12/01/2025
Kung lampas 30 anyos ka na at single pa rin, malamang nasabihan ka na ng ganito: “O kelan ka mag-aasawa? Ikaw din, mahirap tumandang mag-isa.”
Kung meron ka ng asawa pero wala pang anak, ganito naman: “O bakit wala pa kayong anak? Kayo rin, walang mag-aalaga sa inyo pagtanda n’yo.”
At kung meron na kayong anak… “O kelan nyo ‘yan susundan? Ba’t pinatatagal nyo pa? Kawawa naman ‘yung bata, walang kalaro.”
Gusto kong isipin na mabuti ang intensyon ng mga taong ito, sila man ay miyembro ng pamilya o kaibigan.
Ikaw, paano kang mangumusta?
Payong kapatid. Pag nangungumusta ka, gawin mo sana ito ng walang bahid ng pagdidikta, pakikialam o pagmamarunong.
Unang-una, walang pag-aaral na nagpapatunay na laging malungkot at mahirap ang tumandang walang asawa.
Sa katunayan, kung merong may asawang aburido sa buhay pamilya, meron ding tumandang binata at dalaga na payapa at masaya sa buhay.
Ikalawa, mukhang mali yatang ang dahilan kaya ka mag-aanak ay para asahan silang mag-alaga sa ‘yo.
At ikatlo, kung wala siyang kapatid, pwedeng makipaglaro ang anak mo sa ibang bata, kahit sa ‘yo mismo na magulang niya.
In short, mangumusta ka pero iwasan mong magreseta ng mga “formula” sa buhay na wala namang ebidensyang nagpapatunay na sadyang mabisa.
Tandaan mong sila, hindi ikaw ang humahabi ng kanilang karanasan.
Alalahanin mo ring tuwing “nagpapayo” ka o “gumagabay” sa ganyang paraan, kahit katwiran mo ay maganda ang intensyon mo, meron kang nasasagasaang mga bagay na mas mahalaga kesa maganda mong intensyon. Ano ito?
Respeto at pagtitiwala.
Respeto sa kwento nila na di mo naman kabisado ang puno’t dulo. At tiwala na alam at kaya nilang magkaroon ng makahulugang buhay sa paraang pipiliin nila.
Kaya sa susunod na meron kang babatiing miyembro ng pamilya, kaibigan o kakilala, ang una mong ipadama ay masaya kang makita siya.
At pag nangumusta ka, sikapin mong mas makinig—‘yung sinserong pakikinig na di tinitipid ang atensyon at interes sa kwento ng buhay niya.
Mas madalas, ‘yun ang kailangan nila. Pakikinig at pagtanggap. Hindi bawal at dapat. Maging masaya ka sa potensyal at karanasan nila ngayon. At wag silang itulak sa drowing na hinaharap na di mo naman hawak.
Kapag nangungumusta ka nang may pakikinig, hindi ka lang nagiging regalo. Ikaw mismo, merong natututunang bago.