16/07/2024
Ang pagiging matulungin ay isang katangian na dapat taglayin ng bawat isa. Ang pagtulong sa kapwa ay hindi dapat pinipilit bagkus ito ay bukal sa loob o kusang loob. Maraming pwedeng gawin para maipakita ang ating pagiging matulungin sa ating kapwa.
Sa pamamagitan ng pagtulong natin sa kapwa dito mas mahuhubog at mapapaunlad ang ating pagkatao. Nangingibabaw ang paggawa natin ng kabutihan para sa ibang tao. Nahuhubog ang ating pagkatao sa pamamagitan ng pagpili ng paggawa ng tama para sa ating kapwa.
Ang pagtulong sa kapwa ay hindi dapat naghihintay ng kapalit dahil kusa mong loob na ginawa ito, at bukal sa loob mo ang pag-aalay ng pagtulong sa iyong kapwa. Kaya kapag ikaw ay tumutulong sa isang tao, nararapat na huwag ng maghihintay pa ng anumang kapalit sapagkat sa ginawa mo pa lang na pagtulong, may kapalit na ang iyong ginawang kabutihan at ito ay ang kinalugdan at kinatuwaan ka ng Diyos. Hindi rin natin dapat piliin ang mga taong ating tutulungan, dapat kung sino ang nangangailangan sila ang ating dapat pag-alayan ng tulong, mahirap man sila o mayaman.
Kung ikaw ay napipilitan lamang at pawang gustong sumikat lamang, hindi ito tunay na kahulugan ng pagtulong sapagkat may kapalit kang hinihintay. Tumulong sa iba hanggat maaari, wala mang silang maibalik sa iyo, Diyos na ang gagawa ng paraan upang maibalik sa iyo ang tulong na naibigay mo ng mas higit pa, sabi nga ng iba "siksik, liglig at umaapaw" na mga biyaya. Kaya kung may pagkakataon, huwag magdalawang isip na tumulong kahit pa ito ay sa maliit na paraan.