasyong inklusibo para sa lahat ng mga Pilipino.
๐ฒ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐ฒ๐๐๐๐๐๐๐๐๐
Sa isang bansang itinuturing ang edukasyon bilang sandata laban sa kahirapan, tila mas ibinibigay ang de-kalidad na edukasyon sa mga mayayaman. Kung kaya sa ating patuloy na pagsulong, huwag sanang pagkaitan ng pagkakataon ang mga mag-aaral sa laylayan at mga lalawigan na magkamit ng makabansang karunungan. Kailangan natin ng pagbabago sa sistema ng edukasyon na kontra-mahihirap upang makamit natin ang tunay na inklusibong edukasyon.
Sa ating laban para sa inklusibong karunungan para sa lahat, kailangan nating tandaan ang dahilan kung bakit itinayo ang UP, ang libre at de-kalidad na edukasyon para sa lahat at hindi lamang para sa mga mayayaman. Kailangang laging balikan ang motto na isinasabuhay ng isang iskolar ng bayan - โ๐ณ๐๐๐โ๐ ๐๐๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐.โ