08/10/2023
‘Kambal Festival’ masayang idinaos sa lungsod Angeles .
Matagumpay na isinagawa ang taunang “Fiestang Kuliat 2023” na dinaluhan ng libu-libong Angeleño sa lungsod ng Angeles nitong gabi ng Sabado, Oktubre 7.
Sa temang “Kenit Magsaya king Angeles Tripling Fiesta!” ay pinangunahan mismo ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr ang okasyon katuwang sina Vice Mayor Vicky Vega Cabigting, Chief Adviser IC Calaguas, Executive Assistant IV Reina Manuel, mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod at City Police director PCol. Amado Mendoza.
Naging pangunahing bahagi ng okasyon ang “Kambal Festival” na pinaradahan ng mga 18 kambal lulan ng kanilang mga naggagandahang karosa (floats)mula sa 13 barangay, mga estudyante mula sa 12 public schools sa kanilang street dance, mga bandang tumugtog sa kalsada at nagpakitang gilas din sa kanilang pagrampa sa entablado ang mga naggagandahang 19 kandidata ng Mutya Ning Angeles na nasilayan ni Mutya Ning Angeles 2022 Joanne Marie Thorney.
Ayon kay Lazatin bukod sa kaligayahan para sa Angeleño ay napakahalaga ng okasyon sa patuloy na pagyabong ng turismo at para na rin maipalasap sa mga bumubisita sa kanilang lugar ang masarap nilang mga lutong pagkain at kanilang napakahalagang kultura.
Aniya, ang Kambal Festival ay matagal nang isinasagawa sa kanilang lungsod katunayan ay sa panahon ng kanyang ama ay nagsagawa na rin nito bagamat nagkaroon lamang ng pagitan noong pandemya.
Samantala, tumanggap naman ng plake at cash price ang mga naggandahang float, mga mahuhusay na mga street dancers at kambal sa Category A at Category B.
Binigyan din ni Mayor pogi ng consolation price ang mga hindi nagwagi at nangakong dodoblehin sa susunod na taon ang kanyang mga papremyo.