24/12/2024
PASKOntento
Sa tuwing sumasapit ang buwan ng Disyembre, hindi maikakailang bumabalot sa bawat sulok ng ating paligid ang kakaibang diwa ng Pasko. Sa bawat bahay na nadaraanan, nagliliwanag ang gabi sa iba't ibang kulay ng pailaw. May simpleng parol na nag-aalab sa isang sulok, may mga bombilyang animo'y mga bituin na kumukutitap sa bawat sanga ng punong nakatayo sa harap ng bahay, at mayroon ding mga tahanang tila isinugal na ang lahat sa kuryente— para bang may kumpetisyon kung sino ang may pinakamagarang dekorasyon.
Mapapatanong ka tuloy, “Magkano kaya ang babayaran nila sa Meralco?” Ngunit kasabay nito, napapangiti rin ako; para bang sinasabi ng kanilang mga palamuti, “Ito ang Pasko. Ito ang kaligayahan.”
Ngunit ang tanong: iyon nga ba ang tunay na diwa ng Pasko? Ang mga kumukuti-kutitap bang ilaw, ang marangyang handaan, o ang mga regalong pinaghahandaan mula pa Oktubre? Hindi ba’t ang Pasko ay higit pa rito? Ito’y tungkol sa pagmamahalan ng bawat pamilya— ang pagtitipon sa isang hapag, kahit simpleng pagkain lang ang nakahain, ngunit puno naman ng tawanan at yakapan. Ito’y ang samahan na nagiging matibay, kahit pa sa gitna ng mga pagsubok, at ang pananampalatayang muling pinapalakas sa bawat taimtim na pagdarasal.
Ang tunay na Pasko ay hindi kailangang magarbo. Hindi kailangang maging marangya ang dekorasyon o maging sagana ang hapag-kainan. Ang Pasko ay ang pagiging masaya sa piling ng pamilya’t mga kaibigan. Ito ang pagbibigayan, hindi lamang ng mga materyal na bagay kundi pati na rin ng pag-ibig, oras, at malasakit. Ito ang pananalig na hindi tayo nag-iisa, sapagkat sa bawat liwanag na nakikita natin sa dilim, may paalala na may liwanag ding dumarating sa ating mga puso.
Huwag nating kalimutan ang diwa nito—ang pagmamahal, pananampalataya, at pagbibigayan. Higit sa lahat, ito’y ang paggunita sa kapanganakan ng Tagapagligtas, ang pinakamahalagang biyaya na natanggap ng mundo.
Tunay nga, ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa mga palamuti at regalo. Ang Pasko ay ikaw, ako, tayo, na nagiging liwanag sa isa’t isa, kahit sa mga panahong madilim.
Maligayang Pasko, KNHSians!❤️
✍️: Aynsberg Sahagon
💻: Sheena Mae Manumbali
Sinuri nina: Andrea Dawn Fernandez, Punong Patnugot at Gng. Jacqueline D. Reyes, G**ong Tagapayo