20/06/2025
Idinaos ang CalamBAGONG BUHAYANI Festival noong Hunyo 19, 2025, sa Lungsod ng Calamba, Laguna, bilang paggunita ng ika-164 na anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal. Ang temang “Angat ang Lahing Calambeño, Dangal ng Bayan, Alay sa Mundo” ay nagbibigay pugay sa kadakilaan at sakripisyo ng ating Pambansang Bayani, na siyang daan sa pagkamit ng kalayaan ng bansa.
Binigyang-diin ni Calamba City Mayor Roseller H. Rizal ang katalinuhan, sakripisyo at pagiging makabayan ni Rizal, mga katangiang naging pundasyon ng kalayaan. Aniya, mapalad ang mga Calambeño na maging kababayan ang isang dakilang Pilipino nagsisilbing inspirasyon at patuloy na humuhubog sa mga mamamayan, lalo na sa kabataang Pilipino na may hawak sa kinabukasan ng bayan.
Samantala, nanawagan si Governador Ramil Hernandez sa mga lokal na opisyal na magbigay ng maayos at kapakipakinabang na serbisyo, na kahalintulad ng adbokasiya ni Rizal.
Ang nasabing selebrasyon ay alinsunod sa Republic Act 11144, na naglalayong ipaalala at ipagdiwang ang kapanganakan ni Jose Rizal upang pagnilayan ang kanyang kabayanihan at kontribusyon sa pagkamit ng kasarinlan ng bansa, lalo na ang kanyang mga nobelang nagmulat sa bayan tungkol sa kalayaan at katarungan.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng programang pangkalusugan tulad ng dental mission, bilang pag-alala sa pagiging doktor ni Rizal, na nagbigay serbisyo sa mga barangay ng lungsod. Kabilang din sa mga isinigawang aktibidad ang parada ng kasaysayan, pagtatanghal ng sining at kultura, at iba pang programang pangkalusugan.
Hindi rin nagpahuli ang mga g**o na nagtalaga ng mga sanaysay at mga kabataang nagsaayos ng webinar o paligsahan, nagbukas din ang mga museo para sa mga espesyal na exhibit at aktibo rin sa social media ang mga kabataan na nagbabahagi ng iba’t ibang mga sketch ni Rizal sa modernong estilo ng sining at ang mga linya mula sa nobelang Noli Me Tangere.
Nakiisa sa pagdiriwang na ito ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand R, Marcos Jr., kasama sina Laguna Governor Ramil Hernandez, Calamba Vice Mayor Angelito Lazaro Jr., mga lokal na opisyales ng Sanguniang Panglungsod, National Historical Commision of the Philippines (NHCP), mga pribadong sektor sa lungsod at mga nabuhuhay na kaanak ni Dr. Jose Rizal.