28/11/2020
Salamin ng Bulok na Sistema
E. Janaban
Patuloy na rumaragasa ang delubyong salamin ng bulok na sistema ng lipunan; bulok na sistemang nagluwal ng sandamakmak na patakarang pabor sa iilan, ngunit pahirap at pamatay sa ordinaryong PilipinoโTokhang, TRAIN Law, Martial Law, CREATE Law, at Terror Law. Tinatamasa ng naghaharing uri ang bentahe ng mga represibong polisyang makasasangga ng kanilang interes, bagama't paa ng mga naghihikahos ang nasa hukay buhat ng hagupit ng mapanirang sistema ng kapitalistang ekonomiyaโneoliberalismo.
Sunod-sunod ang paniningil ng kalikasan sa lubusang pang-aabuso ng naghaharing-uri o mga malalaking tao sa lipunan na sakim at gahaman sa kapangyarihan, sa likas na yaman ng bansa. Patuloy ang pagkalbo sa mga kagubaatan, pagmina, at pagtapon ng basura at nakalalasong kemikal sa karagatan, habang walang habas din ang pagsubasta sa mga rekurso para higit na magkamal ng ganansya. Subalit, sa kabila ng pangangatwirang ang labis na produksyon ay paborable sa pag-angat ng ekonomiya, pinatutunayan ng mamamayang pinagkakaitan ng buhay, lupa, trabaho, edukasyon, at iba pa na isa lamang itong pagkukubli sa totoong hangarin ng mga mapagsamantala. At habang dumaraing ang mamamayan, ang gobyernong kasapakat ng naghaharing uri sa kanilang adhika ay wala man lang habag.
Higit na masasaksihan ang kapabayaan ng pamahalaan sa pananalanta ng magkasunod na bagyong Rolly at Ulysses na nag-iwan ng malaking pilas sa isip at puso ng mga tao. Libo-libong pamilya ang nawalan ng tahanan at mga mahal sa buhay; maraming nawalan ng kapasidad upang makapagpatuloy sa buhayโhigit sa pag-aaral at kanilang kabuhayan. At sa gitna ng pagkataranta ng bawat indibidwal at ng mga pribadong at pangmasang organisasyon sa pagkalap ng donasyon at pondo para sa pagtulong sa kapuwa Pilipino, natutulog pa rin sa pansitan ang gobyernoโt hinahayaan lamang na malaya sa labas ng piitan ang mga lokal at dayuhang kapitalistang dapat panagutin sa krisis na kanilang nilikha.
Habang nasasadlak ang karamihan sa kahirapan at pinsalang dala ng bagyo, ay prenteng nagpapasarap at nagtatago sa ilalim ng makakapal nilang kumot ang mga kawani ng gobyerno. Kung kailan dapat na pinaiiral ang pakikisimpatya at pakikiisa sa bawat mamamayan, lantaran namang inihayag ng mga nanunugkulan ang kanilang pagiging kontra-masa. Bakit nga ba tuwing panahon ng sakuna, tulad ng pangakong pagbabago at pag-unlad ng pangulo sa masa, ang tugon ng pamahalaan ay di man lang madama?
Hindi maikakailang palaban ang mga Pilipino, ngunit hindi katanggap-tanggap na kinasasangkapan ito ng mga nagbabalat-kayong nanunungkulan upang ikubli ang kanilang pananamantala. Hindi makatarungan na iniaasa sa pagiging โresilientโ ng mga tao ang pagtugon sa kalamidad, dahil walang kapasidad ang mamamayan na tumindig sa sariling mga paa, gawa ng pagsasawalang-kibo at panunupil ng gobyerno. Ibinibida na lamang ng estado ang โresiliencyโ ng taumbayan upang ipapasan sa kanila nang mag-isaโang suliraning gawa ng sistemikong pandaraya at pananamantala. Sa katunayan, ang kawalan ng aksyon ng gobyerno sa usaping ito ay maituturing nang โcriminal negligence,โ dahil ito ay tuwirang nagpapakita ng kapabayaan ng administrasyon sa pagtupad nito sa reponsibilidad sa lipunan.
Sa kasalukuyang sitwasyon, lumalantad na hindi handa ang pamahalaan sa mapaminsalang kalamidad. Ngunit kailan nga ba ito naging handa? Kahit sa pandemya ay bigo ang tugon nito, dahil kailanman ay hindi ito naglatag ng konkretong plano para lutasan ang mga sakunang dagok sa mamamayang Pilipino.
Sa usapin naman ukol sa โcalamity fundโ ng bansa, hindi maikakailang nakaangkla pa rin sa neoliberalismo ang dahilan ng pagbawas ng pondo sa serbisyong panlipunanโkabilang ang kalusugan at paghahanda sa kalamidad. Mula sa P20 bilyong โcalamity fundโ noong nakaraang taon ay umabot na lamang ito sa P16 bilyon sa kasalukuyang taon. Malinaw na hindi sasapat ang P16 bilyong pondo ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad lalo naโt sunod-sunod ang pamiminsala ng mga bagyo.
Mapapansin ring higit na malaki ang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na nagkakahalagang P19 bilyon kumpara sa P16 bilyong โcalamity fund." Patunay lamang ito na sa gitna ng sakuna ay aligaga pa rin ang gobyerno na ipagpatuloy ang pamamasismo. Kaya't panawagan ngayon ng mamamayan ang pag-defund sa NTF-ELCAC; at sa halip ay idagdag sa pondo para sa relief operations at rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar sa buong kapuluan.
Sa mga oras na ito, nararapat na ipakita na hindi duwag ang mga Pilipino sa pakikibaka laban sa mapaniil na sistema na nagpapalala ng kalamidad. Hindi takot ang sambayanan sa paniningil sa pahirap, pabaya, at pasistang administrasyon para sa makataong aksyon na ipinagkait nito.
Hindi paralisado ang mamamayang Pilipino upang hayaan ang naghaharing-uri na sila ay pagsamantalahan. Ngunit mananatiling hilaw ang hustisyang hangad para sa sangkatauhan kung hindi susungkitin ang pag-asa sa kolektibong pagkakaisa ng sambayanan. Kung lahat ay magtutulong-tulong upang maituwid ang sinulid na binuhol-buhol ng kasalukuyang at mga nagdaang rehimen, may pag-asang sisinag upang lahat ay makaalpas mula sa kuko ng mapanlilang na lipunan, tungo sa tunay na kalayaan.
IANGAT ANG PAKIKIBAKA! KALAMPAGIN AT PANAGUTIN ANG TUNAY MAY SALA!