24/10/2024
Nawa'y manatili po tayo sa ating mga tahanan at sama-sama po tayong manalangin para sa kaligtasan ng lahat.
PANALANGIN PARA IPAG-ADYA SA MGA KALAMIDAD
Amang makapangyarihan, itinataas namin sa Iyo ang aming pusong nagpapasalamat sa kagandahan ng mundong nilikha kung saan kami ay bahagi sa pagkalinga mong nagtataguyod sa aming mga pangangailangan at sa karunungan mong gumagabay sa takbo ng daigdig.
Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa Iyo at sa sangnilikha. Hindi kami naging mabuting katiwala ng kalikasan. Pinagkamali namin ang iyong uutos na pangasiwaan ang daigdig.
Ang kapaligiran ay nagdurusa sa aming kamalain, at ngayon ay aming inaani ang aming pagmamalabis at kawalang pakialam.
Ang global warming ay laganap na. Ang mga bagyo, pagbaha, pagputok ng bulkan at iba pang mga kalamidad ay patuloy na tumitindi sa pananalanta.
Lumalapit kami sa Iyo, mapagmahal na Ama. At humihingi ng kapatawaran sa aming mga kasalanan. Hinihiling namin na kami, kasama ng aming mahal sa buhay, at pinagpagurang ari-arian ay ipag-adya sa banta mga kalamidad, likas man o kagagawan ng tao.
Iniluluhog naming gawin kaming mapanagutang katiwala ng iyong nilikha at maging bukas-palad na kapwa sa mga nangangailangan.
Sa Pangalan ni Hesus. Amen.