08/05/2022
SPORTS UPDATE | Umabante sa NCAA Season 97 men's basketball tournament finals ang Colegio de San Juan de Letran nang takasan ang University of Perpetual Help System DALTA, 77-75.
Hindi hinayaan ng Knights ang Altas na makahirit ng do-or-die game sa pamumuno ni Rhenz Abando na kumamada ng 24 points mula sa 9-of-16 shooting, tampok ang tatlong three-pointers at highlight dunks na nagpahiyaw sa fans sa loob ng FilOil Flying V Centre sa San Juan, Linggo (Mayo 8).
Nagdagdag si Jeo Ambohot ng double-double 14 points at 14 rebounds habang nagrehistro si Fran Yu ng 13 markers, 5 rebounds at 3 assists upang mapalawig sa 10 laro ang winning streak ng Intramuros-based squad.
Naunsyami ang tangkang rubber match ng Perpetual na nakakuha ng 21 points, 11 rebounds at 4 assists kay Jielo Razon kasunod ang 14 markers ni Jeff Egan at 11 ni John Abis.
Hihintayin na lang ng Letran ang magwawagi sa pagitan ng Mapua University, armado ng twice-to-beat advantage, at San Beda University. (via Rodolfo Dacleson II, NCPH Contributor)
📷: Angela Davocol