24/12/2025
𝐀 𝐂𝐡𝐫𝐢𝐬𝐭𝐦𝐚𝐬 𝐒𝐩𝐞𝐜𝐢𝐚𝐥 | 𝐒𝐚 𝐀𝐫𝐚𝐰 𝐧𝐚 𝐁𝐮𝐦𝐚𝐥𝐢𝐤 𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐢𝐰𝐚𝐧𝐚𝐠
𝘞𝘳𝘪𝘵𝘵𝘦𝘯 𝘣𝘺 𝘑𝘓 𝘟𝘦𝘳𝘦𝘯𝘦 𝘓𝘶𝘤𝘢𝘴
—————-
Disyembre na’t buhay na buhay na ang paligid. May mga pa-ilaw nang kumikislap sa bawat kanto, may mga parol na tila bituin sa mababang langit, at may mga awiting paulit-ulit na humahaplos sa pandinig.
Binabalot na ng kapaskuhan ang lahat. Sa tindahan, sa kalye, at sa mga puso’t diwa ng masa. Naroon ang sinasabing “Christmas spirit” na nadarama sa ingay at liwanag ng paligid. Ngunit kahit na anong lawak nito, bakit hindi nito mapasok-pasok ang tahanan ko?
Naaalala ko pa noong musmos pa ako. Si Santa Claus pa ang hinihintay at bukambibig ko. Ngunit ngayong taon, hindi na si Santa Claus ang inaabangan ko. Hindi regalo, hindi sobre, at lalong hindi laruan…
Ang tanging pinanghahawakan ko na lamang ay ang petsang binilugan sa aming kalendaryo. Bilog na kinakapitan ko bilang lakas sa pang araw-araw.
Bawat pahina ay parang talata ng mahabang panata ng paghihintay. Binibilang ko ang mga araw, hindi para sa Disyembre a-bente singko, kundi sa tinatamasa kong ilang taon ko nang hindi nakakamtan.
OFW si Mama. Sa ibang bansa siya naghihirap para mabuhay ang kanyang pamilya. Doon siya nagpapakatatag para kaming nandito sa Pinas ay mapanatiling buo at busog.
Sa bawat padala niyang pera, may pawis dala ng pagod. Sa bawat tawag, may pagitan ng distansya at oras. Nakikita ko siya sa screen ng telepono, ngunit hindi ko siya mahawakan at mahagkan. Naririnig ko ang boses niya, ngunit hindi pa rin ito sapat upang pawiin ang nakakabinging katahimikan.
Sa labas, masaya ang lahat. May mga batang nagkakantahan, mga pamilyang sabay-sabay na namimili para sa ilalatag sa hapag sa papalapit na noche buena, at mga tawang walang bahid ng lungkot. Pinapaalala nila na ang Pasko ay mas masaya kapag kumpleto ang pamilya, at kami, kahit anong pilit, ay laging kukulangin ng isang ina.
Sa bawat pagsasalo-salo, may isang bakanteng upuan. Hindi ito sinasadyang iwan, ngunit matagal na rin itong hindi naookupahan. Minsan, nahuhuli kong nakatingin si Tatay doon, na para bang umaasang may biglang uupo. Sa bawat kaluskos sa labas ay napapalingon, umaasang iyon na ang tunog ng pinaka hinihintay niyang pagbabalik.
Habang papalapit ang araw na naka-marka sa kalendaryo, mas nagiging mabigat ang bawat gabi. Darating ba siya? Matutupad ba niya ang kanyang pangako? Ang lamesa bang kulang-kulang, sa gabing iyo’y mabubuo?
Ang Pasko ay nasa paligid, ngunit wala sa loob ko. Dahil paano magiging makabuluhan ang Pasko kung ang pinakamimithi kong regalo ay wala pa rin sa tabi ko?
At noong dumating na ang araw na iyon na walang bahid ng tunog mula sa gulong ng maleta o pagtapak ng paa’y sabay ang paunti-unti ang pag-asa na noo’y namamayagpag sa aking dibdib.
Ngunit isang katok sa pinto ang aming narinig. Hindi malakas o mahina. Dahan-dahang bumukas ang pinto.
Naroon na si Mama—walang pasabi, walang engrandeng eksena, walang paputok. May bakas pa ng pagod sa kanyang mukha’t may luha sa kanyang mga mata. Dali-dali’t madapa-dapa akong tumakbo sa bisig niya, at di ko na namalayang hinahagkan ko na pala siya.
Sa wakas, puno na ang dati’y lamesang tilang Christmas lights na may pundidong bumbilya sa gitna. Hindi na kami nag-abalang buksan ang mga parol dahil narito na ang bituing pinakahihintay namin. Hindi na lamang pag-asa ang sinisimbolo ng marka sa kalendaryo kundi isang pangakong hindi napako. Ang Christmas spirit na dati’y iniiwasan ang aming bahay ay ngayo’y pumapaligid rito.
Doon ko naunawaan na ang Pasko ay hindi dumarating sa takdang petsa. Mararamdaman mo ito sa pagsasakatuparan ng isang panata ng pagdating ng taong magdadala ng liwanag sa buhay ng isa’t isa.
Maraming ilaw ang kumikislap tuwing Pasko, ngunit iisa lamang ang tunay na nagbibigay-liwanag—ang pag-uwi ng taong matagal mong hinintay at ipinagdasal mo nang lubos.
————————————————————————————
𝘞𝘳𝘪𝘵𝘵𝘦𝘯 𝘣𝘺 𝘑𝘓 𝘟𝘦𝘳𝘦𝘯𝘦 𝘓𝘶𝘤𝘢𝘴, 𝘍𝘦𝘢𝘵𝘶𝘳𝘦 𝘌𝘥𝘪𝘵𝘰𝘳 𝘰𝘧 𝘈𝘜 𝘛𝘩𝘦 𝘚𝘵𝘢𝘯𝘥𝘢𝘳𝘥, 𝘵𝘩𝘦 𝘶𝘯𝘪𝘷𝘦𝘳𝘴𝘪𝘵𝘺 𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘤𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯.
𝘐𝘭𝘭𝘶𝘴𝘵𝘳𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘣𝘺 𝘗𝘳𝘦𝘤𝘪𝘰𝘶𝘴 𝘈𝘪𝘳𝘢 𝘋𝘦 𝘝𝘦𝘳𝘢, 𝘏𝘦𝘢𝘥 𝘊𝘢𝘳𝘵𝘰𝘰𝘯𝘪𝘴𝘵 𝘰𝘧 𝘈𝘜 𝘛𝘩𝘦 𝘚𝘵𝘢𝘯𝘥𝘢𝘳𝘥, 𝘵𝘩𝘦 𝘶𝘯𝘪𝘷𝘦𝘳𝘴𝘪𝘵𝘺 𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘤𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯.