28/01/2023
Hindi madaling maging isang ina. Iyan ang madalas sabihin ng iba. Hindi biro ang magpalaki ng bata. Pero mas mahirap kapag ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang mapalaki mo sila nang maayos ngunit maraming nakapaligid sa iyo na hindi sumasang-ayon sa iyong ginagawa.
Ganiyan talaga kapag nanay ka na.
Kapag nanay ka na, maraming matang nakatingin. Lahat sila ay nagmamasid. Lahat sila ay may sinasabi.
Kapag namamayat ka, sasabihin nila, "Naku, pataba ka! Nagka-anak ka lang nagkaganiyan ka na." Kapag naman nananaba ka, ang kanilang sasabihin ay, "Ang taba mo! Nagka-anak ka lang nagkaganiyan ka na."
Kapag nag-ayos ka at nagpaparlor, sasambitin nila, "Wow! Nagdadalaga ah." Ngunit iba ang nasa isip nila. "Paganda nang paganda, 'di naman maasikaso ang anak niya." Kapag naman 'di ka nag-ayos at walang time magpaparlor, sasabihin nila'y, "Nagka-anak lang nalosyang na."
Kapag iisa ang anak mo, ang sasabihin ay, "Sundan mo na. Mahirap 'yan kapag wala siyang kapatid. Maigi pati ang sunod-sunod para iisang hirap sa pagpapalaki." Ngunit kapag nabuntis ng isa o dalawang taon lamang ang pagitan, ang bulalas ay, "Buntis ka na naman? Pang-ilan na 'yan?"
Kapag may trabaho ka, mag-aalala sila. "Paano ang anak mo? Sino ang nag-aalaga? Naku, mahirap kapag hindi Nanay ang nag-aalaga." Kapag naman wala kang trabaho, "Nasa bahay ka lang? Buti ka pa. Walang ginagawa." Kung kasama mo ang anak mo sa trabaho, ito ang sasabihin — "Bakit kasama mo? Kawawa naman. Wala bang mag-aalaga sa bahay?"
Kapag puro gulay, prutas at walang pampalasa ang kinakain ng anak, "Kawawa naman hindi nakakatikim ng masarap." Minsan pa nga'y tutuksuhin pa ang bata, "Gusto mo ng candy?" Pero kapag kumakain ng candy o tsokalate, agad ring sasabihin na "Pakainin mo ng gulay. 'Wag puro matatamis."
Kapag payat ang anak, ika'y tatanungin. "Bakit ang payat niya? Pakainin mo ng madaming kanin. Painumin mo ng vitamins." Ngunit kung mataba ang anak, "Naku, bawas-bawasan mo ang pagkain niya. Baka ma-high blood agad e bata pa."
Kapag sobrang alaga sa anak, ikaw ay sasawayin. "'Wag mo masyadong selanan. Hayaan mong madumihan. Kailangan niya 'yan." Pero kapag hinayaang madumihan, "Ano ba yan, pinapapabayaan."
Kapag walang screentime, "Kawawa naman 'di nakakapanood." Kapag mayroon, "'Wag mong sanayin sa panonood."
Kapag lumabas ka nang hindi kasama ang anak, ikaw ay tatanungin. "Bakit di mo sinama ang anak mo?" Kapag naman isinama mo, sasabihin, "Bakit isinama mo pa? Mapapagod lang 'yan."
Kapag pumasok nang tatlong taon pa lang, "Pinapasok mo na agad sa school? Ang bata pa e." Kapag tatlong taon na at di pa pumapasok, "Bakit di mo pa papasukin? Puwede na 'yan!' Kapag homeschooling, "Anong mapapala diyan? Hindi matututong makipag-socialize yan."
Kapag mabait ang anak, "Mahigpit kasi ang nanay niyan." Kapag pasaway naman, "Kunsintidor kasi ang ina niyan."
O, 'di ba? Wala ka nang lulusutan! Ano mang piliin mo, ano mang desisyon mo, basta nanay ka, may masasabi pa rin sila. Madalas pa nga, kapwa nanay pa ang nagsasabi ng mga ito. Madaming basta na lang magbibitaw ng mga salita base sa kung anong una nilang nakita. Maraming basta na lang magkokomento base sa kung anong alam at nakasanayan nila.
Mga ka-Nanay, umpisahan natin sa bawat isa. Iwasan sana natin ang manghusga ng iba. Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang laban. Ano man ang paraan natin ng pagpapalaki sa ating mga anak, iba-iba man ang ating mga pananaw, nanay tayong lahat at 'yun ang pinakamahalaga.
Huwag tayong magpaapekto sa sasabihin ng iba. Ikaw, nanay, ang nakaaalam ng lahat ng ikabubuti ng iyong mga anak at pamilya.Tama ang iyong ginagawa. Maaari mong pag-isipan ang mga sinasabi ng iba, ngunit sa huli, ikaw pa rin ang masusunod. Espesyal ka Nanay. Mahusay ka sa iyong ginagawa. Mabuhay ka!
Ctto❤️🙏