
07/02/2025
ABS-CBN FACT CHECK: Hindi totoong babalik sa Channel 3 ang ABS-CBN
Hindi totoo ang kumakalat na balitang ibinalik sa National Telecommunications Commission (NTC) ang frequency ng Channel 3 kung saan diumano muling eere ang ABS-CBN simula Pebrero 10, 2025.
Sa isang Facebook post, nilapatan ng tekstong “Nasa Chanel 3 na” ang logo ng ABS-CBN. Mababasa rin sa post ang caption na, “Ibinalik na sa NTC ang mga original frequency ng Channel 3 sa Metro Manila gaya ng napunta balik sa dating tahanan ng ABS-CBN sa Channel 3 na original frequency matapos ang halos anim na dekada.”
Makikita sa isa pang Facebook post ang lumang logo ng network noong umeere pa ito sa Channel 3 na may nakalapat na tekstong, “ABS CBN BALIK ERE SA DATING CHANNEL.” Dagdag naman ng isa pang post, “ABS-CBN returns as Channel 3 starting February 10th, 2025.”
Pinabulaanan ng ABS-CBN Corporation ang sinasabi sa mga kumakalat na post. “This is false information,” ayon sa kumpanya.
Sa isang pahayag na ipinadala ng NTC sa ABS-CBN Fact Check, nilinaw nito na base sa kanilang record, walang na-issue na permit o awtorisasyon sa ABS-CBN para gamitin ang frequency ng Channel 3.
“ABS-CBN has not been issued any permit and/or authorization for the operation of [Channel 3] in Metro Manila or in any part of the country,” saad ng NTC.
“With the expiration of ABS-CBN's Legislative Franchise on 05 May 2020, no frequency/channel has been assigned to ABS-CBN to date,” dagdag pa ng komisyon.
Mula Channel 3 papuntang Channel 2
Ang tinutukoy na pagbabalik ng ABS-CBN sa Channel 3 sa nagkalat na Facebook posts ay ang unang pag-ere ng Alto Broadcasting System (ABS) sa nasabing channel noong Oktubre 23, 1953. Sa panahong iyon, pagmamay-ari pa ni Tony Quirino ang ABS hanggang sa bilhin ito ni Eugenio H. Lopez Sr. noong 1957. Si Lopez ang may-ari ng Chronicle Broadcasting Network (CBN) na umeere noon sa Channel 9.
Noong 1969, nag-umpisang umere ang ABS-CBN sa parehong Channel 2 at Channel 4 hanggang maipasara ito noong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang noo’y diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Noong 1986, matapos mapatalsik si Marcos, ibinalik sa network ang Channel 2. Mula noon, patuloy na umere ang ABS-CBN sa Channel 2 hanggang matapos ang prangkisa nito noong Mayo 5, 2020.
Napunta ang Channel 2 sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pag-aari ng mga Villar. Ngayon ay tinatawag itong ALLTV kung saan umeere ang mga programa ng ABS-CBN sa pamamagitan ng partnership sa pagitan ng dalawang kumpanya.
Sa nagdaang briefing ng House Committee on Legislative Franchises noong Pebrero 5, tinalakay ang pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN bunsod ng mga inihaing panukalang batas na naglalayong ibalik sa ere ang nasabing network.
🔗 ABS-CBN NEWS
ABS-CBN FACT CHECK