15/12/2024
MOGPOG: MULA SA ISA SA PINAKAMAYAMANG BAYAN, NGAYON AY IKALAWA NA SA PINAKAMAHIRAP SA BUONG MARINDUQUE
Isang nakakabahalang pagbabago ang naganap sa bayan ng Mogpog, Marinduque. Mula sa pagiging pangatlong pinakamayamang bayan sa lalawigan noong 2016, bumagsak ito sa pangalawa sa pinakamahirap batay sa pinakahuling datos ng Commission on Audit (COA) noong 2022.
Ayon sa datos, ang kabuuang asset ng Mogpog ay umabot lamang sa PHP 414,372,189.03 noong 2022, malayo sa mga karatig-bayan tulad ng Torrijos (PHP 431,197,365.87) at Gasan (PHP 621,370,836.38). Ang mga ito ay nagpakita ng makabuluhang pag-unlad kumpara sa Mogpog, na tila nanatili sa lugar at hindi sumabay sa pag-angat ng ibang bayan.
Noong 2016, ang Mogpog ay may kabuuang asset na PHP 271,008,982.09 at nakapuwesto bilang pangatlong pinakamayaman sa lalawigan, sunod sa Boac at Sta. Cruz. Subalit, sa kasalukuyan, nalampasan na ito ng iba pang bayan at lalo pang nalugmok sa ekonomiya.
Nakakapagtaka ang pagbagsak ng Mogpog dahil ang bayan na ito ang may hawak ng port na nagsisilbing sentro ng kalakalan ng buong lalawigan. Sa ibang mga bayan na may ganitong uri ng pasilidad, tulad ng Boac at Sta. Cruz, nakikita ang malinaw na pag-angat sa kabuuang asset dahil sa tamang programa at proyekto. Ang mga port ay natural na nagbibigay ng malaking kontribusyon sa kita ng lokal na pamahalaan, ngunit tila hindi ito nararamdaman sa Mogpog sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Augusto Leo Livelo.
Pinuna rin ng COA ang mismanagement ng pondo ng bayan, kabilang ang kawalan ng maayos na plano para sa pangmatagalang pag-unlad at hindi wastong paggamit ng mga pondo para sa mga proyektong pangkaunlaran. Ang mga ganitong kapabayaan ay nagresulta sa mabagal na progreso at pagbagsak ng Mogpog sa ranking ng pinakamayayamang bayan sa Marinduque.
“Nakakalungkot na ang bayan na dating sentro ng kalakalan ay ngayon ay tila iniwan ng pag-unlad. Samantalang ang ibang bayan ay umaangat, ang Mogpog ay tila naiwan dahil sa kapabayaan,” pahayag ng isang residente.
Habang ang ibang bayan tulad ng Torrijos at Buenavista ay nagpakita ng pag-angat mula 2016 hanggang 2022, ang Mogpog ay tila naiwang naghihikahos. Ang kakulangan sa tamang pamamahala ay nagresulta sa pagbaba ng tiwala ng mga mamamayan at mabagal na progreso ng lokal na ekonomiya.