15/01/2025
ENERO 16, 2025
HUWEBES
UNANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
Salteryo: Linggo 1/(Luntian)
Slm 95:6-7k, 8-9, 10-11-
Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo Siyang salungatin.
Unang Pagbasa: Heb 3: 7-14
Ebanghelyo: Mc 1: 40-45
Lumapit sa kanya ang isang may ketong at nakiusap sa kanya: "Kung gusto mo, mapalilinis mo ako." Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: "Gusto ko, luminis ka!" Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya.
Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa Kanyang pag-alis, sinabi Niya: "Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay." Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
PAGNINILAY
Kahapon binasa natin sa Ebanghelyo na hinawakan ni Jesus ang biyenan ni Pedro sa kamay; lagnat lang naman ang kanyang karamdaman. Ngayon, ginawa ni Jesus ang hindi talagang inaasahan na dapat gawin: hinipo Niya ang isang ketongin. Sa akala ng mga tao, "highly infectious disease" ang ketong, at itinuturing na "madumi" ang mga ketongin, pati ang mga may kaugnayan sa kanila.
Naalala ko noong pandemya, kung sinong lumapit sa mga Covid-19 positive ay naging "Covid suspect" at inilalagay sa pasilidad para sa kwarentina o iniiwasan lang. Hinipo ni Jesus ang may ketong, at ayon sa Batas, naging "madumi" rin noon si Jesus, at dapat siyang iwasan hanggang maging malinis ulit.
Nahabag si Jesus sa kalagayan ng tao, sa mga pinagdadaanan Niya bilang isang itinakwil ng lipunan, at siya'y Kanyang pinagaling: Gusto ko, luminis ka! Ang kadustaan ng lalaki at ang habag ng Diyos ay nagtagpo. Sa halimbawa ng lalaki, lumapit tayo kay Jesus at makipag-usap; at sa halimbawa ni Jesus, maramdaman nawa sa ating puso ang habag na nagdudulot ng kagalingan.