04/12/2024
SOURCE: MasterPinoy
Dati umano siyang marino, isa sa mga “haligi ng tahanan” na nagsasakripisyo sa gitna ng dagat para lang mabigyan ng masaganang buhay ang kanyang pamilya. Sumasakay siya noon sa TG, bawat sakay, sabik siyang umuwi sa pamilya dala ang pinaghirapang sweldo. Madalas siyang makikita noon sa may Emerald Garden Restaurant at Security Bank, nagpapadala ng allotment para sa kanyang misis. Buong puso diumano niyang ipinagkatiwala ang lahat—bahay, lupa, at ipon nila—sa babaeng minahal niya nang lubos.
Pero nang dumating ang araw ng kanyang pag-uwi, ibang tanawin ang sumalubong sa kanya. Wala na ang misis niya. Wala na ang bahay. Lahat ng pinundar niya, tila naglaho parang bula. Higit pa roon, pinalayas siya ng bayaw niya sa sariling pamamahay. Ang masakit, ang mga kapatid na dati niyang tinutulungan noong panahong malaki ang kanyang kinikita, hindi man lang siya magawang bigyan ng pansin o tanungin kung kumusta siya.
Ngayon, makikita mo siya sa gilid ng kalsada, bitbit ang isang pirasong karton, namamalimos. Ang dating dignidad na dala ng pagiging marino ay napalitan ng lungkot at hiya. Tinatanong niya sa sarili, “Paano nangyari ito? Saan ako nagkulang?”
Ang sabi ng iba, “Huwag kang magtatampo sa pamilya. Tumulong ka kasi, kaya hayaan mo na.” Pero sino bang hindi magtatampo? Sino bang hindi madudurog ang puso kung ang lahat ng pinaghirapan mo ay mapupunta sa wala, at ang mga taong minahal mo at tinulungan mo ay siya pang unang tatalikod sa'yo?
Ito ang reyalidad na hindi madalas pinag-uusapan pero laganap sa ating lipunan. Habang may pera ka, habang nakakapagbigay ka, “Kamag-anak mo kami!” Pero kapag dumating ang oras na ikaw naman ang nangangailangan, bigla na lang silang nawawala. "More success, more relatives," ika nga. Pero ano ang mangyayari kapag wala ka nang maibigay?
Hindi masama ang tumulong, lalo na sa pamilya. Pero tandaan mo, hindi mo kailangang ubusin ang sarili mo para lang pasayahin sila. Ang pagiging marino, o kahit anong trabaho mo, ay hindi dahilan para kalimutan mo ang sarili mo. Unahin mo rin ang sarili mo. Hindi habang buhay malakas ka. Hindi habang buhay may trabaho ka. At hindi habang buhay nandyan ang mga taong pinagkakatiwalaan mo.
Sa mga marino, OFW, o kahit sinong nagtatrabaho para sa pamilya: mahalaga ang pamilya, oo. Pero huwag mong isakripisyo ang lahat kung ang kapalit ay ikaw mismo ang mawawala. Magtira ka para sa sarili mo. Magtira ka ng pag-ibig, respeto, at ipon para sa sarili mo. Dahil sa bandang huli, ikaw ang magdadala ng sarili mong laban sa buhay.
Ang tanong: bakit nga ba madalas, kapag wala ka nang maibigay, saka sila naglalaho? Kung naranasan mo rin ito o kilala mo ang ganitong kwento, ibahagi mo dito. Maraming nangangailangan ng ganitong paalala. 💔