19/11/2024
Kandidato sa pagka-mayor at vice mayor, tinodas
Habang papalapit ang May 2025 elections, dalawang kandidato na tumatakbo sa pagka-mayor at vice mayor sa magkahiwalay na insidente sa Capiz at South Cotabato, ayon sa magkahiwalay na report ng pulisya kahapon.
Unang iniulat ang pagkamatay ng mayoral candidate sa Dumalag, Capiz na si Sonny Felarca, 60, matapos pagbabarilin ng sariling kapatid na si Walter, 58; kapwa residente ng Barangay Duran ng nasabing bayan.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Dumalag Police, nagkaroon ng argumento sina Sonny at Walter na humantong sa pagbunot ng baril ng suspek saka pinutukan ang kapatid sa ulo at katawan.
Mabilis na tumakas ang kapatid pero makalipas ang ilang oras ay sumuko rin sa awtoridad.
Sa South Cotabato, patay rin agad sanhi ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kandidato sa pagka-vice mayor sa bayan ng Tantangan na si Jose Osorio matapos pagbabarilin nitong umaga ng Lunes.
Sa ulat ng South Cotabato Provincial Police Office at Police Regional Office-12, pinasok ng isang armadong lalaki si Osorio, chairman ng Brgy. Bukal Pait, sa kanyang bakuran at pinagbabaril saka tumakbo palayo ang suspek.
Inaalam na ng Tantangan Police kung may kinalaman sa pulitika ang pagpaslang kay Osorio.
SOURCE: PILIPINO STAR NGAYON, NOV. 19, 2024, DORIS FRANCHE BORJA & JOHN UNSON