05/10/2024
𝗗𝗨𝗠𝗔𝗚𝗨𝗡𝗗𝗢𝗡𝗚!
LPSci Covered Court, niyanig sa pagbubukas ng Intramurals '24
Napuno ng hiyawan at musika ang Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Las Piñas sa pormal na pagbubukas ng Intramurals 2024 nitong Oktubre 3 na may temang “Strengthening Camaraderie, Culture, and Unity through Healthy Body and Mind.”
Pinasinayaan ni Gng. Eleonor V. Honrales, punongg**o ng nasabing paaralan, ang pagbubukas ng nasabing programa.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Jana Loreal Orenday, Presidente ng MAPEH Club, ang isa sa kanilang mga layunin kaugnay ang aktibidad.
“Especially since we’re known as the Science High School students na focus sa school, sa acads, gusto namin na kahit paano, mabalanse ’yung acads and hobbies natin, gaya roon sa mga student athletes. [Gayundin] sa iba na mahiyain, para makaalis sila sa comfort zone nila and makasali rin sa activities,” aniya.
Hindi naman napigilang ihayag ni Arvin Lyon Padilla, mag-aaral mula sa 12-Honesty at isa sa mga tagapangasiwa ng nasabing programa, ang kaniyang pagkapanabik sa muling pagbabalik ng Intramurals.
“As part of the technical working group who helped sa preparations for the event, it was very fulfilling to see everyone enjoying the program. Sa pag-lead ng JHS MAPEH club and ng SHS counterparts nila, I can say that the event was really successful,” wika ni Padilla.
Dagdag niya, mas lalong nabigyang buhay ang nasabing pagtitipon sa pamamagitan ng mga chant na isinagawa ng bawat kupunan.
“As a student naman, naramdaman ko talaga yung intramurals spirit especially sa pag-chant ng iba’t ibang teams. As someone who was also involved sa chant ng team namin, alam kong maraming oras at pagod yung binigay ng bawat isa for it, especially since we were only given a short period of time to prepare, so it was great to see everyone’s hard work pay off,” saad niya.
Binubuo ng apat na kupunan ang Intramurals 2024: ang Crimson Vulpines (SHS), kaakibat ng Red Santelmos (JHS) na kumakatawan sa pulang grupo, Azure Phoenixes (SHS) at Blue Minokawa (JHS) sa asul na grupo, Golden Tigers (SHS) at Yellow Bakunawa (JHS) sa dilaw na grupo, at Green Buzzers (SHS) at Green Magindara (JHS) sa berdeng grupo.
Naghayag naman ng pasasalamat ang pangulo ng 12 - Diplomacy na si Lara Joy O. Gayeta, kabilang na si Ian Orosa ng 11 - Benevolent matapos makamit ng Azure Phoenixes ang unang gantimpala sa ginanap na Chant Competition sa Senior High Level para sa nasabing programa.
“Sabi nga nila expect the worst but hope for the best. Napaka-unexpected for me na nanalo kami sa yell kasi four days lang ang preparation namin. Pero lahat ng pagod at gastos naging worth it din in the end. I'm sure sobra-sobra ang tuwa ng fellow yell leaders ko na sina Kadine, Joms, Darla, and Yen; a big thank you to them,” wika ni Gayeta.
Mas naging determinado naman si Orosa na makamit ang kampeonato sa bawat sports para sa kanilang kupunan.
“Nong nanalo po kami ng chant, sobrang saya po namin – especially ako rin po, sobrang saya. Tapos, mas nanggigil po ako para kunin ‘yong ibang championships sa ibang sports. Kaya, looking forward po ako sa BeneDips at [Azure] Phoenixes,” saad ni Orosa.
Nakamit naman ng Crimson Vulpines (12 - Efficiency at 11 - Compassionate) ang ikalawang gantimpala, samantalang hawak ng Golden Tigers (12 - Generosity at 11 - Altruistic) at Green Buzzers (12 - Honesty at 11 - Convivial) ang ikatlo at ikaapat na puwesto.
Nagsagawa naman ng Mr. and Ms. Intramurals ang mga kinatawan mula sa bawat kupunan ng Junior High School at Alternative Learning System, kung saan kinilala sina Jose Niño Lacuata at Karlene Rian Ombao na parehong mula sa Yellow Bakunawa bilang kampeon.
Samantala, nagkaroon ng Mr. and Ms. Palaro ang mga kinatawan ng Senior High School, kung saan kinilala sina Izher Marro Madayag at Ellesha Santillan na parehong mula sa Green Buzzers bilang kampeon.
Karagdagan, nagsimula ang advanced games noong Oktubre 1 at 2 para mga larong Volleyball, Chess, Table Tennis, at Mobile Legends habang nakatakda namang magpatuloy ang iba pang laro mula Oktubre 7 hanggang 10 sa Junior High School Category, habang nakatakdang magsimula ang mga palaro para sa Senior High School Category sa Oktubre 14 hanggang 18.
𝗜𝘀𝗶𝗻𝘂𝗹𝗮𝘁 𝗻𝗶𝗻𝗮:
Nathaniel Russel S. Tible | 12 - Efficiency
Shayne Marie Oray | 10 - Imaginative
𝗞𝘂𝗵𝗮 𝗻𝗶:
Jodie C. Purificacion | 12 - Honesty