31/12/2024
BAGONG TAON? ALAMIN AT MAMULAT!
Ang pagdiriwang ng Bagong Taon ay unang isinagawa ng sinaunang Babilonya sa Mesopotamia, na tinatawag nilang Pista ng Akitu, na sa mga panahon na yaon ay sa buwan ng Marso o Abril.
Sila ay nagdiriwang sa araw na ito bilang pagdakila sa kanilang diyos-diyusan na tinatawag nilang Marduk, at ang kanyang anak na si Nabu, at iba pang diyos-diyusan.
Sa paglipas ng panahon, naging ang ika-1 ng Enero (January) ang pagdiriwang ng Bagong Taon, sapagkat idinagdag ng mga Romano ang buwan ng Januarius (January) at Februarius (February) sa mga buwan. At ito ay tinangkilik ng marami.
At nagdiriwang ang mga Romano sa araw na ito bilang pagdakila sa kanilang diyos-diyusan na tinatawag nilang Janus, ang Romanong diyos ng mga simula, na ito umano ay may dalawang mukha, ang isa ay nakikita niya ang mga paparating pa lamang (future), at ang isa naman ay nakikita niya ang mga nakalipas na (past).
At marami pang relihiyon ang nagdiriwang ng Bagong Taon, na sila ay nagsasagawa ng iba’t ibang ritwal sa araw na ito bilang pagdakila sa kanilang mga diyos-diyusan.
Sa kabilang banda, ang PAGPAPAPUTOK naman sa pagpasok ng Bagong Taon ay pinaniniwalaan ng ibang relihiyon na ito ay bilang pagtaboy umano sa mga malas at masasamang elemento.
At gayundin ang PAGLALAGAY NG MGA BILOG NA PRUTAS sa hapag-kainan sa pagpasok ng Bagong Taon ay kanilang pinaniniwalaan na ito umano ay magdadala ng swerte.
Ibig-sabihin, ang pagdiriwang ng Bagong Taon ay PANG-RELIHIYON NA PAGDIRIWANG na isinasagawa ng mga hindi muslim. Kungkaya, MARIING IPINAGBABAWAL sa Islam ang pakikibahagi sa pagdiriwang na ito.
At sinumang muslim ang makibahagi sa pagdiriwang na ito, tulad ng paghahanda sa pagpasok nito, o kayanaman ay sa pamamagitan ng pagpapaputok, o maging sa pamamagitan ng pagbati ng “Happy New Year”, o sa kahit na anumang paraan na may ugnay sa okasyong ito, ay katotohanan na siya ay nakagawa ng gawaing kinamumuhian ni Allah (Subhanahu wa taala), samakatuwid ay nakagawa ng Haram, bagkus magiging kabilang sa kanila.
Sinabi ni Allah (Subhanahu wa taala):
﴿وَقَدْ نَزَّلَ عَلَيْكُم فِي الكِتَابِ أَنْ إِذَا سَمِعْتُم آيَاتِ اللَّهِ يُكْفَرُ بِهَا وَيُسْتَهزَأُ بِهَا فَلَا تَقْعُدُوا مَعَهُم حَتَّى يَخُوضُوا فِي حَدِيْثٍ غَيْرِهِ إِنَّكُم إِذًا مِثْلُهُم﴾ [النساء: ١٤٠]
“At inihayag sa inyo sa aklat, na kapag narinig niyo ang mga talata ni Allah na sinusuway ang mga ito, at hinahamak ang mga ito, ay huwag kayong umupo (o makisama) sa kanila, hangga’t sa pasukin nila ang usapin na iba dito, (sapagkat kung kayo ay kasama nila sa ganung kalagayan ay) tunay na kayo kung ganun, ay tulad nila.”
At iyan ay pinagtanto ng Rasulullah (SallAllahu alayhi wa sallam), Kanyang sinabi:
«مَنْ تَشَبَّهَ بِقَوْمٍ فَهُوَ مِنْهُم.» [الإمام أحمد في مسنده: 5114، ابن أبي شيبة في مصنفه: 19401، أبو داود في سننه: 4031، الطبراني في المعجم الأوسط: 8327، البيهقي في شعب الإيمان: 1154، وصححه الألباني في الإرواء: 2384]
“Sinuman ang tumulad sa isang pangkat (o nasyon), ay siya ay kabilang sa kanila.”
Ang ibig sabihin ng naturang talata at hadeeth, ay sinuman ang makisama sa mga gumagawa ng MA’SIYAH (kasalanan) ay kabilang sakanila, sinuman ang makisama sa mga gumagawa ng KUFR (nagpapalabas sa Islam) ay kabilang sakanila, at sinuman ang makisama sa mga gumagawa ng SHIRK (pagtatambal) ay kabilang sakanila.
[Yundhar: Tafseer Al-qurtubiy: 5/418]
At ang pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taon ay hindi lamang kasalanan, bagkus pasok rin sa Shirk, dahil tulad ng nabanggit natin, na ipinagdiriwang ng ibang relihiyon ang pagpasok ng Bagong Taon bilang pagdakila sa mga diyos-diyusan, IYAN AY TUNAY NA TALIWAS SA TAWHEED.
At ang Shirk ay walang katumbas na kasalanan. Sinabi ni Allah (Subhanahu wa taala):
﴿إِنَّ اللهَ لَا يَغْفِرُ أَنْ يُشْرَكَ بِهِ وَيَغْفِرُ مَا دُونَ ذَلِكَ لِمَنْ يَشَاءُ وَمَنْ يُشْرِكْ بِاللهِ فَقَدْ ضَلَّ ضَلَالًا بَعِيدًا﴾ [النساء: 116]
“Katiyakan na si Allah ay hindi Niya ipapatawad ang itambal Siya, at ipapatawad niya ang iba doon (iba sa Shirk) sa sinumang naisin Niya, at sinuman ang itambal niya si Allah ay tunay na naligaw nang pagkaligaw na malayo.”
Kanya pang sinabi:
﴿إِنَّهُ مَنْ يُشْرِكْ بِاللهِ فَقَدْ حَرَّمَ اللهُ عَلَيْهِ الجَنَّةَ وَمَأْوَاهُ النَّارُ﴾ [المائدة: 72]
“Katiyakan na sinuman ang itambal niya si Allah ay tunay na ipinagbawal ni Allah sa kanya ang Paraiso, at ang patutunguhan niya ay ang Apoy (ng Impiyerno).”
At aking sasabihin, na ang muslim na nakikibahagi sa pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taon, ay hindi lamang mangmang, bagkus wala naring nalalabing kahihiyan, pride, at dignidad sa kanyang sarili, sapagkat kalapastanganan sa kanyang pananampalataya ang kanyang ipinagdiriwang.
والله أعلم.
✍️: Amer M. Pundogar