05/01/2025
Kabayan alam mo ba na nagsimula na ang pagtaas ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) para sa pribadong sektor simula Enero 1, 2025. Layunin ng hakbang na ito na palakasin ang pananalapi ng SSS upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo para sa mga miyembro nito.
Ayon sa bagong alituntunin na inilabas noong Disyembre 19, tataas ang kontribusyon mula 14% at magiging 15%. Ang pagtaas na ito ay apektado hindi lamang ang mga manggagawa at negosyanteng employer, kundi pati na rin ang mga household worker, self-employed, boluntaryo, mga asawang hindi nagtatrabaho, at mga land-based na Overseas Filipino Workers (OFWs).
Narito ang mga pagbabago sa Monthly Salary Credits (MSC):
*Mga manggagawa at employer sa negosyo, self-employed, boluntaryo, at mga asawang hindi nagtatrabaho: Ang minimum na MSC ay magiging ₱5,000, habang ang maximum ay ₱20,000.
*Household employer at worker: Ang minimum na MSC ay tataas sa ₱1,000, at ang maximum ay ₱20,000.
-*Land-based OFW: Ang minimum na MSC ay magiging ₱8,000, habang ang maximum ay ₱20,000.
Ang mga kontribusyon na higit sa ₱20,000 hanggang ₱35,000 ay ilalagay sa Mandatory Provident Fund (MPF) Program, kung saan ang pondo ay maaaring lumago batay sa kontribusyon at kita mula sa investment.
Ipinaliwanag ni SSS President at CEO Rolando Ledesma Macasaet na ang pagtaas ng kontribusyon ay isang kritikal na hakbang upang mapanatiling matatag ang sistema para sa 13 milyong miyembro nito. Idinagdag niya na hindi ito magiging pasanin para sa mga empleyado dahil sasagutin ito ng mga employer.
“Sa pamamagitan ng pagpalakas ng sistema, sinisiguro natin ang proteksyon ng mga manggagawa laban sa mga panganib tulad ng sakit, kapansanan, at katandaan. Isa itong pamumuhunan para sa kanilang kinabukasan,” ani Macasaet.
Para sa mga kumikita ng mas mababa sa ₱25,000 bawat buwan, hindi maaapektuhan ang kanilang take-home pay dahil ang employer ang sasagot sa dagdag na kontribusyon. Gayunpaman, ito’y magdudulot ng karagdagang gastusin para sa mga negosyo.
Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang grupo ng employer, tulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP), dahil sa posibleng epekto nito sa maliliit na negosyo. Hinihiling nila na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon.
Sa kabila ng mga reklamo, nananatili ang SSS na kailangang ipatupad ang pagtaas upang mapanatili ang pangmatagalang katatagan ng pondo.
Samantala, kinumpirma ng PhilHealth na hindi sila magtataas ng kontribusyon para sa 2025 sa kabila ng pagtanggal ng gobyerno sa kanilang subsidiya mula sa pambansang budget. Sinabi nilang kaya pa rin nilang pamahalaan ang kanilang pondo at posibleng magbaba pa ng kontribusyon sa hinaharap.