19/12/2021
Taong 1997, bente singko anyos ako noon, empleyado ako sa isang malaking telecommunication company, wala akong ibang inatupag noon kundi trabaho, bahay, trabaho at kaunting Donkey Kong. Palagi akong inaasar ng mga katrabaho ko dahil wala akong girlfriend o kahit nililigawan man lang, kahit kelan ay hindi sumagi sa isip ko ang bagay na iyon, dahil na rin siguro sa labis na pasinasyon ko sa teknolohiya.
Isang gabi, noong palabas na kami ng opisina ay napansin kong naiwan ng katrabaho kong si John Lerry ang kanyang Panasonic Portable Cassette Player, sinubukan ko siyang habulin ngunit mabilis siguro siyang nakasakay ng taxi. Naisipan ko na lang na dalhin pauwi para maiabot sa kanya kinabukasan.
Habang nasa byahe ako, sakay ng kakarag-karag na ordinary bus ng Marikina, naisipan kong galawin ang cassette player, isinuksok ang earphones sa tainga, napansin kong may bala naman sa loob at pinindot ang "play" button. Tunog Kalye compilation album pala ang nakasalang.
"Bilanggo, sa rehas na gawa ng puso mo... Bilanggo sa gapos na dulot ng pag-isip sayo..."
Napangiti ako sa ganda ng kanta, napapalingon ako sa bintana na para bang ako'y nasa pelikula. Sa sobrang paglingon lingon at kaartehan ko ay may napansin akong nakasulat sa likod ng sandalan ng upuan na nasa aking harapan.
"I need a friend, guys only, just beep me up, darling! 1277-22219"
Natawa na lang ako bigla dahil sa awa para sa mga taong gumagawa ng ganyang mga bagay. Desperasyong makahanap ng pag-ibig galing sa kawalan.
Hindi ko na lamang pinansin ang nakasulat, tuloy-tuloy ang tenga sa pakikinig, kumukumpas ang aking mga braso sa kanta ng Eraserheads.
Pero hindi ako mapakali, napapatingin ako sa numero na tila ba umiikot sa aking paningin. Naisip ko na kopyahin ang numero sa tissue ng Tropical Hut na nakaipit sa aking bulsa, at ibigay kay John Lerry para tigilan na niya 'yung matabang GRO sa Ka-Efren Madulas' Beerhouse.
Dahil day-off ko naman kinabukasan ay naisipan kong bumili ng isang bote ng Gold Eagle Beer, ako lamang mag-isa sa apartment na aking tinutuluyan, pinapakinggan ko pa rin itong cassette ni John Lerry habang naglalaro ng Donkey Kong, naisipan ko pang sundan ng isang bote 'tong iniinom ko nang sa paghatak ko ng tapwe sa aking bulsa, lumabas din ang tissue na pinagsulatan kanina.
Tinititigan ko lamang ang tissue ng matagal, para bang may demonyong bumubulong sa akin na tawagan ang numero. Laking pagtataka ko na beeper number pala ang nakasulat at hindi telephone number, sinubukan ko pa ring tawagan.
"Hello, this is Elise, what's your message, sir?" Sagot ng Beeper Operator. "...Uhh, ano, nakuha ko itong number mo kung saan, eh.. Interesado akong makilala ka, pwede mo rin akong i-beep kung gusto mo" kabadong palit ko naman. "Is that all, sir?" "Yes" "okay, sir" at biglang naputol ang linya.
Hindi ako sanay sa ganito, ang mangilala ng tao, pinagpapawisan ako ng malamig sa pag-aantay ng reply. Nang biglang nagbeep ang beeper ko, dahil na rin siguro sa kalasingan, naging magaan ang loob ko sa estrangherong kapalitan ko ng mensahe, medyo kakaiba lamang dahil sa beeper lamang nya gusto makipag-usap. "Baka introvert din tulad ko", bulong ko na lamang.
Lumipas ang mga araw na tila ang saya-saya ko, para bagang nagkaroon ako ng inspirasyon at ganang mabuhay, nakakausap ko pa rin ang estrangherong medyo kakaiba. Nahuhulog na ata ang loob ko. Walang ideya kung ano o sino ba sya, hindi ko na iyon inisip. Masyadong magastos ang pakikipagpalitan sa beeper, pero dito ako masaya. Nagdaan pa ang mga buwan, niyaya ko siyang makipagkita.
Ngunit sa isang iglap, simula noon ay hindi na sya sumagot. Madalas akong nagbe-beep sa kanya, hindi sya talaga sumasagot.
Oras-oras akong nagpapasa ng mensahe ngunit wala talaga, kahit anong paramdam, binigay ko na rin ang landline number ko, pero wala kahit anong bumabalik, para bang yung operator na mismo ang nakakausap ko. Oo, si Elise, ang kawawang operator na saksi sa aking pangungulila, napapansin ko na ring tila ba malungkot ang tono nya twing binibigkas ang mga salitang "Is that all, sir?" Para bang may simpatyang kasama.
Naging libangan ko na lamang ang pagpapadala ng mensahe sa taong kelanman ay hindi na sumagot, halos isang buong taon ko itong ginawa.
Kinekwento ko sa kanya ang araw-araw kong napagdadaanan, mga nakilala, mga kwentong kalokohan, paglalaro ng Donkey Kong at ang pangungulilang hindi naglalaho.
Madalas akong tumawag lalo na twing nakakainom, ang nakakatuwa ay si Elise ang madalas nakakasagot nito. Kapag lalake ang sumasagot, binababa ko kaagad. Para bang otomatiko na ang aking sasabihin at alam na niya agad ito, medyo parang nakakapag gaanan ko ng loob si Elise, kahit hindi nya alam. Ramdam ko na twing masaya ako ay masaya rin sya. Kabaliwan kung iisipin pero sa tingin ko, si Elise at ang estranghero ay iisa na lamang. Para bang nagkukunwari na lamang akong nagpapadala ng mensahe para lang marinig ang tinig ni Elise. Tumagal pa ng anim na buwan.
Naglakas loob akong tanungin kung ano ang landline number ni Elise o kahit ang address man lang, kaso hindi raw pepwede, trabaho lang.
Ang mga mensaheng dapat sa estranghero ay tila naging para kay Elise na lamang. Sinasabi ko ng buo ang aking saloobin sa kanya, kahit "Is that all, sir?" lang ang parating sagot.
Pero isang gabi, pagkatapos na pagkatapos kong maglaro ng Donkey Kong, tumawag ulit ako, nagtapat ako kay Elise. Sinabi ko nang lahat kahit wala akong inaasahang magandang sagot. Nakarinig ako ng hikbi. Hikbi ang nagkonekta sa aming nararamdaman. Biglang naputol ang linya. Yun ang huling beses kong narinig si Elise, hindi lang sa salita, pati na rin sa emosyon.
Simula noon, twing tumatawag ako, puro masiglang "Hello, good day! My name is Bernard!" ang naririnig ko, binabagsak ko agad ang telepono. Wala na si Elise, hindi kaya umalis na siya sa trabaho? Hindi kaya natanggal sya dahil sa akin? Ako kaya ang dahilan? Nasaan ka na?
Kaya simula noon ay pinagpasyahan kong magquit sa trabaho para maging isang ganap na hacker. Itinayo ko ang anolamous.ph para hanapin lang siya, ngayon ay umuwi na ako ng Dumaguete, wala pa rin. Dalawampung taon ko nang hinahanap si Elise. Alam kong hindi na ako magiging masaya kahit sa sobrang daming lifehacks ang alam ko. Ako siguro talaga ang na-hack ng pag-ibig.
Ang bilanggo, sa rehas na gawa ng puso mo,
Kuya Marlon
(c)deepweb dumaguete