21/12/2024
STIRRING STORIES | Idinaos ang huling Press N' Brew lecture ngayong taon na pinamagatang "KAPE-tok sa Takilya: Brewing Stories for Digital Screen" sa Zoom at Facebook Live kasama si Kristine Gabriel, December 20.
Itinuro ni Gabriel, isa sa mga screenwriter ng mga kilalang pelikula at TV series kagaya ng Can't Help Falling In Love (2017) at Replacing Chef Chico (2023), ang pagsisimula sa tanong na “what if?” para makapagsulat ng kwento.
Dagdag pa niya, maaaring hugutin ang mga ideya mula sa karanasan, pananaliksik, malikhaing pag-iisip, o muling pagsasalaysay ng mga kwento.
“Lagi nating tandaan na tayo ang seed ng mga konsepto at kwento na ating binubuo,” ani Gabriel sa mga lumahok sa webinar.
Ipinaliwanag din sa webinar ang tamang balangkas ng logline, storyline, treatment, at script—maging ang papel ng producer bilang katuwang ng manunulat. Binigyang-pansin din dito ang malinaw na pagkakasunod-sunod ng mga hakbang para mas epektibong mailahad ang kwento.
Samantala, hinimok din ang mga kalahok na suportahan ang panibagong pelikula na ‘Ex Ex Lovers' tampok ang nagbabalik-tambalang Jolina Magdangal at Marvin Agustin, kung saan isa si Gabriel sa co-writers.
Ulat nina John Feliciano at Aaron Corporal