18/06/2023
NAIYAK AKO SOBRA!!💔😭🙏
"KWENTO NG ISANG MAGULANG"
KWENTONG PUNONG-PUNO NG ARAL
BASAHIN:
Huwebes ng hapon noon, galing ako sa isang birthday party… pagkatapos tumungga ng dalawang bote ng beer ay nagpaalam na ako…. mukha kasing uulan, ayokong maabutan ng ulan sa daan. Anak ng pitong kamalasan, tumirik ang kotse ko sa daan… no choice kailangan kong bumaba para ayusin ang makina. Sobrang malas talaga at naiwan ko ang gamit ko, nag uumpisa ng pumatak ang ulan… kung bakit kasi hindi agad sinauli ng kumpare ko na nanghiram ang mga gamit ko sa pag-aayos ng kotse. May natanaw akong isang bahay, nagbakasakali akong tumawag… lumabas ang isang matandang lalaki, siguro mga 70 yrs old na…
“ Magandang hapon po ‘tay, nasiraan po kasi ako eh, di ko po nadala ang gamit ko baka po may lyabe kayo ay pliers jan?” ngumiti sya sa akin, maya maya at bumalik at may bitbit na bag at dalawang payong, iniabot sa akin. Sumama pa sya sa akin sa aking kotse… malaki ang deperensya, mukhang tinamaan nga ako ng napakalaking malas. Inaya ako ng matandang magkape muna sa kanila, medyo malamig nga at basa na rin ako ng ulan kaya sumama ako.
Pagpasok namin ng bahay ay nakita ko na hindi maayos iyon… sabi nya pasensya na daw ako kasi nag-iisa sya. Roman daw ang pangalan nya, dating dyipney driver. Umupo ako sa sala, maalikabok yun… pumunta sa kusina ang matanda siguro magtitimpla ng kape, ayoko na sana kasi iika-ika na sya, hindi na masyadong makalakad pero mapilit si mang Roman. Nakita ko sa dingding ang mga nakakwadrong larawan… siguro family picture nila yun, sa ibaba ay picture ng lalaking nakatoga katabi nito ang isang kwadro rin ng babaeng nakatoga din… siguro mga anak nya. Malinis ang mga kwadro, halatang kapupunas pa lang at parang ayaw maalikabukan man lang.
Tama ako, sabi ni mang Roman anak nga daw nya yun. Inilapag nya ang kape, mejo hindi malinis yung mug pero nakakahiya naman kung tatanggihan ko at isa pa nilalamig na rin ako at malakas ang ulan, gusto ko ring mainitan ang sikmura.
“ kung gusto mo anak… ano nga ba uli pangalan mo? “ tanong nya sa akin, “ Jun po”, sagot ko naman. “ kung gusto mo Jun eh sayo na lang yang mga gamit ko, wala na rin namang gagamit nyan dito… gamit ko dati yan ng driver pa ako ng dyip pero mahina na ako ngayon Jun, di ko na kaya na magdrive pa uli.”
“ naku wag na po, meron po ako nasa hiraman nga lang kaya di ko nadala, asan po mga anak nyo?” tanong ko
“ Si Danny, Engineer ko yan… may pagmamalaking itinuro ang litrato sa ding-ding… nasa Saudi na ngayon, yan naman babae sa litrato si Juvie yan… nakapag asawa ng taga Davao at doon na nanirahan… yun naman asawa ko limang taon na akong iniwan, nag-iisa na lang ako dito eh… kahit nga mahirap kinakaya ko. Itong bahay na ito kasi ang kaisa-isang ala-ala ko ng aking pamilya, dito ko binuhay ang asawa ko at ang dalawa kong anak. Pinagbili ko na rin yung jeep ko, okay na naman napatapos ko na ang dalawa kong anak at may maganda na silang trabaho, may sarili na rin silang pamilya at bahay, maayos na ang buhay nila”.
“ Hindi po ba sila dumadalaw dito, I mean po… sino pong tumitingin sa iyo dito, mahirap po ang mag-isa lalo na at may edad na kayo?”
“ isang taon na siguro na walang dumadalaw sa akin dito, minsan tumatawag naman sila sa telepono… kahit nga di ko masyado ginagamit yang telepono eh ayaw ko ipaputol ang linya, araw-araw naghihintay ako sa tawag nila… yung kahit boses lang nila masaya na ako, basta maramdaman ko lang na naaalala nila ako. Mababait naman ang mga anak ko, buwan-buwan may natatangap akong pera sa bangko, pero di ko naman ginagalaw… pag-namatay ako kasama yun sa ipapamana ko sa mga apo ko. Yung kapitbahay jan sa kabila, tuwing umaga binibisita nila ako at dinadalhan ng pagkain, nagbibigay na lang ako sa kanila ng konting pera pamalengke”.
“Hindi po ba kayo nahihirapan?”
“ mahirap iho, lalo na pagnakakaramdam ako ng pananakit ng katawan… pero siguro ito ang buhay ko, pag may nasakit sa akin iniisip ko na lang na bunga ito ng walang tigil kong pagtratrabaho noon upang mapatapos ko ang mga anak ko tapos mawawala na ang sakit. Yung ala-ala ng masayang buhay namin noon ang gumagamot sa akin, sana nga lang minsan maalala naman nila akong dalawin dito, gustong-gusto ko na rin silang makita lalo na ang mga apo ko. Masarap siguro yung mga araw na kasama ko sila dito, alam mo ba si pareng kanor jan sa kabila, hindi nya napag-aral ang mga anak nya kaya hanggang ngayon sa kanya pa rin nakatira… kaya lagi nyang kasama yung mga anak nya at mga apo…. Mahirap yung buhay nila, minsan walang trabaho ang mga anak nya… yun ang ayaw kong mangyari sa mga anak ko, gusto ko maayos ang buhay nila… pero alam mo, Masaya si pareng kanor, lagi ko syang naririnig na tumatawa kalaro ang mga apo nya… minsan naiingit ako, iniisip ko na lang na mas masaya ang mga apo ko sa buhay nila ngayon”.
“ paano po pag may sakit kayo, sino po ang tumitingin sa inyo?”
“ kapitbahay jun, sa kanila na rin ako nagpapabili ng gamot… sa panahon na may sakit ako doon ako nakakaisip ng matinding depresyon at pangungulila, sa totoo lang ay nagtatampo ako sa mga anak ko, pagkatapos ko silang mahalin at bigyan ng magandang buhay ay hindi na nila ako naalala na dalawin dito… kahit dalaw lang o tawag sa telepono, yung marinig ko lang na…. o tatay buhay ka pa ba? masaya na ako nun… pero iniisip ko rin na responsibilidad ko na bigyan sila ng magandang buhay at papagtapusin ng pag-aaral at responsibilidad ko rin na maging mabuting ama sa kanila… alam ko hindi na magtatagal at magkakasama na rin kami ng asawa ko, hiling ko lang na sana bago mangyari yun ay makasama ko ang mga anak at apo ko.”
“ ayaw nyo po bang tumira sa kanila?”
“ magiging pabigat lang ako sa kanila, ayaw kong bigyan ng isipin ang ang mga anak ko, dito na lang ako sa lumang bahay namin, bibilangin ang mga patak ng ulan, siguro pagkatapos ng isang libong tag-ulan maalala na rin nila akong dalawin dito. Alam mo bang birthday ko ngayon jun? kaya matyaga akong naghihintay ng tawag nila. Kung hindi naman sila makatawag iisipin ko na lang na siguro ay busy sila sa kanilang buhay… mahirap kumita ngayon at kailangan nilang magtrabaho ng hindi naabala”.
Napalunok ako saa king mga narinig, naawa ako sa kanya…
“ Ikaw Jun, may magulang ka pa ba?
“ Nanay ko na lang po, nasa bukidnon kasama ng isa niyang kapatid.”
“ kailan mo sya huling dinalaw?” tanong nya… hindi ako nakapagsalita, huli akong pumunta sa bukidnon noong pasko… malapit na naman ang pasko hindi pa uli ako nakakapunta doon.
“ sana madalaw mo uli ang iyong magulang Jun, sigurado ako… gustong-gusto ka na nyang makita katulad ng kagustuhan kong makita ang mga anak at apo ko… subukan mo, alam ko magiging maligaya sya”
Tumila na ang ulan, nagpaalam na ako, nagpasalamat… nagpasalamat din sya sa akin, nakita ko sa mga mata nya na talagang sabik sya sa kausap, sabi nya ay magkwentuhan pa kami habang hinihintay ang tawag ng mga anak nya pero dumating na yung hihila sa kotse ko papunta sa talyer. Nangako na lang ako na dadalawin ko sya pag may libreng oras ako.
Dalawang lingo ang dumaan at naisipan ko uling dalawin si mang Roman pero sarado na ang bahay… nagtanong ako sa kapitbahay nila at nalaman ko na namatay na si mang Roman tatlong araw ang nakakalipas, pagkatapos paglamayan ng dalawang araw ay dinala na ng mga anak nya si mang Roman at pina-cremate. Aalis na sana ako pero pinigilan ako ni mang Kanor, iniabot nya sa akin ang isang bag, yun ang bag na pinahiram sa akin ni mang Roman…
“ bilin ni Roman ay ibigay ko raw syo kung sakaling babalik ka, kakailangan mo daw ito sa pagbalik mo sa Bukidnon, baka ka daw masiraan sa daan”.
Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko, ramdam na ramdam ko ang pangungulila ni mang Roman sa kanyang mga anak at apo. Nagdesisyon ako, magfifile ako ng leave… uuwi ako sa Bukidnon para dalawin ang nanay ko, tama si mang Roman tiyak matutuwa yun pag nakita ako.
Mensahe ng isang magulang:
Anak.., kung nasaan ka man sana maalala mo ako
Sana dalawin mo ako kahit minsan lang.
Sabik na akong makasama at makausap kang muli.
Kung may pagkukulang man ako… patawad anak,
Gusto kong malaman mo… mahal kita higit sa pagkakaalam mo...
- Kung nabasa at nagustuhan mo ay pakisulat lamang ang "AMEN" at ishare kung naaalala mo pa si nanay at tatay, napakasarap ng may kapiling na magulang. ❤️