31/03/2024
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔 𝗡𝗔𝗧𝗜𝗡 | 𝐌𝐚𝐫𝐬𝐨𝐧𝐠 𝐌𝐨𝐝𝐞𝐫𝐧𝐨: 𝐋𝐚𝐤𝐚𝐬 𝐬𝐚 𝐆𝐢𝐭𝐧𝐚 𝐧𝐠 𝐍𝐢𝐧𝐠𝐚𝐬
ni Ricka Cathrina J. Lucena
Ngayong buwang magwawakas, pagpapayaman ng kaalaman, pagsulong sa pantay na pagtingin at ligtas na lipunan.
Panganib sa pagsiklab
Sa pag-ikot ng mga munting kamay ng orasan, may mga nakaambang panganib na naghihintay lamang upang sumiklab. Maitim na usok at nanlalamon na apoy ang kalimitang sumasalubong sa mga Pinoy tuwing Marso dahil sa mataas na temperatura na nagdudulot ng nakapapasong init. Nakaaalarma; maraming kabahayan ang natutupok sa nagliliyab na apoy, at ang ila’y nawawalan ng ari-arian at mahal sa buhay.
Umalingawngaw ang alarma at kasabay ng suot na uniporme ay panibagong araw ng pagresponde at hamon na sumagip ng buhay at ari-arian dahil sa sumisiklab na sunog. Sa bawat wangwang ng aming sinasakyan sa masikip na eskinita na dinadaanan ay siyang pagtabi ng mga residente. Malalaki at mabibilis na hakbang ang kailangan dahil maraming buhay ang nakalaan.
Makailang beses naming binugahan ng tubig gamit ang ‘fire hose’ ang mga apektadong kabahayan at labas-pasok sa loob upang sagipin ang mga biktimang hindi makatakas mula sa nakamamatay na apoy. Maraming anggulo ang maaaring tingnan sa nangyaring insidente gaya ng naiwan o may depektong appliances o di kaya’y dahil sa overheating.
Babae, aabante.
Bilang nag-iisang babaeng bumbero sa aming hanay, malimit na makaligtaan ng ilan na kaya ko ring makisabay sa kalalakihan. May ilang kumukuwestiyon sa aking desisyon na maging bumbero dahil sa pambihirang hirap na pagdadaanan sa pagsasanay. Ang kaisipang ito’y tila apoy na mahirap apulahin. Subalit, ito ang panahon upang kalasin ang maling kaisipan sa kung ano ang puwede at hindi ayon sa kasarian.
Kung mayroong mga tumatakbo papalayo sa apoy, isa ako sa mga nakalaan na tumakbo papalapit dito. Iba man ang nakasanayan, subalit hindi kailangang maging lalaki upang magawa ang kaya nilang gawin. Iba man ang kanilang lakas, subalit kaya kong makasabay sa ningas man ng apoy o mga hamon na binabato ng buhay.
“Iba pa rin lakas ng lalaki” — katagang malimit na naririnig sa mga larangang kadalasan na lalaki ang kabilang gaya ng pagiging bumbero, o kahit sa mga simpleng gawain na kinagisnan na lalaki ang gumagawa. Walang masama kung sadyang may mga bagay-bagay na hindi kayang gawin, subalit mali kung mananatiling iisa ang namamayaning kaisipan sa lipunan.
Marsong produktibo
Gawa ng humigit-kumulang 3,000 kaso ng sunog simula nitong taon, makikita ang kahalagahan ng ‘fire prevention month’ sa pagpapababa ng kaso ng sunog. Sama-samang nagsasagawa ng ‘fire prevention activities’ gaya ng fire drill ang Bureau of Fire Protection (BFP), kasama ng pamahalaan at ilang ahensya upang mapayaman ang kaalaman ng mga Pilipino ukol sa sunog at tungo sa ligtas na lipunan.
Kasabay nito, may ilang mga istorya ng babaeng bumbero na nagbibigay inspirasyon at nagmumulat sa karamihan ngayong National Women's Month. Hindi maipagkakailang malaki ang impak na nagawa ng mga kababaihan sa iba’t ibang industriya. Gamit ang kanilang boses, napatunayan na walang hangganan ang potensiyal ng mga babae kung bibigyan ng pagkakataon na patunayan ang kanilang kakayanan sa lipunan.
Ang buwan ng Marso ay buwan tungo sa mas ligtas at inklusibong lipunan. Ang hamon na kinakaharap ng kababaihan at naaapektuhan ng mga sakuna ay maihahalintulad sa ningas; hindi inaasahan, nagliliyab, at maaaring maging sanhi ng pagkalugmok. Subalit, mananatili na may lakas sa gitna ng ningas; hanapin man o hindi.
Dibuho ni: Steven R. Uayan