27/12/2025
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡 | 𝐒𝐚 𝐃𝐮𝐥𝐨 𝐧𝐠 𝐔𝐦𝐩𝐢𝐬𝐚
𝗦𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗵𝘂𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗴𝗮𝗯𝗶 𝗻𝗴 𝗗𝗶𝘀𝘆𝗲𝗺𝗯𝗿𝗲, 𝗸𝗮𝗽𝗮𝗻𝘀𝗶𝗻-𝗽𝗮𝗻𝘀𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘁𝗮𝗵𝗶𝗺𝗶𝗸𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗺𝗮𝗿𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝘁𝗮𝗵𝗮𝗻𝗮𝗻. 𝗛𝘂𝗺𝘂𝗽𝗮 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗴𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗽𝗮𝘀𝗸𝘂𝗵𝗮𝗻 𝗵𝗮𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗵𝘂𝗺𝗮𝗵𝗮𝗺𝗽𝗮𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗮𝗺𝗶𝗴 𝗻𝗮 𝘀𝗶𝗺𝗼𝘆 𝗻𝗴 𝗮𝗺𝗶𝗵𝗮𝗻. 𝗦𝘂𝗯𝗮𝗹𝗶𝘁 𝘀𝗮 𝗵𝗮𝗹𝗶𝗽 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗯𝗶𝗸, 𝗹𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝘁 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗴𝗼𝗱 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗻𝗴𝗶𝗻𝗴𝗶𝗯𝗮𝗯𝗮𝘄 𝘀𝗮 𝗱𝗮𝗺𝗱𝗮𝗺𝗶𝗻 𝗻𝗴 𝗶𝗹𝗮𝗻, 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗲𝗻𝗼𝗺𝗲𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗱𝗮𝗹𝗮𝘀 𝘁𝗮𝘄𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗡𝗲𝘄 𝗬𝗲𝗮𝗿’𝘀 𝗕𝗹𝘂𝗲.
Matapos ang masiglang pagdiriwang ng Pasko, mabilis na nagbabago ang atmospera. Nawawala ang mga ilaw at awitin, at napapalitan ng tahimik na paghahanda para sa panibagong taon.
Noon, ang pagsalubong sa bagong taon ay itinuturing na okasyon ng pag-asa. Puno ang mga tahanan ng tawanan, kuwentuhan, at masiglang paghahanda. Ang bawat handa sa mesa ay sumisimbolo ng kasaganaan at paniniwalang magiging mas maayos ang darating na taon.
Ngunit sa kasalukuyan, marami ang hindi na nakararanas ng ganoong kasiglahan. May mga tahanang may bakanteng upuan sa hapag bilang alaala ng mga mahal sa buhay na nawala o napilitang mapalayo. Para sa ilan, ang mesa ay hindi simbolo ng selebrasyon kundi paalala ng pagkawala at kakulangan.
Dagdag pa rito ang kalagayan ng mga hindi makauwi dahil sa trabaho, karamdaman, o kakulangan sa kakayahan. Sa halip na magdiwang, ang bagong taon ay sinasalubong bilang pagpapatuloy ng araw-araw na pakikibaka. Ang selebrasyon ay napapalitan ng katahimikan at pag-aalala sa mga susunod na buwan.
Habang papalapit ang pagtatapos ng taon, mas lumilinaw ang mga planong hindi natupad at mga oportunidad na pinalampas. Ang New Year’s Blue ay nagiging resulta ng pagsasama-sama ng pagod, panghihinayang, at takot sa mga maaaring mangyari sa hinaharap.
Gayunpaman, sa kabila ng ganitong damdamin, may mga positibong bagay na nananatili. Ang kakayahang magpatuloy sa kabila ng hirap, ang mga aral na natutunan sa pagkakamali, at ang pagpiling bumangon sa bawat araw ay mga tahimik na tagumpay na hindi dapat maliitin.
Ang bagong taon ay hindi awtomatikong solusyon sa lahat ng suliranin. Sa halip, ito’y pagkakataon upang magnilay, matuto, at maghanda. Sa pag-unawa sa New Year’s Blue, mas nagiging malinaw na ang tunay na diwa ng bagong taon ay hindi lamang selebrasyon, kundi pagharap sa hinaharap nang may higit na kamalayan at pag-asa.
// sulat ni Ken De Torres
// guhit ni Justine Cerdeña