20/05/2022
ANG MGA LIMOT NA BAYAN NG MASBATE
Ang kasalukuyang Lalawigan ng Masbate ay opisyal na naitatag lamang noong Marso 18, 1901 sa bisa ng Philippine Commission (PC) Act No. 105 kung saan pinagsanib ang mga bayan ng Commandancia Politico-Militar de Masbate Y Ticao (itinatag noong 1846 mula sa Albay) at Commandancia Politico-Militar de Burias (itinatag noong 1832 mula sa Camarines Sur). Pagkaraan lamang ng 4 na taon ay nilansag ito bilang lalawigan at ginawang mala-lalawigan (subprovince) na lamang, sakop ng Lalawigang Sorsogon sa bisa ng PC Act No. 1413 na ipinasa noong Nobyembre 23, 1905. Muli itong naging nagsasariling lalawigan noong December 15, 1920 sa bisa ng Philippine Legislature Act No. 2934.
Sa kasalukuyan, mayroon itong 20 bayan at isang syudad na matatagpuan sa mga isla ng Masbate, Ticao, at Burias.
Masbate Island :
Masbate City, Aroroy, Baleno, Balud, Cataingan, Cawayan, Dimasalang, Esperanza, Mandaon, Milagros, Mobo, Palanas, Pio V. Corpuz, Placer, Uson
Burias Island :
San Pascual, Claveria
Ticao Island :
Batuan, Monreal, San Fernando, San Jacinto
Noong 1903, mayroon lamang 13 bayan ang Masbate makaraang ipasa ang PC Act No. 993 na ginagawa na lamang 13 ang dating 17 bayan nito. Ang iba pang bayan ay nilansag din at isinailalim na lamang sa iba pang bayan noong 1910 sa bisa ng Executive Order (EO) No. 81. Marami sa mga bayan ng Masbate ay naitatag pagkaraan na ng panahon ng mga Amerikano samantalang ang ibang dating bayan na isinailalim sa iba pa ay nalimutan na at nanatili na lamang barrio hanggang sa kasalukuyan tulad ng mga sumusunod:
GUION (Guiom, Gulum)
Ang bayang ito ay itinatag bago ang 1850 at pansamantalang naging kabisera ng Commandancia Politico-Militar de Masbate y Ticao dahil sa istratehikal nitong lokasyon. Ayon sa Diccionario Geographico nina Fray Manuel Buzeta at Fray Felipe Bravo (1850), “ang bagong tatag na bayang ito ay may malaking kahalagahang militar at politikal sa kabila ng pagiging hindi produktibo (ng sakahan at iba pang industriya). Isang military detachment ang inilagay sa bayan upang protektahan ang mga mamamayan laban sa mga piratang Moro”. Paglipas ng ilang taon ay naging barrio-visita na lamang ang dating pueblo. Bago magsara ang 1890’s, ito ay barrio na lamang ng bayan ng MALBUG. Pagdating ng 1903 ay naging barrio ng bayan ng MILAGROS nang ilagay sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Milagros ang buong bayan ng Malbug sa bisa ng PC Act No. 993. Naging barrio ng CAWAYAN nang buuin ito bilang bayan noong July 18, 1949 sa bisa ng EO No. 244. Nananatiling barangay ng Cawayan hanggang ngayon.
LANANG (Lauang, Laoan)
Ang bayang ito ay kasama na sa mga ulat ukol sa Commandancia ng Masbate sa pagsapit ng 1870’s hanggang 1898. Mayroon itong 1,030 mamamayan noong 1876; 1,317 noong 1885; at 1,294 noong 1898. Nang itatag ang Lalawigan ng Masbate noong 1901 ay hindi na nabanggit ang Lanang bilang bayan at naging sakop na lamang ng bayan ng San Agustin. Noong 1903 ay pinagsama ang bayan ng San Agustin (kasama ang dating bayan ng Lanang na dati ring nakasasakop sa Aroroy) at Baleno at tinawag na bagong bayan ng Aroroy sa bisa ng PC Act No. 993. Hanggang ngayon ay sakop ito ng Aroroy samantalang ang Baleno ay hiwalay nang bayan.
MAGDALENA
Ang bayang ito ay naitatag sa pagitan ng mga taong 1898-1901 at kasama na sa mga bayang nagpadala ng kinatawan sa pagpupulong na isinagawa noong 1901 ukol sa pagbuo ng Lalawigang Masbate. Sakop nito ang mga barrio ng Ubongan, Polot, Anas, at Bolo. Noong 1903 ay isinailalim ito sa hurisdiksyon ng bayan ng Masbate kasama ang lahat ng barrio nito. Nang muling buhayin ang lumang bayan ng Baleno noong 1949 sa bisa ng Executive Order No. 244, ibinigay dito ang kalahati ng bayan ng Magdalena samantalang ang kalahati ay naiwan sa Masbate. Sa kasalukuyan, sakop ng bayan ng Baleno ang mga sumusunod na barrio ng dating bayan ng Magdalena : Magdalena, Ubongan Diot, Polot. Sakop naman ng Masbate City ang mga sumusunod : Anas, Bolo, Ubongan Dacu.
PULANDUTA (Pulanauta)
Isa sa mga naging bayan ng Masbate nang itatag ito noong 1901. Isa rin sa mga pinanatili ang katayuan bilang bayan nang ipasa ang Philippine Commission Act No. 993 noong 1903. sakop nito nang mga panahong iyon ang mga barrio ng Balud, Buncauayan, Danao, Jangan, at Jintotolo. Pagdating ng 1911 ay isinailalim sa Milagros kasama ang bayan ng Mandaon sa bisa ng Executive Order No. 81. Nang itatag ang bayan ng Balud noong 1949 ay napasailalim dito bilang barrio na lamang. Hanggang ngayon ay sakop pa rin ng Balud.
MALBUG
Ito ay makikita na bilang bayan sa mga ulat bago magtapos ang 1890’s. Isa sa mga bayang naging sakop ng Masbate nang itatag ito bilang lalawigan noong 1901. Noong mga panahong iyon ay sakop nito ang mga barrio ng Barra, Cabayugan, Guiom, Naro, at Taberna. Pagdating ng 1903 ay isinailalim sa hurisdiksiyon ng Milagros sa bisa ng PC Act No. 993. Naging sakop na ng Cawayan nang buuin ito bilang bayan noong 1949 kasama ang lahat ng dati niyang sakop na barrio. Noong 1953 ay inilipat ang barrio ng Barra sa Milagros sa bisa ng Executive Order No. 662. Nananatiling sakop ng Cawayan ang buong bayan ng Malbug (maliban sa Barangay Barra) hanggang sa kasalukuyan.
SAN AGUSTIN
Ang bayang ito ay isa sa mga matatandang bayan ng Masbate na itinatag sa ikalawang bahagi ng ika-19 na siglo. Naging sakop nito ang bayan ng Lanang bago itatag ang Lalawigan ng Masbate noong 1901. Sakop nito noon ang mga barrio ng Aroroy, Bogtong, Cabancalan, Dayjagan, Lanang, Mabario, San Isidro, at Taguictic. Noong 1903 ay pinagsanib ang bayan ng Baleno at San Agustin at ginawang bagong bayan ng Aroroy. Hanggang ngayon ay sakop pa rin ng Aroroy samantalang ang Baleno ay isa na ulit nagsasariling bayan.
Credits to Mga Limot na Bayan ng Pilipinas
https://www.facebook.com/mgalimotnabayanngpilipinas
REFERENCES
Please click the link for the comprehensive list of references : https://drive.google.com/file/d/1E8UJHyIV8Lg8_xLO3VHoOXdn-ucEEA_v/view?usp=sharing