HFP- Holy Family Parish, Socorro

HFP- Holy Family Parish, Socorro Parish Activities, Masses and other reminders/ announcement will be posted here

06/02/2025

PEBRERO 07, 2025
BIYERNES

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Slm 27: 1,3,5,8-9
Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kaligtasan.

Unang Pagbasa: Heb 13: 1-8

Ebanghelyo: Mc 6: 14-29*

(...) Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid." Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa.

Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma'y gusto pa rin niyang marinig ito.

At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo." At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian." Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: "Ano ang hihingin ko?" At sumagot naman ito: "Ang ulo ni Juan Bautista." Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: "Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha." (...)

PAGNINILAY:
May kasabihan sa tradisyon ng Simbahan tungkol sa espiritualidad, ito'y sa wikang latino: non progredi est regredi. Ibig sabihin, kung sinong hindi pa-abante, siya'y pa-atras. Sa ating espirituwal na paglalakbay, kapag tayo ay tumigil, hindi tayo mananatili sa lugar kung saan nahinto, kundi nagsisimulang umatras. Kung anong nakamtan natin, nawawala; kung anong grasyang ipinagkaloob sa atin, unti-unti itong babawiin.

Si Herodes ay pa-atras ng pa-atras. Batid niya na mali ang mapangalunyang ugnayan niya at ang dating asawa ng kanyang kapatid. Nakikinig siya kay Juan, pero hindi naman niya itinutuwid o wala siyang katapatan upang ayusin ang mali. Hindi siguro niya intensyong maging mamamatay tao. Pero nang ayaw niyang ayusin ang mali sa buhay niya, nang nakatigil siya; siya'y lalong umatras at bumigay sa hiling ni Herodias na patayin si Juan Bautista.

Pagnilayan natin ang ating espirituwal na buhay. Kumusta na ba ang ugnayan natin kay Jesus, lalo na ang ating buhay-panalangin? Tayo ba ay napapalapit sa puso ng Panginoon, o palayo ng palayo? Sa araw na ito, gumawa tayo ng isang hakbang na maglalapit sa atin patungo kay Jesus.

05/02/2025

PEBRERO 06, 2025
HUWEBES

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Sts. Pedro Bautista, Paul Miki at mga kasama

Slm 48:2-3, 3-4, 9, 10-11

Awa mo'y nagunita ko sa loob ng iyong templo.

Unang Pagbasa: Heb 12: 18-19, 21-24

Ebanghelyo: Mc 6: 7-13

At tinawag niya ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lang.

At sinabi niya sa kanila: "Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila."

At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring maysakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.

PAGNINILAY:
Narinig ko minsan ang "ebanghelisasyon" na tumimo sa aking puso't isipan: Ang ebanghelisasyon ay gaya ng isang taong nagugutom at nauuhaw na mag-anyaya sa isa pang taong nagugutom at nauuhaw sa lugar, kung saan may sapat na pagkain at inumin, para sa kanilang dalawa. Ang isang misyonero ay sinugo ng Diyos hindi dahil siya'y banal na, kundi dahil siya ang nangangailangan ng awa at habag ng Diyos.

Sa ebanghelyo, nagbibigay si Jesus ng mahalagang payo para sa tagumpay ng ebanghelisasyon. Sa simula, ito'y gawain ng isang komunidad, kaya sinugo Niya sila ng dala-dalawa. Mahalaga ang kababaang-loob at pagiging simple ng buhay ng isang misyonero, kaya kakaunti ang materyal na bagay na kailangan. Mahalaga rin ang commitment upang manatili sa misyon. Tanggapin din natin na maaaring hindi makikita agad ang bunga ng ating gawain: may kalayaan naman ang tao upang magpasyang magbago. Sa huli, ang kapangyarihan ay galing sa Diyos lamang. Ito'y ating tinanggap mula sa Kanya. Uhaw tayo sa habag ng Diyos, kaya lumapit tayo sa Kanya at ituro rin sa kapwa ang Bukal ng Awa.

04/02/2025

PEBRERO 05, 2025
MIYERKULES

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Santa Agata

Slm 103: 1-2, 13-14, 17-18a

Pag-ibig Mo'y walang hanggan sa bayan Mong nagmamahal.

Unang Pagbasa: Heb 12:4-7, 11-15

Ebanghelyo: Mc 6:1-6

Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: "Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba't siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?" At bulag sila tungkol sa kanya.

Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayarฤฑ lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta." At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pag-papatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

Naglibot naman si Jesus sa mga nayon sa paligid sa kanyang pagtuturo.

PAGNINILAY:

Sa mga katanungan ng mga kababayan ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon, binabanggit ang kanyang mga "kapatid na lalaki at babae". Ang mga ebanghelyo'y isinulat sa wikang Griego, at ginamit ng ebanghelista ang salitang "adelfos", nang binanggit ang pangalan nina Jaime, Jose, Simon at Judas.

Sa kasaysayan, marami ang naging talakayan at pag-tatalo tungkol sa kahulugan ng salitang adelfos (kapatid). Para sa mga hindi naniniwala sa pagkabirhen ng Mahal na Ina, ito'y ebidensya na nagkaroon pa siya ng ibang mga anak, na hindi siya nanatiling birhen. Pero adelfos (kapatid) ibig din sabihin ay "kamag-anak

Isang dogma tungkol kay Maria ay ang kanyang pagkabirhen: si Maria ay nanatiling birhen bago ipinanganak si Jesus, habang, at pagkatapos ng kanyang pagsilang. Kinilala si Jesus ng kanyang mga kababayan bilang ang "anak ni Maria". Sa pamamagitan ng ating pagmamahal kay Jesus, tayo rin ay naging adelfos at anak ni Maria. Ang katotohanan ng pagkabirhen ng Mahal na Ina ay magbigay sana ng inspirasyon upang manatili tayong walang bahid-dungis at banal sa harapan ng Diyos.

03/02/2025

PEBRERO 04, 2025
MARTES

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Slm 22: 26b-27, 28 at 30, 31-32

Magpuri kailanman ang tinawag ng Maykapal.

Unang Pagbasa: Heb 12: 1-4

Ebanghelyo: Mc 5: 21-43*

(...) At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: "Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay."

Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. May isa namang babae na labindalawang taon nang dinudugo. (...) At nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan niya ito sa likuran sa gitna ng mga tao at hinipo ang damit nito, sapagkat naisip niya: "Kung mahihipo ko lamang ang kanyang mga damit, gagaling na ako." At agad na naampat ang pag-agos ng kanyang dugo at naramdaman niyang gumaling na ang kanyang sakit. Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa kanya kaya lumingon siya sa gitna ng mga tao at nagtanong: "Sino ang humipo sa mga damit ko?"

Sumagot ang kanyang mga alagad: "Nakikita mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: Sino ang humipo sa akin?" At patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. Kaya lumapit na nanginginig sa takot ang babae. Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa sa harap niya at inamin sa kanya ang buong katotohanan. At sinabi sa kanya ni Jesus: "Anak, iniligtas ka ng iyong pananalig. Humayo kang mapayapa at magaling ka na sa iyong sakit." (...)

PAGNINILAY:
Sa dalawang kwento, makikita natin na may pananampalataya sa kapangyarihan ni Jesus, at mayroon din hawak na pisikal o pisikal na ugnayan sa Panginoon. Mahalaga sa tao ang paghawak. Minsan ang isang tapik lang sa balikat ay maaaring magbigay sigla sa taong nalulungkot o pinanghihinaan ng loob. Tuwing nagmimisa ako sa burol sa Mayao Silangan, Lungsod ng Lucena, kung saan itinayo ang Mother of Divine Providence, lumalapit ako kay Maria pagkatapos ng misa. Humahawak ako sa mga paa niya, nagdarasal ng tahimik, at nagkukrus. Ramdam ko ang paglingap ng ating Mahal na ina.

Mahilig tayong mag-punas sa mga larawan ng mga santo, o sa mga relic nila. Hindi magical ang tulong nila, o hindi pamahiin lang ang paghawak. Dapat may kasamang tiwala sa Panginoon, upang maranasan natin ang healing power of Jesus. Hahawakan Niya tayo sa kamay, titingin sa ating mga mata, ngingiti, at bibigkasin: "Anak, sinasabi ko sa'yo, bumangon ka."

02/02/2025

๐— ๐—”๐—•๐—จ๐—ง๐—œ๐—ก๐—š ๐—•๐—”๐—Ÿ๐—œ๐—ง๐—”
๐— ๐—ฎ๐—ฟ๐—ฐ๐—ผ๐˜€ ๐Ÿฑ, ๐Ÿญ-๐Ÿฎ๐Ÿฌ

๐—”๐—ป๐—ด ๐— ๐—ฎ๐—ฏ๐˜‚๐˜๐—ถ๐—ป๐—ด ๐—•๐—ฎ๐—น๐—ถ๐˜๐—ฎ ๐—ป๐—ด ๐—ฃ๐—ฎ๐—ป๐—ด๐—ถ๐—ป๐—ผ๐—ผ๐—ป ๐—ฎ๐˜†๐—ผ๐—ป ๐—ธ๐—ฎ๐˜† ๐—ฆ๐—ฎ๐—ป ๐— ๐—ฎ๐—ฟ๐—ฐ๐—ผ๐˜€

Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siyaโ€™y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking itoโ€™y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabiโ€™y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.

Malayo paโ€™y natanawan na niya si Hesus. Siyaโ€™y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, โ€œHesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!โ€ Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, โ€œMasamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!โ€ Tinanong siya ni Hesus, โ€œAno ang pangalan mo?โ€ โ€œPulutong, sapagkat marami kami,โ€ tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, โ€œPapasukin mo na lang kami sa mga baboy.โ€ At silaโ€™y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.

Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kayaโ€™t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At silaโ€™y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kayaโ€™t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.

Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, โ€œUmuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.โ€ Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

02/02/2025

PEBRERO 03, 2025
LUNES

IKA-4 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

St. Blaise
St. Ansgar

Slm 31: 20, 21, 22, 23, 24

Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.

Unang Pagbasa: Heb 11: 32-400

ladisw

Ebanghelyo: Mc 5: 1-20*

Dumating sila sa lupain ng mga taga Gerasa sa kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. (...)

Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at sumigaw: "Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na Anak ng Diyos! Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan." Sinabi nga sa kanya ni Jesus: "Lumabas ka sa tao, maruming espiritu." At nang tanungin siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?" sumagot siya, "Hukbo nga ako, marami kasi kami." At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: "Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon." At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo'y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao para alamin ang nangyari.

Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng Hukbo. Kaya natakot sila. (...)

Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: "Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipahayag sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo." (...)

PAGNINILAY:
Simula sa aking pagkabata, lagi akong nanghihinayang sa ginawa ng mga taga Gerasa: mas pinili nila ang kanilang hanapbuhay, kaysa sa taong nagbibigay ng tunay na Buhay. Alang-alang sa kanilang mga alagang baboy, pinaalis nila si Jesus sa kanilang lupain. Mabuti pa ang dating inaalihan ng demonyo, nang siya'y magaling na, ninais niyang sumunod kay Jesus. Tiyak na siya'y naging alagad: sinugo siya sa kanyang mga kamag-anak upang ipahayag ang kahabagan ng Diyos.

Naging threat si Jesus sa hanapbuhay ng mga taga Gerasa, nang nalunod ang puhunan nilang baboy, kaya Siya'y itinakwil nila. Sa ating buhay kaya, hindi rin ba nagiging threat ang Salita ng Diyos? Hindi ba minsan, mas pinipili natin ang comfortable zone, kung saan makikita na tayo'y sumusunod sa kung ano ang mas maginhawa at inaasahan sa atin. Pero sa totoo lang, mas pinipili nating magbingi-bingihan sa tinig ng Diyos na nagsasalita sa ating budhi? Binabalaan tayo ni Papa Francisco tungkol sa spiritual worldliness: sa malayo, makikita na may ginagawa, pero kapag sinusuri sa malapit, tila walang bahid ng pag-ibig sa ating ginagawa. Nawa, sa pagdalaw ng Panginoon, siya ang ating piliin.

02/02/2025

๐—›๐—ฒ๐—น๐—ฝ ๐—›๐—ผ๐—น๐˜† ๐—ฆ๐—ผ๐˜‚๐—น๐˜€ ๐—ถ๐—ป ๐—ฃ๐˜‚๐—ฟ๐—ด๐—ฎ๐˜๐—ผ๐—ฟ๐˜† ๐—ช๐—ถ๐˜๐—ต ๐—ฎ ๐——๐—ผ๐˜‚๐—ฏ๐—น๐—ฒ ๐—ฃ๐—น๐—ฒ๐—ป๐—ฎ๐—ฟ๐˜† ๐—œ๐—ป๐—ฑ๐˜‚๐—น๐—ด๐—ฒ๐—ป๐—ฐ๐—ฒ ๐—ง๐—ต๐—ถ๐˜€ ๐—๐˜‚๐—ฏ๐—ถ๐—น๐—ฒ๐—ฒ ๐Ÿฎ๐Ÿฌ๐Ÿฎ๐Ÿฑ| ๐—ก๐—ฎ๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป๐—ฎ๐—น ๐—–๐—ฎ๐˜๐—ต๐—ผ๐—น๐—ถ๐—ฐ ๐—ฅ๐—ฒ๐—ด๐—ถ๐˜€๐˜๐—ฒ๐—ฟ

โ€œAll the faithful, who are truly repentant and free from any affection for sin, who are moved by a spirit of charity and who, during the holy year, purified through the sacrament of penance and refreshed by holy Communion, pray for the intentions of the supreme pontiff [usually an Our Father and Hail Mary (and Glory Be)], will be able to obtain from the treasury of the Church a plenary indulgence, with remission and forgiveness of all their sins, which can be applied in suffrage to the souls in purgatory,โ€

Full details : https://search.app/Tj59sfvg83kjoXDG6

02/02/2025

ENERO 02, 2025
LINGGO

KAPISTAHAN NG PAGDADALA KAY JESUS NA PANGINOON SA TEMPLO

Slm 24: 7, 8, 9, 10

Diyos na makapangyariha'y dakilang hari kailanman.

Unang Pagbasa: Mal 3: 1-4

Nagpapadala ako ngayon ng aking sugo na mauuna sa akin para ihanda ang daan. At agad na papasok sa santuwaryo ang Panginoong hinahanap ninyo. Dumarating na ang pinakananais ninyo, ang sugo ng Tipan, sabi ni Yawe ng mga Hukbo. Sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakatayo sa pagpapakita niya? Pagkat para siyang apoy sa dalisayan ng bakal, parang lihiyang panlinis.

Gaya ng mandadalisay o tagapaglaba, lilinisin niya ang mga anak ni Levi at dadalisaying parang ginto at pilak. At may makapaghahain kay Yawe nang tama. At malugod na tatanggapin ni Yawe ang alay ng Juda at Jerusalem, tulad sa mga naunang panahon.

Ikalawang Pagbasa: Heb 2: 14-18

Iisang laman at dugo lamang ang mga anak, kaya nakibahagi siyang lubos sa kanilang kalagayan. Sa ganito niya pinawalangbisa sa pamamagitan ng kamatayan ang may hawak noon sa kamatayan, ang diyablo. At pinalaya niya ang mga inalipin sa buong buhay nila dahil sa takot sa kamatayan. Hindi dumating si Jesus para tumulong sa mga anghel, kundi ang lahi ni Abraham ang tinutulungan niya.

Kaya kinailangan niyang tularan sa kanilang buong kalagayan ang mga kapatid para maging punong paring maawain sa kanila at matapat sa paglilingkod sa Diyos, at para makapagbayad-sala siya para sa bayan. Dahil sinubok siya sa pagtitiis, nakakatulong siya ngayon sa mga sinusubok.

Ebanghelyo: Lc 2: 22-40* (o 2: 22-32)

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. (...)

Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: "Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel." (...)

PAGNINILAY:
Noong dinalaw ng mga Pantas ang Sanggol sa Bethlehem, naganap ang unang Epipanya-ang "Pagpapakilala ng Panginoon." Ngayon Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus sa Templo, naganap ang isa pang Epipanya. Ipinakilala sa atin si Jesus bilang ang Liwanag sa mga bansa. Ang Kapistahan ng Candelaria, o "Candlemas sa wikang ingles, ay pagkakataon upang tanggapin si Jesus bilang Liwanag sa buhay ng bawat isa. Sa awit ni Simeon, dinadasal ng matanda na ang Sanggol ay "liwanag na ibubunyag sa mga bansang pagano at luwalhati ng bayang Israel..."

Si Jesus ay naging liwanag at luwalhati, una sa lahat, sa buhay ni Maria at Jose. Sila'y pinili ng Diyos para sa isang napakataas na misyon. Sa ebanghelyo ngayon, mamamalas natin ang kanilang kababaangloob sa kanilang pagpunta sa Templo, upang sundin ang mga alituntunin ng kanilang relihiyon. Naging tapat sa mga dakilang bagay, dahil naging tapat din sa mga maliit na bagay.

Gayun din naman, si Jesus ay naging liwanag at luwalhati para kina Simeon at Ana. Sila'y nagtiwala sa mga pangako ng Diyos, naging masunurin sa Espiritu Santo, at nagbigay saksi tungkol sa Mesiyas. Sa buhay natin, paano si Jesus nagiging liwanag at luwalhati? May "mga sulok" ba sa buhay natin na nananatili pa sa kadiliman, at hindi nasisinagan ng liwanag ni Jesus? Magandang tradisyon ang pagdadala ng mga kandila sa simbahan para ito'y basbasan; maging tanda sana ito na tanggapin natin si Jesus bilang liwanag ng ating buhay.

02/02/2025
01/02/2025

PEBRERO 01, 2025
SABADO

IKA-3 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Lc 1: 69-70, 71-72, 73-75
Poong Diyos ay purihin, nilingan n'ya ang Israel.

Unang Pagbasa: Heb 11: 1-2, 8-19

Ebanghelyo: Mc 4: 35-41

Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: "Tumawid tayo sa kabilang ibayo." Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: "G**o, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo!"

Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: "Tahimik, huwag kumibo." Nabawasan ang hangin at nag-karoon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: "Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?"

Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: "Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?"

PAGNINILAY:
Kapag inilalarawan ko sa aking isipan ang bangka na tila lumulubog na habang natutulog si Jesus sa isang sulok, naaalala ko rin ang isang larawan sa Salmo 23: "Ipinaghanda ninyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway." Sino kaya ang may ganang kumain kung sa harap mo ay may hukbong nakahandang lumusob upang ika'y patalsikin? Makakatulog tayo sa bangkang hinahampas ng mga alon, at uupo tayo sa hapag sa harap ng hukbo ng kaaway, kung matatag ang ating pananampalataya sa Diyos.

Sa mga panahon na humaharap tayo sa malalakas na bagyo sa ating mga buhay, natutukso ba tayong sumuko at sabihin sa Diyos na: "Mamamatay na ako at tila balewala sa'yo!" "Chillax, cool ka lang. I am in control", ang sagot ng Diyos sa atin na may matamis na ngiti.

"Pagsubok lang yan, kaya mo yan!" Ito ang madalas nating marinig na salita nang maraming beses, hindi sa mga dalubhasa sa Bibliya, kundi sa mga karaniwang taong may pananalig sa Diyos. Batid nila, at sana tumimo rin sa atin, ang katotohanan na: God-is-in-control.

30/01/2025

ENERO 31, 2025
BIYERNES

IKA-3 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

San Juan Bosco

Sim 37: 3-4, 5-6, 23-24, 39-40

Nasa Diyos ang kaligtasan ng mga mat'wid at banal.

Unang Pagbasa: Heb 10:32-39

Ebanghelyo: Mc 4: 26-34

At sinabi niya: "Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una'y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan."

At sinabi niya: "Sa ano natin maiku-kumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit."

Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

PAGNINILAY:
Maaaring narinig na natin ang mga ganitong pangungusap: "ang taong ito ay may mainit na kamay, lahat ng itinatanim ay nabubuhay", o kaya "malamig ang kamay ko pagdating sa halaman." Minsan narinig ko rin sa isang agriculturist na walang mainit o malamig na kamay, basta sumunod sa technique, at talagang mabubuhay ang halaman. Tingin ko na sana'y sumasang-ayon si Jesus sa kanya.

May batas sa kalikasan pagdating sa pagsibol, pagpapalaki, at pagbibigay ng bunga ng isang halaman, basta tama ang ginawa ng magsasaka. Hindi gawa ng tao na ang halaman ay sisibol. Ito'y gawa ng kalikasan, basta sumunod sa tamang pag-aalaga.

Ganyan din ang Kaharian ng Diyos. Hindi gawa ng misyonero ang pagpapalago nito, kundi gawa ng Diyos. Ang atin, ang tamang pag-aaruga, pagpapakita ng kalinga, marunong magpakita ng mainit na pagtanggap, ang puntahan ang naliligaw, o ang pagbibigay ng payo sa nalilito. Tulog man tayo o gising, sa gabi o araw, sadyang lalago sa ating piling ang Kaharian ng Diyos.

30/01/2025

๐™†๐™–๐™ฅ๐™ž๐™จ๐™ฉ๐™–๐™๐™–๐™ฃ ๐™ฃ๐™œ ๐™‹๐™–๐™œ๐™™๐™–๐™™๐™–๐™ก๐™– ๐™ ๐™–๐™ฎ ๐™ƒ๐™š๐™จ๐™ช๐™จ ๐™ฃ๐™– ๐™‹๐™–๐™ฃ๐™œ๐™ž๐™ฃ๐™ค๐™ค๐™ฃ ๐™จ๐™– ๐™๐™š๐™ข๐™ฅ๐™ก๐™ค

Ngayong darating na Linggo ay ating ipagdiriwanc ang Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus sa Templo o mas kilala bilang Candelaria.
Ang lahat ng mananampalataya ay inaanyayahang magdala ng Kandila para sa pagbabasbas.

Maikling Katesismo o Aral patungkol sa "Candelaria"

Sa kalendaryo ng Simbahan, mahalaga ang ika-2 ng Pebrero, sapagkat pagdiriwang ito ng kapistahan ng Candelaria o Candlemas Day. Ipinagdiriwang ang Feast of Purification ng Mahal na Birheng Maria. Ang Candelaria ay ang ika-40 araw matapos ang Pasko. Ang Candelaria ay ang seremonya ng paglilinis o purification matapos manganak ang isang ina.

At batay sa kautusan ng Diyos na itinakda ni Moises sa mga Hudyo, sinasabing hindi malinis ang isang babae na nagsilang ng sanggol. May naniniwala noon na ang isang ina, matapos manganak ay hindi maaaring magpakita sa publiko.

Hindi rin maaaring humipo ng anumang bagay na pinaniniwalaang itinalaga sa Panginoon.

Kaya pagsapit ng ika-40 araw, naghahandog ang ina ng isang kordero, o tupa, o isang kalapati sa pintuan ng templo.

Kung mahirap, maaaring palitan ang handog ng isang Batu-bato (wild pigeon). Ang kaugaliang ito ay sinunod ni Birheng Maria at ang kautusan na ang panganay na sanggol na lalaki ay ihahandog o ipakikilala sa Panginoon na kinakatawan ng isang saserdote o pari sa templo.

Ang paghahandog sa sanggol ay ginawa nina Birhen Maria at San Jose nang buong puso. Sa bahagi ng Rosaryo na dinarasal ng mga Katoliko, ay ang ikaapat na Misteryo sa Tuwa (Joyful Mystery): โ€œAng pagdadala sa batang si Jesus sa templo.โ€

Ang paghahandog sa templo ng panganay na anak na lalaki ay isang kaugalian at ritwal na hindi malilimot sa kasaysayan ng Israel. Ang pag-aalay ng bawat Hudyong panganay na lalaki ay pagpapahayag ng pasasalamat sa mahalagang pangyayari ng nakalipas at ng pananalig sa Diyos na pinagmulan ng lahat ng buhay. Ngunit ang pag-aalay kay Jesus sa templo ay isang hula kung ano ang kanyang magiging buhay. Isang pag-aalay sa Ama para sa katubusan ng lahat ng tao. Isang pag-aalay sa kamatayan sa Kalbaryo.

Ipinahayag din ng Espiritu Santo sa matuwid at banal na si Simeon, na isang propeta, na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikilala si Kristong Panginoon. Nang dalhin si Jesus sa templo, natanaw siya ni Simeon sa bisig ng Mahal na Birheng Maria. Sa paniwala ni Simeon, itoโ€™y isang liwanag ng pagpapahayag ng mga Hentil na isang luwalhati naman sa mamamayan ng Israel. Ngunit pagkatapos ng paghihirap, pagpapakasakit at ng kamatayan sa krus ng Mananakop, kasunod na nito ang tagumpay ng liwanag para sa mga taoโ€”ang tunay na tagumpay sa katawan at kaluluwa.

Sa bahagi ng tradisyong Kristiyano kaugnay ng kapistahan ng Candelaria, tanawin kahapon sa Simbahan sa ibaโ€™t ibang parokya sa iniibig nating Pilipinas ang pagsisimba ng mga ina kasama ang kanilang sanggol. May dalang kandila na pinabebendisyunan sa pari. Gayundin ang ibang mananampalataya. Nagpabendiyon ng mga kandila sa pari.

Sa paniniwalang Kristiyano, ang liwanag ng kandila ay sumasagisag kay Kristo na Liwanag ng Mundo. At sa buhay nating mga Pilipino, ang mga kandila ay mahalagang gamit sa ibaโ€™t ibang pagdiriwang at pagkakataon.

29/01/2025

ENERO 30, 2025
HUWEBES

IKA-3 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Slm 24:1-2, 3-4ab, 5-6mm

Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.

Unang Pagbasa: Heb 10:19-25

Ebanghelyo: Mc 4: 21-25

At sinabi niya sa kanila: "Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang may tainga!"

At sinabi niya sa kanila: "Isip-isipin ninyo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit ang wala ay aagawain pa ang anumang nasa kanya."

PAGNINILAY:
May batang p**i noon sa oratoryo namin sa Pagbilao. Si Mark ang pangalan niya. Pero "Apaw" ang kanyang palayaw, dahil "apaw" ang salitang lagi niyang binibigkas noong bata pa siya. Natuto siyang magbasa ng labi at di mabilis siyang umunawa sa mga sinasabi. Siya'y isang masunuring bata at hindi kailangang ulitin ang mga dapat gawin, o hindi dapat gawin sa Simbahan, o kapag naglalaro sila ng futsal. Hindi siya makapagsalita, at hindi rin siya makarinig, pero masunurin siya. Marami ring bata noon na may pandinig, pero sumusuway pa rin sa mga utos. Sa kanila maaaring makita ang kasabihan tungkol sa mga nagbibingi-bingihan.

Sinabi ni Jesus: "Makinig ang may tainga!", at "isip-isipin ninyo ang inyong naririnig". May pandinig po tayo, pero madalas parang nagbibingi-bingihan pa rin. Bakit kaya ganoon ang tao? Ano kaya ang Salita ng Diyos na kailangan nating pagnilayan ngayon araw na ito?

Inaanyayahan tayo ni Jesus na maging bukas-palad, mapagmahal, magpakita ng pasensya at habag. Kung ito ang ating ipapakita, ito rin ang ating tatanggapin.

29/01/2025

๐Œ๐€๐๐”๐“๐ˆ๐๐† ๐๐€๐‹๐ˆ๐“๐€
๐Œ๐š๐ซ๐œ๐จ๐ฌ ๐Ÿ’, ๐Ÿ๐Ÿ-๐Ÿ๐Ÿ“

๐€๐ง๐  ๐Œ๐š๐›๐ฎ๐ญ๐ข๐ง๐  ๐๐š๐ฅ๐ข๐ญ๐š ๐ง๐  ๐๐š๐ง๐ ๐ข๐ง๐จ๐จ๐ง ๐š๐ฒ๐จ๐ง ๐ค๐š๐ฒ ๐’๐š๐ง ๐Œ๐š๐ซ๐œ๐จ๐ฌ

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, โ€œSinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kayaโ€™y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na di mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.โ€

At idinugtong pa niya, โ€œUnawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.โ€

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

28/01/2025

ENERO 29, 2025
MIYERKULES

IKA-3 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Slm 110: 1, 2, 3,4

Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melkisedek.

Unang Pagbasa: Heb 10: 11-18

Ebanghelyo: Mc 4: 1-20

(...) Nasa dagat siya at nasa tabing-dagat naman ang lahat. At marami siyang itinuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo:

"Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu,
animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.

" At idinagdag ni Jesus: "Makinig ang may tainga!"

Nang wala na ang mga tao, tinanong siya ng mga nakapalibot sa kanya, na kasama ng Labindalawa tungkol sa mga talinhaga: "Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?"

At sinabi sa kanila ni Jesus: "Sa inyo ipinagkakaloob ang lihim ng kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa labas, ang lahat ay sumasapit gaya ng talinhaga. Kaya tumitingin sila pero di nakakakita; nakaririnig pero di nakauunawa kaya naman di sila nagbabalik-loob at di pinatatawad."

At sinabi ni Jesus sa kanila: "Hindi ninyo nauunawaan ang talinhagang ito, kayat paano ninyo mauunawaan ang iba pa? (...)

PAGNINILAY:
Ang tao ay parang buto o binhi na itinatanim kung saan-saan. Nakadepende ang kalidad ng bunga sa lugar kung saan itinatanim ang buto. Kung ito'y itanim sa tabi ng daan, sa batuhan, o sa tinikan, malamang hindi magiging masagana ang aanihin o p**itasin sa takdang panahon. Kung itatanim ito sa matabang lupa, at aalagan ng tama: binubungkal, gina-gamasan, dinidiligan, at nilalagyan ng abono; tiyak na magiging masagana ang aanihin.

Ang mga pinaka-mahalagang bagay sa buhay ay ang mga bagay na pinaghihirapan natin: pinagplaplanuhan, pinagtitiyagaan, pinagpapawisan, pinagpuyatan. Sinabi ng soro sa Maliit na Prinsipe, na ang kanyang rosas ay napakahalaga dahil sa oras na inialay niya, sa mga panahon na sila'y nagkasama. Tiyak na magbubunga ng marami ang mga proyekto na inaalagaan natin at nakatanim sa matabang lupa.

Address

Zone III
Socorro

Telephone

+639958165553

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when HFP- Holy Family Parish, Socorro posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to HFP- Holy Family Parish, Socorro:

Videos

Share