21/12/2024
𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗨𝗟𝗜𝗧𝗜𝗞𝗢, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗔𝗥𝗜𝗡𝗚 𝗨𝗠𝗘𝗣𝗔𝗟 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗜𝗠𝗜𝗚𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗖𝗔𝗦𝗛 𝗔𝗜𝗗 𝗠𝗨𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗗𝗦𝗪𝗗
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko hinggil sa anumang paglabag sa umiiral na alituntunin kaugnay ng distribusyon ng ayuda, partikular ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, hindi pinapayagan ang mga politiko, lalo na ang mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon, na mamahagi ng anumang uri ng pinansyal na tulong mula sa ahensya dahil umano hindi naman nila pera ang pinamimigay dito kundi pera ng taumbayan. Kaya wala umanong karapatan ang mga Pulitiko na gamitin ang pera ng taumbayan sa kampanya.
“Batay sa aming mga patakaran, tanging mga tauhan ng DSWD lamang ang maaaring magbigay ng ayuda. Ang aming mga paymaster ang responsable sa pagsasagawa ng dokumentasyon, pagproseso ng mga pondo, at aktwal na pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo,” paliwanag ni Dumlao sa isang panayam sa programang “Storycon” sa One News noong Miyerkules, Disyembre 18.
Binanggit din ni Dumlao ang isang memorandum circular noong 2021 na nagtatakda ng mga alituntunin sa pakikipagtulungan ng DSWD sa panahon ng eleksyon at hindi eleksyon. Mahigpit na ipinagbabawal nito ang paggamit ng mga programa ng DSWD upang maimpluwensyahan ang boto ng mga tao o ang resulta ng halalan.
“Kasama sa mga bawal ang paglalagay ng election paraphernalia, pamamahagi ng campaign materials, pagpapalabas ng campaign jingles, pangangampanya, at maling pagpapakilala na ang tulong ay mula sa isang kandidato,” dagdag ni Dumlao.
Inamin ng opisyal na may mga pagkakataong naroroon ang ilang politiko sa mga aktibidad ng pamamahagi ng ayuda. Gayunpaman, nilinaw ni Dumlao na ang kanilang presensya ay hindi dapat maiugnay sa distribusyon.
“May ilang mambabatas na naroroon bilang bahagi ng kanilang oversight functions, at may mga lokal na partner din na tumutulong sa logistics. Ngunit lagi naming sinisigurado sa mga benepisyaryo na ang ayuda ay galing sa pambansang gobyerno at walang kinalaman ang mga politikong naroroon,” aniya.
Hinimok ng DSWD ang publiko na iulat ang anumang paglabag sa kanilang mga alituntunin sa pamamagitan ng grievance mechanisms na nakalaan para sa mga reklamo.
“Pinapahalagahan namin ang pakikipag-ugnayan sa aming mga lokal na partner, ngunit tungkulin naming tiyakin na ang mga benepisyaryo ay malinaw na nauunawaan na ang tulong na kanilang natatanggap ay mula sa pamahalaang nasyunal, hindi mula sa anumang politiko,” diin ni Dumlao.
Plano rin ng DSWD na pag-aralan ang kanilang kasalukuyang mga patakaran upang higit pang mapalakas ang internal mechanisms na magtitiyak sa pagiging apolitical ng ahensya.
- John Paul Catata | News Correspondent