24/02/2024
Kabataan sa kinabukasan: YFD Meeting, isinagawa
Balita ni Grace Fatima S. Varias
Larawan ni Bb. Concepcion M. Macapagal
Dinaluhan nina Supreme Secondary Learner Government (SSLG) President Kean Lance P. Bunye ng Pasay City National Science High School at Project Development Officer I Bb. Concepcion M. Macapagal ang Youth Formation Division (YFD) Design Meeting nitong ika-22 ng Pebrero, 2024, sa Education Support Service Division (ESSD) Technical Room, DepEd NCR, Quezon City.
Ayon sa Division Memorandum No. 0248, s. 2024, Authority to Attend the YFD Design Meeting with the Project Development Officers and Division Federation Supreme Secondary Learner Government Presidents, mula sa pirmadong Notice of Meeting ni Dr. Jocelyn DR. Andaya, Director IV, layunin nitong tipunin ang lahat ng opisyales ng Regional Federated Supreme Secondary Learner Government (RFSSLG) upang pag-usapan ang minomonitor at sinusuring iba’t ibang programa, proyekto, at aktibidad na konektado sa students’ handbook.
Ayon kay Bunye, nagkaroon ng tatlong bahagi ang kanilang pagpupulong. Una, ang pagbibigay ng kaniya-kaniyang pananaw sa kung ano ang mga kailangang makita sa student’s handbook. Pangalawa, sila ay pinangkat sa 3 grupo at kinakailangang magbigay ng solusyon sa kung paano hindi mababasag ang ibinigay na itlog pagkatapos itong ilaglag 10 ft ang taas mula sa ibabaw ng lupa. Ikatlo, ang mga opisyales ay pinangkat sa 3 at nagbahagi sila ng mga suliranin o isyung kinakaharap na apektado ang mga mag-aaral. Ang mga lider ay magkakasundo sa iisang isyu na kanilang tatalakayin at bibigyan ng maaaring maging solusyon.
“Sa handbook ng learners, nando’n dapat ‘yung priority to capacitate our youth leaders para developed ang kanilang skills pagdating sa service. The more they are capable, the better the quality of outputs na inilalaan ng youth leaders towards fellow learners,” saad ni Bunye.
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang isyu sa kakulangan sa kagamitan, pasilidad, at lakas-tao o manpower sa ibang paaralan. Ang mga kakulangan na ito ang humahadlang sa pag-unlad ng mga mag-aaral tulad ng hindi maayos na nakakapag-aral ang bata dahil hindi sapat ang mga kailangang kagamitan. Dagdag pa, ang paksa tungkol sa kalusugang pangkaisipan ay binigyang diin din sa pagpupulong sapagkat ang pagkakaroon ng mga polisiya ay dapat din magamit nang maayos para sa lahat ng kabataan.
Sa kabuuan, naging makabuluhan ang naganap na pagpupulong para sa pagsulong ng mga suliranin ayon sa perspektibo mismo ng mga mag-aaral. Bilang mga kabataan na may kargang responsibilidad at tungkulin, ito ang pagkakataon para itama ang mali at matugunan ang pagkukulang para sa mga mag-aaral ngayon at ng kinabukasan. Hindi natatapos ang pamumuno ng mga lider-estudyante. Magkakaroon ng bagong henerasyon na siyang haharap sa mga hamon at nawa’y maging mas mahusay ang kanilang paraan sa pagsasaayos tungo sa magandang kinabukasan.