16/03/2023
Sina PSMS Jerrywin Rebosora at PMsg Lorenzo Cataran na kapwa umattend sa hearing ng Committee on Public Order and Dangerous drugs hinggil sa 990kg na nasakoteng shabu sa Tondo, Maynila, kung saan nadadawit ang kanilang mga pangalan, ay nakakulong ngayon sa detention facility ng Senado dahil pina-cite in contempt sila ni Senator Idol Raffy Tulfo.
Kitang-kita na nga sa isang CCTV footage na bitbit nila ang mga maletang naglalaman ng 42kilos na shabu na kanilang ipinupuslit patakas ng crime scene — na maliwanag ay tinatangkang kupitin. At pagkatapos, nang mabuking ng kanilang mga superior, pumayag silang ibalik ito.
Pero sa pag-gisa ni Sen. Tulfo at Sen. Dela Rosa sa dalawang pulis, nagpaligoy-ligoy sila at maraming ibinibigay na palusot. At nang maramdaman na ni Sen. Idol na sukdulan na ang kanilang kasinungalingan, hiniling niya kay Committee Chairperson Sen. Bato Dela Rosa na i-cite in contempt ang dalawang sarhento para makalaboso sa detention facility ng Senado. Agad naman itong sinangayunan ni Sen. Dela Rosa na dating PNP Chief bago maging Senador.
Nagbigay din ng mensahe si Sen. Tulfo sa dalawang pulis at kanilang mga kabaro na napakadali nilang magpakulong ng mga pobreng kababayan natin na wala namang kasalanan at pinaplantahan lang ng ebidensya. Ngayon, pinatikim sa kanila ni Sen. Idol ang maranasan din na makulong.