11/01/2026
Binatang estudyante at dalawa pa, sinaksak ng basag na bote ng security guard sa Romblon, Romblon
ROMBLON, Romblon - Sugatan na dinala sa ospital ang isang estudyante at dalawa pang biktima matapos na saksakin ng basag na bote ng isang nakainom na guwardiya dakong 2:05 ng madaling araw kanina, Enero 11, 2026 sa Barangay I, Poblacion, Romblon, Romblon.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 22 taong gulang na binatang estudyante, 24 taong gulang na panadero at kapwa residente ng Barangay Dona Juana, San Agustin, Romblon at isang 25 taong gulang na babae na residente ng Barangay Cajimos, Romblon, Romblon habang ang itinuturong suspek ay nakilala na si alyas "John" 32 taong gulang, security guard, may kinaksama at residente ng Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, habang ang biktima at ang nakainom na suspek ay nakapila sa comport room sa Freedom Park ay walang dahilan na nagalit umano ang suspek at hinamon ng suntukan ang biktima.
Mamaya ay kumuha ang suspek ng isang bote ng alak at binasag ito. At habang hawak-hawak ang basag na bote ay inundayan nito ng saksak ang biktima na tinamaan sa iba't-ibang bahagi ng katawan.
Sinubukan namang awatin ito ng dalawa pang biktima ngunit sila naman ang binalingan ng saksak ng suspek. Tinamaan sa kanang kamay ang panadero habang nasugatan naman sa kaliwang daliri ang babaeng biktima.
Noong dumating ang nagrespondeng tauhan ng Romblon MPS ay mabilis na tumakas ang suspek.
Agad namang dinala ang mga biktima sa Romblon District Hospital para sa atensyong medikal. Dahil sa hindi naman malubha ang natamong sugat ng biktimang panadero at babaeng biktima ay nakalabas kaagad ang mga ito sa ospital habang ang biktimang estudyante ay isinailalim sa operasyon dahil sa tinamo na maraming sugat sa kanyang leeg.
Napag-alam na boluntaryong sumuko ang suspek dakong 3:20 ng madaling araw, Enero 11, sa Romblon MPS.
Kasalukuyang inihahanda ng Romblon MPS ang kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek. (Romblon Sun Staff)