29/05/2024
BINI, SINAGOT ANG MGA MALISYOSONG POSTS PATUNGKOL SA KANILANG HIT SONG NA "SALAMIN SALAMIN"
Sa press conference ng kanilang latest endorsement ng isang online shopping app nitong Martes, Mayo 28, sinagot ng 'nation's girl group' na BINI_ph ang mga malisyosong posts na gawa ng ilang netizens patungkol sa kanilang hit song na "Salamin Salamin".
Matatandaang kumalat ang mga nasabing post nitong nakaraang araw, kasabay ng patuloy na pagsikat ng nasabing dance hit, na sinasabi ng iba ay isang "witchcraft song" o may kinalaman sa itim na kapangyarihan.
Sagot ni Jhoanna Robles, na lider ng grupo, “Actually, ’di na po kasi kami nakaka-open ng social media po dahil sobrang busy po. Ngayon lang po namin nalaman din po ’yan. Well, hindi na natin maco-control din po kasi ’yung utak ng ibang tao po."
Sinundan naman iyon ng tugon ni Colet Vergara. Aniya, “Actually, nakita ko po ’yun, ’yung post na ’yun. Pero nakakatawa po, hindi pa po ’yun, meron pa pong mas nakakatawa. Natatawa na lang po kami na may mga ganun na pong nabubuong kwento na theory theory po ’yung mga tao."
Para naman kay Maloi Ricalde, 'fake news' at hindi gawain ng witchcraft ang viral hit.
“Fake news po ’yun. Hindi po witchcraft ang ‘Salamin, Salamin.’ Maganda lang ’yung song,” dagdag pa ni Maloi.
Matatandaan ding noong 2003, inakusahan din ng ilang tao ang isa pang naging dance craze na "Asereje" o "The Ketchup Song" ng girl trio na Las Ketchup, na isang chant na pang-demonyo, gayundin ang isa pang hit ng BINI na "Pantropiko" na may mga ganung klaseng posts at false claims nitong nakaraan.
Isa ang "Salamin Salamin" sa mga current hit songs ngayong 2024 na ginawan pa ng iba't ibang version ng dance moves ng maraming netizens at celebrities at isa rin sa ma nangunguna sa radio at online charts.
Bukod naman sa mga kabi-kabilang endorsements at commitments, abala ang BINI ngayon sa kanilang paghahanda para sa 3-night solo concert na gaganapin ngayong Hunyo.