30/11/2024
๐๐ข๐ฅ๐ข๐ฉ๐ข๐ง๐จ ๐๐, ๐๐ข๐ง๐๐ข ๐๐๐ฌ๐ญ๐ ๐๐ข๐ฅ๐ข๐ฉ๐ข๐ง๐จ ๐๐๐ง๐ !
Ano nga ba ang ating ipinagdiriwang tuwing sasapit ang ika-tatlumpu ng Nobyembre? Marami sa atin ang marahil ay nakalimot na. Ngunit hindi ako, sapagkat ito ang araw ng ating tinaguriang 'Ama ng Katipunan', si G*t Andres Bonifacio. Isa sa mga masigasig na bayaning nakipaglaban sa mga mananakop upang mapalaya ang ating inang bayan. Sa kasamaang-palad, kasabay ng paglipas ng mga taon ay ang pagkalimot din natin sa kaniya kasama ang kaniyang mga nagawa para sa atin. Naging pangkaraniwang araw na lamang sa ating mga Pilipino ang araw ng kaniyang kapanganakan, o kung natatandaan man natin ay dahil isa na ito sa mga holiday sa bansa. Ang mas nakakadismaya pa ay ang mga paninira at pangungutya ng mga tao sa kaniya sa internet.
Nakakalungkot isipin na pagkatapos mong isakripisyo ang iyong sariling buhay para sa iyong minamahal na bansa ay tila mababalewala ito dahil lamang sa paglipas ng mga taon at mga taong wala nang ibang inatupag kundi ang pabanguhin ang kanilang mga pangalan sa publiko. Kung minsan ay napapaisip ako, ano nga kaya ang mararamdaman at magiging reaksyon ni G*t Andres sa mga nangyayari sa kaniyang minamahal na inang bayan? Makararamdam kaya siya ng pagsisisi na ibinuwis niya ang kaniyang sariling buhay para sa ating mga Pilipino na ngayon ay kinukutya na lamang siya sa internet? Dahil kung ako ang nasa kaniyang posisyon, ako ay malulungkot at madidismaya, hindi dahil sa hindi nila pag-alaala sa aking kaarawan ngunit sa kadahilanan na sila'y nagiging uto-uto na lamang sa mga boses sa kanilang kapaligiran. Dahil sa ating kamangmangan sa mga bagay-bagay na nasa ating paligid ay tila umuulit lamang ang sinapit niya noon sa ibang mga Pilipino ngayon โ maraming mga inosenteng tao ang nakukulong nawawala at nababawian ng buhay dahil higit na mas maimpluwensya sa taas ang kanilang nakabangga; panggagamit ng mga tao sa kanilang kapuwa na tinuring sila bilang isang kaibigan; at ang pangmamaliit at pambabastos sa kapuwa dahil lamang wala itong diploma na maipakita sa madla.
Kung inyong oobserbahang mabuti, tila makikita ninyo na nahahawig ang nangyari kay Bonifacio noon bago siya paslangin sa kasalukuyang panahon ngayon. Si Andres Bonifacio ay pinatay ng kaniyang mga kapuwa Pilipino, isang Mock Military Tribunal na itinatag ng pamahalaan ni Gen. Emilio Aguinaldo. Hindi lamang iyon, dahil marami pang naging kaguluhan ang nangyari noon, katulad na lamang ng inihayag ni Clemente noong 2013 sa kaniyang inilabas na artikulo patungkol sa kaniyang pag-aaral patungkol dito โ nagkaroon ng botohan para sa mamamahala ng pamahalaan, pagkatapos ng botohan, si Bonifacio ang nakakuha ng pangalawang may pinakamaraming boto sa pagkapangulo at dahil doon ay iminungkahi ni Mariano Alvarez na si Bonifacio na ang gawing pangalawang pangulo ngunit hindi na ito sinang-ayunan ng mga tao. Sa pagkakataong iyon ay biglang tumayo si Daniel Tirona at kinuwestyon ang kwalipikasyon ni Andres Bonifacio. Sinabi niya, โAng posisyong ng Director ng Interior ay hindi dapat pinanghahawakan ng isang walang aral, dito sa Cavite ay may isa tayong abogado, siya ang karapat dapat". Isang kataksilan at kahangalan ang naganap noon na patuloy pa ring nangyayari sa kasalukuyan.
Sa paglipas ng mga taon ay kaakibat nito ang pagkalimot sa isa sa ating mga tanyag na bayani. Maraming mga nangyari noon ang patuloy na nangyayari pa rin sa kasalukuyan, marami pa ring mga inosenteng tao ang nakukulong dahil higit na mas may kaya at may kapit sa taas ang kanilang katunggali. May mga panggagamit pa rin na nangyayari buhat ng inggit sa kanilang kapuwa. At mayroon pa ring mga tao na nang-aapak ng kapuwa dahil sa mataas na tingin nila sa kanilang sarili. Hindi ito maikakaila dahil kalat sa internet ang ganitong mga pangyayari. Nakapanghihinayang at nakadidismaya na sa kabila ng mga nangyari at naranasan noon ng ating mga bayani na dapat ay nagsisilbing aral sa atin ngayon, ay umuulit lamang at mas lumalala pa.
Ngayong araw ng ating tinaguriang Ama ng Katipunan, tayo sana'y magkaisa na sariwain ang kaniyang mga naiambag para sa bansa at magnilay-nilay sa mga nangyari noon na patuloy pa ring nagaganap sa kasalukuyan. Huwag sanang umabot sa punto na tayo-tayong mga Pilipino na rin ang nagtatalo-talo sa kadahilanan na mayroong mas higit sa atin at hindi natin ito matanggap sa ating sarili. Pakatandaan na iba ka, iba siya, magkakaiba tayong lahat. May kaniya-kaniya tayong mga kalakasan at kahinaan na hindi natin dapat ikinukumpara sa iba. Maging masaya tayo sa tagumpay ng mga tao sa ating paligid at huwag maging sagabal sa kasiyahan nila. Huwag din sana tayong magmaang-maangan at manahimik na lamang sa isang tabi sa mga pangyayaring ikaw ay may kaalaman. Kung alam mo na ikaw ay nasa tama, ipaglaban mo ang iyong pananaw, huwag kang maging duwag. Ikaw ay Pilipino, katulad ni Bonifacio, alam kong ikaw ay matapang at may paninindigan. Ipaglaban mo ang iyong karapatan, at huwag magpabulag sa sinuman o anumang ilalatag sa iyong harapan, at lalong huwag kang maging isang dayuhan sa sarili mong bayan. Ngayon tatanungin kita, handa ka na bang maging isang matapang na Pilipino na kapara ni G*t Andres Bonifacio?
Isinulat ni Jhaybel Rodil
inilarawan Neil Mendoza