28/03/2023
Madalas tayong nakaririnig ng reklamo lalo na mula sa mga pobre nating kababayan na sila ay tinarayan, pinahiya, binastos, sinigawan at di tinulungan sa isang tanggapan ng gobyerno.
"Mayabang at akala mo kung sino pag umasta!"
Pangkaraniwan na natin itong napakikinggan na sinasambit ng mga mahihirap nating kababayan na nakatikim ng masamang pagtrato mula sa isang empleyado sa isang sangay ng gobyerno.
Sa Senate Resolution No. 554 na isinumite ni Sen. Idol Raffy Tulfo, ang mayayabang at mapangmatang mga taong gobyerno ang target nito. Layong isulong ng SR No. 554 ang ANTI-TARAY BILL.
Kapag naging batas ito, ang mga bastos at tamad na taong-gobyerno ay mapapatawan ng mabigat na parusa -- ang pagkakasibak sa serbisyo at perpetual disqualification from public office.
Ayon kay Sen. Tulfo, ang mga taong-gobyerno ay dapat magalang, mahaba ang pasensya at maunawain sa pagbibigay ng serbisyo publiko. At kung di nila ito kayang gawin, wala silang karapatang manungkulan.
Ang taong-bayan ang nagpapasahod sa mga taong-gobyerno kaya dapat tratuhin ng mga taga-gobyerno ang taong-bayan na lumalapit sa kanila bilang kanilang mga amo.