03/09/2024
PANAWAGAN PARA SA KONTRIBUSYON
Ang Disaster sa Pananaw at Kamalayang Pilipino
Malay Espesyal na Isyu para sa Buwan ng Disyembre 2025, Tomo ###VIII, Blg. 1
Rowell D. Madula, Punong Editor ng Malay
Mga Katuwang na Editor para sa Isyu:
JC Gaillard, Waipapa Taumata Rau / The University of Auckland
Ma. Florina Orillos-Juan, De La Salle University
May kabalintunaan sa pananaliksik tungkol sa disaster sa Pilipinas. Tinatanggap natin na isang social construct ang disaster. Ngunit sa kabila nito, ang ginagamit nating mga konsepto, teorya, at pamamaraan upang magsaliksik tungkol sa disaster ay galing lahat sa Kanluran. Sa espesyal na isyung ito ng Malay, uugatin natin ang mga dahilan sa likod ng ganitong kabalintunaan sa umiiral na hegemonya ng Kanluran sa pananaliksik tungkol sa disaster sa Pilipinas. Layunin ng isyung ito na pag-aralan ang mga implikasyon ng paggamit ng mga batayang Kanluraning sa pananaliksik para sa paglikha at pag-akda ng mga polisiya at aksiyon sa disaster risk reduction and management sa ating bansa. Higit pa rito, magbibigay ang isyung ito ng direksiyon patungo sa isang alternatibong pananaw tungkol sa disaster na tugma at nakaugat sa kamalayang Pilipino. Ang saklaw at layunin ng isyung ito ng Malay ay ibinatay sa https://www.radixonline.org/manifesto-accord.
Tunguhin
Ang Malay, isang multi/interdisiplinaryong journal sa Araling Filipino ng Pamantasang De La Salle, Maynila (DLSU-M) na internationally refereed at abstracted, ay naglalayong maglathala ng mga artikulong tungkol sa mga usapin at dalumat kaugnay ng wika, kultura, at mass media na nagsusulong ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Tumatanggap din ng mga sulatin sa Ingles at iba pang mga wika na nakasalin sa wikang Filipino. Tanging ang salin sa Filipino ang ilalathala.
Detalye ng Paglilimbag
Nililimbag ang Malay makalawa isang taon sa ilalim ng pamamahala ng De La Salle University Publishing House ng Pamantasang De La Salle, Maynila. Bilang multi/interdisiplinaryong journal, nagtatampok ito ng mga papel, riserts, at artikulong naglalahad ng mga kaisipan at kaalaman sa Araling Filipino. Ang mga ideya, opinyon, at paninindigan ng mga may-akda ay kanilang pananagutan at hindi sumasalamin sa mga pagkukuro at patakaran ng mga patnugot, ng kaguruan, o ng pangasiwaan ng Pamantasang ito.
Proseso ng Pagrerebyu
Ang mga artikulo ay nirerebyu ng mga miyembro ng Internasyonal na Lupon ng mga Patnugot at ng iba pang mga kilalang iskolar sa kani-kanilang disiplina. Ang bawat artikulo ay nirerebyu ng dalawang iskolar. Sa pagkakataong may magkasalungat na pagpapasiya ang dalawang rebyuwer, ito ay pagpapasyahan ng mga editor. May mga pagkakataon ding kumukuha ng ikatlong rebyuwer kung kinakailangan. Ang buong prosesong ito ay isinasagawa nang hindi nalalaman ng may-akda kung sino ang rebyuwer ng kaniyang artikulo, at gayundin, hindi ipinakikilala sa rebyuwer kung sino ang may-akda ng kaniyang nirerebyung artikulo.
Mula rito, muling nirerebyu ng Punong Patnugot ang mga nakapasang artikulo mula sa mga naunang nagrebyu nito. Ang mga artikulong nangangailangan ng medyor na rebisyon ay ibinabalik sa mga may-akda para matugunan ang mga kahingian ng mga rebyuwer. Ang mga may-akda ng mga artikulong hindi matatanggap ay padadalhan ng liham na naglalaman ng mga puna at komento ng mga nagrebyu. May karapatan ang Malay na maging pag-aari ang kopya ng artikulong nailathala.
Detalye ng Pagsusumite (Abstrak)
Para sa espesyal na isyung ito ng Malay, kailangang magsabmit ng 150-salitang abstrak na may limang susing salita. Ang abstrak at mga susing salita ay dapat na nasa wikang Filipino at Ingles. Ang titulo ay dapat na may salin din sa wikang Ingles. Ang pagpasa ng abstrak ay hanggang Setyembre 30, 2024. Hindi dapat asahang magkakaroon ito ng ekstensiyon.
Ipapasa ang abstrak lakip ang pangalan ng awtor/mga awtor, tirahan, e-mail, at iba pang mahahalagang kontak na nakasulat sa hiwalay na papel. Magsasabmit din sa isang hiwalay na papel ng isa hanggang dalawang talatang bio-note ng may-akda.
Ang abstrak ay kailangang parehong may doc at pdf na file. Gamitin ang sabjek na Abstrak-Malay-Disaster at ipadala kasama ang iba pang pangangailangan sa [email protected].
Makatatanggap ng email mula sa Malay ang mga nagpasa ng abstrak na nakapasa sa pagtaya ng mga editor.
Detalye ng Pagsusumite (Manuskrito)
Ang sabmisyon ng buong manuskrito ng mga nakapasang abstrak ay hanggang Marso 15, 2025 lamang. Hindi dapat asahang magkakaroon ito ng ekstensiyon. Ang manuskrito ay kailangang nakasulat sa Filipino, may 5,000 hanggang 7,000 salita (20-40 pahina), kompyuterisado sa maikling bond paper na may isang pulgadang palugit sa lahat ng gilid, doble-espasyo, gamit ang font na Times New Roman, may laking 12-puntos, at maayos na naidokumento gamit ang MLA Ninth Edition.
Kailangang minimal ang mga dulong tala. Kung sakaling may larawan o ilustrasyong bahagi ng sabmisyon, ang file ay kailangang nasa format na jpeg. Hinihiling ang malinaw na kopya. Kailangan ding may kapsiyon at karampatang pagkilala sa pinaghiraman o may-ari/maylikha ng larawan/ilustrasyon.
Ang manuskrito ay kailangang parehong may doc at pdf na file. Gamitin ang sabjek na Manuskrito-Malay-Disaster at ipadala sa [email protected].
Maaari rin itong ipadala kina Dr. Rowell Madula, Punong Editor; o kay Dr. Dolores Taylan, Tagapamahalang Editor, sa De La Salle University Publishing House, Yuchengco Hall, Room 601, Pamantasang De La Salle, 2401 Taft Avenue, Maynila. Para sa iba pang impormasyon, maaaring tumawag sa (632) 8524-4611 loc 328 at hanapin si Ms. Joanne T. Castañares.
(Larawan sa bakgrawnd mula sa NASA Earth Observatory)