24/05/2023
Tumatanggap pa rin ng kontribusyon ang Bisig Journal para sa isyu 2022 at 2023. Maaaring isumite ang inyong papel-pananaliksik sa [email protected].
Ang BISIG ay bilingual na refereed journal na nagtatampok ng mga artikulo o papel pananaliksik hinggil sa kalagayan ng sektor ng paggawa at mga komunidad sa Pilipinas na taunang inilalabas ng PUP. Pangunahing itinatampok nito ang mga pag-aaral na sumisipat sa mga napapanahong isyu hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa, anakpawis at kanilang mga komunidad. Karaniwang nakatuon ang mga paksa sa mga usapin tulad ng unyonismo, globalisasyon, neoliberal na polisiya, kilusang paggawa, karapatan at kalagayan ng anakpawis, relasyon at kalagayan ng mga industriya, at iba pang katulad. Maaaring ang paksa ay tumatawid sa iba pang disiplina tulad ng kasaysayan, politika, ekonomiya, sikolohiya, wika, sining, kultura, kasarian, kababaihan, diaspora, agham, teknolohiya at iba pa tungo sa paglapit na multi/interdisiplinaryo.
Layunin ng Bisig na maipagpatuloy at lalo pang mapaigting ang mga nasimulang adhikain para sa manggagawa ng intelektuwal at makabayang edukador na si Dr. Nemesio Prudente, sa pamamagitan ng mga pananaliksik na dumadalumat sa mga penomenang may kaugnayan sa paggawa at ugnayang pang-industriya sa Pilipinas.
KAHINGIAN SA PAGPAPASA NG PAPEL-PANANALIKSIK
Kailangang orihinal at hindi pa nailalathala o naisusumite para sa konsiderasyon ng ibang publikasyon o dyornal ang papel-pananaliksik, elektroniko man o limbag na anyo. Dumadaan sa prosesong double-blind peer review ang mga isusumiteng artikulo na nakaayon sa mga sumusunod na kahingian:
1. Ilakip ang mga sumusunod na pagkakakilanlan ng awtor sa manuskrito:
a. Pangalan
b. Organisasyon/Institusyong kinabibilangan
c. E-mail Address
2. Naka-encode o kompyuterisado (MS Word doc.), doble-espasyo at gumagamit ng font na Arial na 12 ang puntos na binubuo ng 6000-8000 na salita na may 20-30 pahina.
3. May lakip na abstrak na nakasulat sa wikang Filipino at Ingles na may 200-300 na salita at susing salita na hindi lalagpas sa lima.
4. Nakaayon ang dokumentasyon sa estilong APA 7th edition.
5. Maaaring nakasulat sa wikang Filipino o Ingles ang papel-pananaliksik at kung sakaling nasa ibang wika, marapat na isalin ito sa Filipino o Ingles at tanging ang salin ang ilalathala.
6. Ang ipapasang artikulo ay maaaring bahagi ng tesis, disertasyon, mga tala, rebyu ng aklat o pelikula, komentaryo o papel na natalakay sa seminar o kumperensiya, at iba pang katulad.
7. Kung salin ng naisulat na artikulo o pananaliksik na naunang nailathala sa ibang dyornal, nararapat na maglakip ng katunayan na pinahihintulutang muling mailathala ito sa Bisig.
8. Maaaring lakipan ng biswal na materyal gaya ng orihinal na kuhang-larawan, ilustrasyon, graph, matrix, mapa at iba pang katulad. Tungkulin ng awtor na kumuha ng permiso sa anumang materyal na may karapatang-ari.
9. Kalakip ng isusumiteng artikulo ang hindi lalagpas sa sampung pangungusap na bionote o tungkol sa awtor.
Maaaring isumite ang papel sa [email protected]. Tumatanggap ang Bisig ng mga kontribusyon sa buong taon at inaasahang lalabas ang isyu tuwing Mayo. Kung may paglilinaw o katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Managing Editor ng Bisig na si Bb. Mary Joy Sawa-an mula sa tanggapan ng Research Publication Office, Rm. 425, South Wing, Main Academic Bldg., Polytechnic University of the Philippines A. Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila.