30/01/2025
POLITICAL DYNASTY
Isipin mo, may sari-sari store sa barangay nyo. Si tatay ang owner, si nanay ang cashier, si kuya ang taga-deliver ng paninda, at si ate ang bookkeeper. Ngayon, kapag may nawawalang benta o sobra-sobra ang singil sa utang ni Aling Nena, sino ang mag-iimbestiga? Syempre, walang iba kundi pamilya rin nila. Eh kung sila-sila ang may hawak ng lahat, sino ang maglalakas-loob magsabi na may mali? Wala. Kasi lahat sila nagtutulungan para itago ang kapalpakan.
Ganyan din ang nangyayari sa Pilipinas dahil sa political dynasties. Ayon sa PCIJ, 71 sa 82 probinsya sa bansa ay hawak ng mga political clan. Mula sa simpleng barangay hanggang Senado, tila isang malaking sari-sari store na ang gobyerno natin—isang pamilya lang ang may hawak ng lahat.
Kapangyarihang Pinamana, Hindi Pinaghirapan
Tingnan mo ang mga Marcoses. Si Bongbong Marcos ang presidente, si Imee Marcos nasa Senado, at si Martin Romualdez ang Speaker ng Kongreso. Kapag usapan na ang budget, tanong: Kaya bang kontrahin ni Imee ang desisyon ng kapatid niyang si Bongbong? Magkokontra kaya si Martin Romualdez sa plano ni Bongbong? Syempre hindi! Parang sari-sari store—hindi mo sisisihin ang kapamilya mo.
Kapag may anomalya sa disaster relief funds, magtatanong kaya si Imee kung bakit hindi nakarating ang tulong sa mga nasalanta? Hindi ba’t mas pipiliin niyang manahimik para hindi mapahiya ang pamilya nila? Si Martin Romualdez naman, bilang Speaker, dapat ay tinitingnan ang bawat paggastos ng pera at bawat batas na pinapacertify as urgent ni Bongbong. Pero kung pinsan mo ang presidente, kaya mo bang banggain siya? Syempre hindi.
Ang Mga Villar, Duterte, at Iba Pang Clans
Hindi rin exempted ang ibang pamilya. Ang Villar family, halimbawa. Si Cynthia Villar nasa Senado, tapos ang anak niyang si Camille Villar, tatakbong senador din. Ano ‘to? Pasan-pasa ng trono? Kapag naging senador si Camille, kaya ba niyang reviewhin nang patas ang mga proyektong iniwan ng nanay niya o ng kapatid niyang senador? O pikit mata na lang sa lahat para walang gulo?
Sa Duterte dynasty, hindi rin iba ang kwento. Si Rodrigo Duterte naging presidente, ang anak niyang si Sara naging mayor at ngayon ay vice president. Ang anak naman ni Rodrigo na si Paolo, congressman. Kapag may sablay sa mga polisiya nila, sino ang magsasalita? Lahat sila tahimik kasi pamilya ang inuuna.
Ang Epekto sa Bansa
Ayon sa mga pag-aaral, mas malalaking budget ang natatanggap ng mga probinsyang hawak ng dynasties, pero mas mataas din ang antas ng kahirapan at inequality dito. Parang sari-sari store na may malaking kita, pero hindi umaabot sa tamang gastos. Kung iisa lang ang nagdedesisyon, paano magkakaroon ng transparency?
A 2019 study by Ateneo School of Government revealed na mas mahirap at mas korap ang mga lugar na kontrolado ng political dynasties. Sa madaling salita, habang hawak ng iilang pamilya ang gobyerno, lalong nababaon sa hirap ang bayan.
Walang Checks and Balances
Ang gobyerno dapat ay parang teamwork ng iba’t ibang tao na may kanya-kanyang pananaw. Pero dahil sa dynasties, ang checks and balances ay nawawala. Sila-sila rin ang nagche-check ng sarili nilang trabaho. Sa isang demokrasya, dapat may mga independent na tao na nagsusuri kung tama ba ang pamamahala. Pero sa Pilipinas, parang pamilya lang ng sari-sari store ang gobyerno—walang ibang nagsusuri kundi sila-sila rin.
Bakit Hindi Napipigilan?
Ang Konstitusyon natin ay matagal nang nagsasabing dapat ipagbawal ang political dynasties. Pero bakit walang batas na pumipigil dito? Kasi sila-sila rin ang mga nasa puwesto. Syempre, hindi nila gugustuhing mawalan ng kapangyarihan.
Ano ang Solusyon?
Kung gusto nating magbago, kailangan nating wakasan ang political dynasties. Hindi pwedeng puro pamilya na lang ang may hawak ng gobyerno. Panahon na para ibalik ang kapangyarihan sa taong-bayan, hindi sa iilang pamilya.
Gawin nating trending ang . Huwag na tayong magtiwala sa mga pamilyang puro pangako lang ang dala. Sa halip, maghanap tayo ng mga lider na hindi dahil sa apelyido, kundi dahil sa galing at malasakit sa bayan.
Ang pagbabago ay nagsisimula sa boto mo.
CTTO: Nutribun Republic