Dalawang pulis, nagmistulang kumadrona
Pinapurihan ni PRO MIMAROPA Regional Director Brig Gen Sidney Hernia ang dalawang pulis na tumulong sa isang manganganak na babae sa Occidental Mindoro noong Nobyembre 8, 2022.
Galing sa Semirara, Caluya, Antique nagtungo sa San Jose, Occidental Mindoro ang buntis na si Mary Jane Vilas Gadon para sa scheduled ultrasound sa San Jose Public Diagnostic Center.
Kasama ang kanyang asawa, sasakay sana ng tricycle ang dalawa patungo sa clinic ng biglang sumakit ang tyan ng ginang.
Napilitang bumalik ang mag-asawa sa kanilang pansamantalang tinutuluyang bahay sa Barangay Caminawit sa bayan ng San Jose.
Nagkataong doon din tumutuloy si PSSg Helen Joy Miclat-Compas na kagyat na tumawag kay PCpl Victor Tatad para tulungan siya sa pagpapaanak at pagputol ng umbilical cord ng bagong silang na sanggol.
Si Tatad, na isang registered nurse, ay pauwi na sana matapos ang kanyang duty ng matanggap ang tawag ni Compas kaya daglian itong rumesponde.
Ayon kay Hernia, "This is just one of the many proofs that there are more good cops in our ranks. Ako ay nagpupugay sa kabutihang loob ni ipinamalas ng dalawang pulis na hindi nag-atubiling tumulong sa ating kababayan na nangangailangan".