29/12/2021
Sa bawat oras na aalis ka ng bahay, natatakot ako, nandun yung takot na baka yun na ang huling yakap at halik ko sayo. Parang dinudurog ang puso ko sa tuwing humakbang ka papalayo. Ayaw kitang tingnan pero hindi ko mapigilan, pero sa kaisipan ko " kung pwede dito ka na lang. Wag ka ng umalis" pero isasagot mo naman sakin, " Sundalo ako, may sinumpaan, para din naman sa inyo etong ginagawa ko."
Iniintindi kita, pilit kong tinatatak sa isip ko na , oo para sa amin ang ginagawa mo, pero pano na kung katulad ng iba, mauuna ka din sa langit? Kakayanin ko kaya??
Ngayon pa lang kumakabog na ang dibdib ko parang sasabog. Ang hirap pala talagang maging asawa mo.
Kailangan na maging matapang dahil yun ang expectations ng iba sa amin, kaming mga misis ay matatapang, matapang sa hamon ng buhay, na kung darating ang araw na hindi na kami babalikan ay mairaos at mapalaki namin ng maayos ang mga anak namin.
Kung alam mo lang gaano ako umiiyak at nasasaktan sa tuwing wala ka, pinipigilan ko ang aking mga luha sa harapan ng mga anak mo kahit minsan punong-puno na ako. May mga panahon na gustong-gusto kitang makausap, gusto kitang makita at mayakap pero wala ka, sinusuot ko na lang ang mga damit mong pinagbihisan. Sa mga anak natin ako humuhugot ng lakas lalo na sa tuwing may nababalitaan ako tungkol sa mga katropa mo, nandun yung kirot at pangamba, na baka mangyari din sayo ang nangyari sa kanila.
Natatakot ako...natatakot ako na baka isang araw kahit anino mo hindi ko na makikita.
Natatakot ako na balang araw baka tanungin ako ng mga anak mo kung bakit wala ka na, hindi ko alam kung kakayanin ko silang sagutin at harapin.
Kaya sana kung maari, pag-ingatan mo ang iyong sarili, kahit linggo, buwan at taon tayong hindi magkita ng personal, kakayanin ko, malaman ko lang na buhay ka. Umuwi kang buhay, wag na malamig na bangkay.
At kung namimilegro ka, isipin mo lang na magkasama tayong dalawa, dahil kasama ka palage sa mga dasal ko. Sasamahan kita sa laban mo, maging matapang ako para sa yo at sa mga anak natin dahil asawa mo ako, ASAWA AKO NG MAGITING NA PULIS AT SUNDALO.
Ctto