26/06/2025
Para sa Senador na may Malasakit sa Butete
(ika-5 sa Keso Series)
“Hindi naman nakakain ang impeachment.”
— kilala niyo sya
Ano bang pinagkaiba ng tao sa butete
na walang inisip kundi pagkain?
Sa pagmulat ng mata,
hanap ang laman-tiyang
bubuhay sa kanila.
Langoy, langoy, at langoy pa.
Pagkatapos, kakain na naman.
Parang maririkit na bayleng
magkislapan man sa tubig,
wala silang pakialam dun.
Kung tapunan ng munting keso,
sila’y mag-aagawan,
sabihin pang galing sa
ma-selfieng bugaw yun.
Kung isa sa mga kapatid nila’y
kainin ng dambuhala
o di kaya’y sa kalaliman ay mawala,
at kahit paligid man ang matambakan
ng basura at masira,
ano sa kanilang
walang diwa ng
pandaraya, katarungan,
pag-ibig, at banal?
Kaya naman kung
sinasabi mong ang mga bagay
na hindi nakakain ay
walang halaga
baka nalilimutan mo,
Senador ka sa lupa
At hindi sa dagat ng hindi nakakain
pero kain ng kain na mga butete.
Hindi nila kailangan ng malasakit.
Marvin B. Aceron
June 27, 2025