02/11/2024
Tiyo, ayos lang po ba kayo?
Apat na taong gulang pa lang ako noong pumanaw sina Mama at Papa sa isang nakalulugmok na aksidente. Sa edad na iyon, hindi ko pa lubos na naunawaan ang bigat ng pagkawala. Ang naaalala ko lang ay ang tahimik na mga gabi, ang mga tanong sa aking isipan at ang pakiramdam ng kakulangan—na para bang may bahagi ng aking pagkatao na biglaang naglaho.
Sa gitna ng kalungkutan, doon pumasok sa aking buhay si Tiyo Ram. Hindi siya nagdalawang-isip na kupkupin ako, kahit mag-isa lang siyang namuhay. Mula’t sapul, alam niyang hindi siya magkakaroon ng sariling anak dahil sa kanyang karamdaman, at hindi na rin siya nag-asawa. Gayunpaman, sa kabila ng sariling pinagdadaanan, ipinakita niya sa akin ang walang kapantay na pagmamahal. Siya ang tumayong ama’t ina ko, at mula noon, siya na ang naging mundo ko.
Natatandaan ko pa noong anim o pitong taon pa lang ako, naglalakad kami ni tiyo sa maliit na palengke ng aming lungsod. Sa edad kong iyon, di ko pa lubos na nauunawaan ang mga bagay-bagay. Isang araw, habang naglalakad kami, napansin kong tahimik si tiyo, namumutla ang mga labi at matamlay.
"Tiyo, ayos lang po ba kayo?" tanong ko, kasabay ng paghawak ko sa kanyang nanlalamig na k**ay.
Ngumiti siya sa akin, pero ramdam kong may dinadala siya. "Okay lang ako, iho. Anong gusto mong bilhin?" sabi niya habang pinilit ang isang ngiting tila may tinatagong lungkot. Pinili ko ang bibingka, at masaya akong kumakain habang nililingon si tiyo, nagtataka sa bigat ng kanyang mga mata na tila may mga bagay na hindi ko pa kayang intindihin. Ngunit bilang isang musmos, wala akong ibang hiniling kundi ang makasama si tiyo habang buhay.
Lumipas ang mga taon at nanatili si tiyo sa aking tabi. Palagi siyang nariyan, nak**asid sa akin mula sa likuran, at nagbibigay ng suporta sa bawat hakbang ko. Bagama'y mahirap lang kami, hindi ito naging hadlang sa kaniya sa pagpapakita ng kaniyang pagmamahal sa akin. Naaalala ko pa noong ako'y nasa ika-anim na baitang, binenta nya ang kaniyang paboritong radyo para lang may pambayad at makasali ako sa intramurals.
Sa paglipas ng panahon, habang kami'y tumatanda, unti-unti kong naramdaman ang mga epekto ng kanyang edad. Ang kanyang kalusugan ay unti-unting humina, at kasabay ng pag-usad ng mga taon ay ang paglitaw ng mga kaniyang mga sakit na hindi maiiwasan. Bagamat natutuwa akong nariyan siya para sa akin, nadarama ko rin ang pangamba at lungkot na maaaring balot ng kanyang paghihirap.
Ang mga araw ay naging linggo at ang mga linggo ay naging taon. Lumulubha na ang karamdaman ni tiyoo. Nagsimula siyang manghina, ang mga ngiti na dati niyang ipinapakita ay napapalitan na ng pagod at sakit. Sa bawat pagbisita sa doktor, sa bawat gamutan, nararamdaman ko ang bigat ng takot na nagkukulong sa aking dibdib.
Natagpuan ko ang sarili kong pinapanalangin sa Diyos na sana’y maibalik ang dati niyang sigla, ang lalim ng kanyang boses na tila isang malakas na daluyong. Pero sa kabila ng mga pagsisikap, tila hindi maiiwasan ang kahirapan ng kanyang kalagayan.
Isang gabi, habang ako’y natutulog, nagising ako sa tunog ng pag-ubo ni tiyo mula sa kanyang silid. Dali-dali akong tumayo at lumapit sa kanya, at sa aking pagpasok, nakita kong nakahiga siya sa k**a, ang mukha’y puno ng sakit at pagod. Naramdaman ko ang pag-iyak na umaabot sa aking mga mata habang tinawag ko siya, “Tiyo, ayos lang po ba kayo?”
Walang sagot.
Sa mga sumunod na araw, tila ako ay nasa isang masalimuot na panaginip. Isang umaga, tinawag ako ng doktor sa kanyang opisina. Alam ko sa kanyang mukha ang hindi magandang balita. Walang salin-salin ng mga salita, nadama ko ang sakit na tila isang matalim na kutsilyo sa aking dibdib. “Pumanaw na po ang Tiyo Ram,” sabi ng doktor, ang tinig niya’y parang umuusok na hangin sa malamig na umaga.
Para akong nawalan ng ulirat. Ang mundo ko’y nagdilim, at ang mga alaala ng masasayang araw namin ni tiyo ay nagsimulang maglaho, naging ulap na unti-unting nawawala. Ang tao na nagbigay ng pagmamahal at suporta sa akin ay wala na. Ang sakit ng kanyang pagkawala ay hindi kayang ipaliwanag sa mga salita.
Naramdaman kong natatakot akong harapin ang hinaharap nang mag-isa. Ang tanging tao na nagturo sa akin kung paano humarap sa buhay ay nawala, at sa mga sandaling iyon, akala ko’y naglaho rin ang aking pag-asa. Sa bawat sulok ng bahay, sa bawat gamit na kanyang iniwan, ramdam na ramdam ko ang kanyang presensya, pero hindi ko na siya maabot. Ang puso ko ay punung-puno ng lungkot at pangungulila, at sa kabila ng lahat, natanto kong wala nang ibang tao na tutulong sa akin sa hirap ng buhay kundi siya lamang.
----------------
𝑀𝑎𝑘𝑎𝑙𝑖𝑝𝑎𝑠 𝑛𝑔 𝑑𝑎𝑙𝑎𝑤𝑎𝑚𝑝𝑢𝑛𝑔 𝑡𝑎𝑜𝑛
Eksakto sa araw na ito, ika-1 ng Nobyembre bumalik ako sa puntod ni tiyo. Tahimik akong naupo sa tabi ng lapida niya, bitbit ang bibingka, na para bang kahit wala na sya, magkasama pa rin kami, kahit sa alaala lang.
"Tiyo, kumusta? Ayos lang po ba kayo?" bulong ko sa malamig na hangin, umaasang naririnig mo ako kahit alam kong hindi ka na sasagot. Sa ilalim ng mga bituin at sa liwanag ng kandila, pinilit kong damhin ang presensya mo, kahit isang saglit lang. Ang bawat sandali, bawat alaala, ay naging pabaon mo sa akin.
--------------
Dalawampung taon na ang nakalipas mula noon, at sa aking pagbalik sa palengke, naramdaman ko ang bigat ng sariling katawan. Kamakailan ko lang nalaman ang diagnosis ko.
Habang naglalakad ako, ang mga k**ay ko'y nanginginig at mga labi ko'y namumutla. Sa gilid ng aking mata, isang maliit na k**ay ang humawak sa akin. Napatingin ako, at ang aking pamangkin ay nakatingin sa akin, bakas ang pag-aalala sa kanyang inosenteng mukha.
"Tiyo, ayos lang po ba kayo?" tanong niya sa akin. Napangiti ako, kahit may lungkot sa mata. “Oo, iho. Okay lang ako.” Bumili ako ng isang piraso ng bibingka, iniabot ko sa kanya. Bilang kaniyang tiyo, wala akong ibang hiling kundi ang makasama sya sa aking piling habang-buhay.
--
panitikan ni Adriane Gonzales na pinamagatang 'Bibingka'
iginuhit ni Eizza Cabalan