30/09/2024
CARL ANTHONY DE LEON PEREIRA
a.k.a. “KUYA KALABAW”
1998 - 2024
Lubos naming ikinadadalamhati sa Kuwentong Krayola ang pagpanaw ng aming masipag na volunteer teacher, co-founder, at kaibigan na si Carl Anthony De Leon Pereira nitong ika-24 ng Setyembre 2024.
Ika-21 ng Hunyo taong 2021 noong unang nabuo ang Krayola PH, bunga ng dedikasyon ni Carl na makatulong sa mga maralitang mamamayan ng Makati noong panahon ng pandemya. Dahil sa kaniyang angking talino at likas na pagiging mapagkaibigan, mabilisan niyang nakuha ang loob at tiwala ng mga naninirahan sa komunidad ng Guadalupe Bliss, kung kaya’t kami ay nabigyan ng oportunidad na bumuo ng isang community school para sa mga out-of-school youth at mga kabataang estudyante na nangangailangan ng educational assistance.
Bilang isang artista at g**o, ipinamalas ni Carl ang kaniyang talento upang linangin ang kakayahan ng mga kabataan sa paglikha ng sining. Kaya naman, isa siya sa mga nanguna sa pagbubuo ng alternatibong kurikulum para sa aming mga inilunsad na literacy drives at art workshops para sa mga bata, pati na rin ang pagtatayo ng mga community pantries at pagsasagawa ng relief operations sa komunidad. Nang dahil siya'y napalapit at napamahal sa mga pamilyang kaniyang natulungan, siya’y binansagang “Kuya Kalabaw” sa komunidad, na ayon kay Ate Rita, isang nanay mula sa MACDA, ay gawa ng siya ay “laging walang pahinga, hindi nagrereklamo, at hindi napapagod,” at dahil na rin sa kaniyang kakaibang tattoo sa braso at hikaw sa ilong na nagwawangis sa singkaw ng isang toro.
Kuya Carl, kasinlaki at kasingbigat ng bundok ang lungkot na aming bitbit bunsod ng pagkawala mo. Kami sa Kuwentong Krayola ay lubos na mapalad at nagpapasalamat na nakakilala at nakakasama kami ng isang tulad mo na walang ibang hangad kundi ang makatulong sa iba.
Sa bawat hakbang na aming tatahakin upang makamit ang sinimulan nating laban para sa edukasyon, ay gagawin namin sa alaala at mga aral na iniwan mo. Mananatili kang inspirasyon, at habambuhay naming ibabahagi sa susunod na salinlahi ang magiting na kuwento ng buhay mo.
Hanggang sa muli! ✊🖍❤