19/11/2024
Sa amin sa Bicol (Albay) nang tinamaan kami ng Super typhoon(reming, sisang, at ibapa), lugmok ang mga bahay pero wala kang makikitang mga tao na umiiyak, naglulupasay at nawawala sa sarili kasi di na alam kung pano mag uumpisa.. alin ba ang uunahin na pupulutin sa sanda makmak na kalat.
Dito sa amin, paparating pa lang ang bagyo, busy na ang lahat. Rinig mo ang tunog ng mga martilyo, lahat ng mabibigat na bagay na pwedeng ipatong sa bubong bubuhatin at ipoposisyon. Tali dito, tali doon.
Yung may mga malalaking bahay nagiging evacuation center, real quick! Hakot, lipat bahay pati mga kalabaw kasama.
Sa kasagsagan ng bagyo, dasal, radyo, flashlight, raincoat, bota at helmet ang sandigan.
Ang pagdaan ng mata o "eye of the typhoon" ang inaabangan. Ito kasi ang hudyat na tapos na ang unang parte ng hagupit at ilang oras nalang ang bubunuin matatapos na din ang galit ng hangin, ulan at hampas ng alon.
Sa loob ng bahay, ang mga bintana ay binubuksan sa kabilang parte na hindi hinahampas ng hangin. Yan ang sekreto upang hindi mamuo ang hangin sa loob ng bahay, at maiwasan na iangat at tangayin ng buo ang bubong.
Usually ang pinakamatagal at pinakamalalakas na hampas ng hangin ay ang pangalawang parte ng bagyo na tinatawag namin na "ballos" o "timog" kadalasan hanging "salatan" or southeast wind kasama ang "dumagsa" east wind.
Kapag ang hampas ng hangin ay hindi na derederetso, ito na ang hudyat na patapos na ang bagyo. Ito na rin ang umpisa ng pagbangon. Maririnig mo na ang mga tao na lumalabas na ng kanya kanyang bahay, mamumulot ng mga kahoy, yero, niyog at kung anu-ano pang natira na pwedeng mapakinabangan. Paghupa ng baha, umpisa na ng paglilinis. Wala kang makikitang tao na nakatunganga at umiiyak. Lahat ay abala. Nagtutulungan, nagdadamayan, nagkakamustahan, nakangiti at nagpapasalamat.
Kinahapunan makikita nyo na may nakatayo ng poste ang bahay, may bubong na trapal, masayang naghahapunan ulam ang mga napulot na gulayin at kung anu-ano pa. Nagkkwentuhan😊😍