19/12/2024
Tinig ng Pasko
Sa kalagitnaan ng gabi, isang munting tinig ang bumasag sa katahimikan,
Ang paghikbi na ito ng sanggol na isinilang sa sabsaban ay naging simbolo ng kaligtasan
Liwanag niyang dala’y hindi nakakabulag sa mata,
Sapagkat naging simbolo ito ng pag-asa.
Ang unang tunog ng Pasko ay pag-iyak,
Ngunit tila ang mga hayop ay nagagalak,
Kahit walang kampana, ilaw, o awit sa hangin,
Ang tinig ay nagbigay-buhay upang tayo’y iligtas.
Kaya’t sa bulwagan ng Komunikasyon,
Boses ng katapangan ang nananahan,
Upang pakawalan ang bibig na binusalan,
Damdamin man ay sugatan.
Tulad ng batang si Hesukristo,
Ang mga aral ay isapuso
Hawak ang panulat, tinig ay ‘di matitinag,
Palakasin ang mga sigaw ng mundong kanilang binasag.
Bawat salita ay may dalang liwanag sa dilim,
Nag-aalab na katarungan, init na kay lalim.
Pasko’y paalala–tinig man ay maliit,
Kaya nitong pukawin ang mundo, kahit tawirin pa ang langit.
Ang unang iyak ni Kristo ay nagbukas ng daan,
Upang mga kwento’y may puwang sa bawat kinabukasan.
Sa departamento na tinig ang puhunan,
Patuloy lang sa paghatid ng katotohanan.
Sapagkat ‘di matitinag ang diwa ng Pasko,
Sa mga tinig ng pag-asa’t pag-ibig, walang pagsuko.
Anim na araw na lang ang natirira,
Magkaisa at maniwala na habang may buhay, may pag-asa.
Tula ni Morpheus Lei Yarra
Dibuho ni Fe Aurelle Valenzuela
Larawan ni Rogie Ken Villarin