03/11/2024
๐ฆ๐ง๐๐ง๐ฆ๐ญ๐ฌ๐ญ | Mga estudyante, g**o, at kawani ng AdNU, nagpahayag ng kanilang opinyon sa muling pagsisimula ng klase sa ika-5 ng Nobyembre
Ayon sa Needs Assessment Survey (NAS) na isinagawa ng ThePILLARS Publication mula noong ika-30 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre 2024, napakalaking mayorya ng mga estudyante, g**o, at kawani ng AdNU ang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa desisyon na ipagpatuloy ang mga klase at trabaho sa susunod na Martes, ika-5 ng Nobyembre 2024. Mahigit 3,791 ang sumagot sa NAS, tinatayang 88.6% (3,360 na mga respondente) ang sumasagot ng Hindi, at 11.4% (431 na mga respondente) naman ang sumagot ng Oo.
Ang pagbabalik sa klase sa Martes, ika-5 ng Nobyembre, matapos ang matinding pagbaha sa Ateneo de Naga University (AdNU) dulot ng Bagyong Kristine ay nagpasimula ng mga mahalagang usapin sa mga kasapi ng institusyon. Matatandaan noong ika-30 ng Oktubre ay naglabas ng Memorandum 2024-2025-040 si Fr. Aristotle C. Dy, SJ, Presidente ng Unibersidad (AdNU) na muling magbabalik klase sa ika-5 ng Nobyembre habang ang mga kawani naman ng unibersidad ay inaasahan na magbabalik trabaho sa Lunes, ika-4 ng Nobyembre.
Habang ang bagyo ay ilang araw nang nagdaan, nag-iwan ito ng malaking pagkawasak. Ang mga bahay, paaralan, boarding house, at dormitoryo ay naapektuhan ng pagbaha at pagkasira dulot ng bagyo, pati na rin ang mga gamot, kagamitan, damit, at serbisyo ng komunikasyon. Bagaman ang campus ng AdNU at iba pang lugar sa Naga ay dahan-dahang bumabawi mula sa epekto ng bagyo at nakatanggap ng suporta mula sa mga operasyon ng pagsagip, tulong, at paglilinis, nananatiling malaking bahagi ng Bicol ang hindi pa rin handang makabalik sa normal.
Base sa sumagot ng NAS, 98.23% (3,724) ng mga respondente ang permanenteng naninirahan sa Rehiyon ng Bicol, na binubuo ng 40.60% (1,539) na nasa loob ng lungsod ng Naga, 46.74% (1,772) na naninirahan sa labas ng lungsod ng Naga ngunit nasa loob ng Camarines Sur, at 10.89% (413) na nasa labas ng Camarines Sur subalit nasa loob ng Rehiyong Bicol. Sa kabilang banda, 76.10% (2,885) ng mga indibidwal ang nagsabing kasalukuyan silang nakatira kasama ang kanilang pamilya sa kanilang sariling mga tahanan. 16.88% (640) naman ang kasalukuyang nasa kanilang apartment, boarding house, o bedspace; 5.96% (226) ang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak; at 1.06% (40) ang may iba pang kondisyon ng tirahan; kung saan dalawa ang nagpahayag na nananatili sa evacuation center.
Dagdag pa rito, 67.7% (2,566 na mga respondente) sa mga sumagot ang hindi handang bumalik sa Martes sa pagsasaalang-alang ng kanilang pisikal na disposisyon at 86.1% (3,265 na mga respondente) naman ang muling sumagot ng hindi base sa pagsasaalang-alang ng kanilang sikolohikal (mental at emosyonal) na disposisyon.
Sa 3,360 (88.6%) na mga respondente na sumagot ng Oo, 87.8% (2,950 na mga respondente) sa kanila ang nagsabing pabor o ayos lamang sa kanila na iadjust o iextend ang academic calendar dahil sa mga pagsasaayos, habang 12.2% naman ang hindi pabor.
Hindi madaanang mga kalsada o road closures ang lumabas na pangunahing rason sa kawalang-kahandaan na bumalik sa klase/trabaho para sa 1,434 na mga respondente (37.82%). Sumunod naman sa mga rason ay ang kakulangan ng mga panustos sa bahay (pagkain, inuming tubig, atbp.) ng 1,355 na mga respondente o 35.74% ng kabuuan sa sumagot at malubhang pagbaha sa tinitirhan ng 1,217 respondante (32.10%).
"Yung Naga po mismo hindi pa handa kasi marami pa pong inaayos at nililinis. Hindi rin po fair na yung may kakayahan lang muna ang makakapasok," diin ng isang estudyante mula sa College of Education. Ang pahayag na ito ay nagpapakita na hindi lahat ay handa para sa pagbabalik-paaralan. Kahit na may ilang bumabawi na mula sa epekto ng bagyo, ang mga pagkakaiba sa konteksto ng karanasan at kapasidad ng mga estudyante at kawani ay nagiging hadlang sa paglikha ng isang makatarungang pagkakataon sa edukasyon. Bagaman lumabas na 1,369 indibidwal ang walang agarang pangangailangan, marami pa rin ang nangangailangan ng suplay ng tubig (1,254), pagkain (1,152), inuming tubig (1,053), gamit pang paaralan o school supplies (999), at gamot (697). Inaalala rin ng mga estudyante ang pagkasira ng kanilang mga gadgets na kanilang pangunahing ginagamit sa pag-aaral (679), school uniform (659), damit (497), at iba pang pangangailangan (133). Ang kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan na ito ay naglalahad ng mas malalim na isyu na kinakailangang gawing prayoridad bago ang muling pagbabalik sa normal na klase.
Ngayong araw, 03 Nobyembre 2024, muling naglabas ng memorandum ang University President na si Fr. Aristotle C. Dy, SJ, na nagpapatibay ng anunsyo mula sa Office of the City Mayor tungkol sa patuloy na suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas sa Naga City. Nakatakdang bumalik ang mga klase sa Lunes, ika-11 ng Nobyembre 2024, upang bigyang karagdagang oras ang lahat na makabawi mula sa epekto ng pagbaha. Samantala, ang mga kawani ng unibersidad ay magbabalik sa trabaho sa Miyerkules, ika-06 ng Nobyembre 2024. | via Angeline Eneria, Anyanna Sabio, & Ivy Jane Peรฑaredondo
Reports by Ivan Obias, Angeline Eneria, Anyanna Sabio, Ivy Jane Peรฑaredondo, & Terrence Azaรฑes
Pubmats by Guia Villafuerte & Ela Uvero