15/03/2024
BAWAL NA ANG ‘NO PERMIT NO EXAM!’
BATAS NA PO ang inakda nating panukala na magbubukas ng pintuan para sa ating mga kabataan!
Sa ilalim ng Republic Act No. 11984, na nilagdaan ni Pangulong BongBong Marcos noong March 11, 2024, bawal na ang ipinapatupad ng mga pampubliko at pribadong mga paaralan na hindi pagpayag na makakuha ng pagsusulit ang mga estudyanteng walang kakayahang makabayad ng tuition o iba pang mga school fees.
Magiging epektibo na ang RA 11984 labinlimang araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o newspaper of general circulation. Ang lalabag sa batas na ito ay magkakaroon ng kaukulang parusa mula sa Department of Education, Commission on Higher Education, and Technical Education and Skills Development Authority.
Bilang pangunahing may-akda ng panukalang ito sa Senado, naninindigan tayong wala dapat mag-aaral na nangangamba na hindi makapag-exam, o kaya naman ay hindi maka-graduate, dahil lamang sa kakulangan ng salapi.
Alay natin ito sa mga kabataang nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral. Batid natin ang kahalagahan ng edukasyon tungo sa mas malawak na oportunidad at pagkamit ng kanilang mga pangarap.