03/09/2020
a youtuber worth to stan!โค๏ธ
HAPPY 2ND ANNIVERSARY, Team Jose! (Long post ahead) Ang bilis ng panahon. 2 years na pala tayong magkasama. Ang dami naming natutunan sa kalsada at sa mga taong nakakausap namin. Ang kahirapan ang pinakamalaking problema ng bansa natin. Base sa huling datos ng Philippine Statistics Authority noong 2018, 17.7 million Filipinos were living in poverty. At sigurado akong tumaas pa ang bilang na yan dahil sa pandemya na nararanasan natin ngayon. Bata palang ako, namulat na ako sa tunay na estado ng bansa natin. Ang hirap ng buhay namin noon. Mula elementarya hanggang kolehiyo, nangungupahan lang kami ng maliit na bahay. Noon, wala kaming sariling CR kaya nakikigamit lang kami sa CR ng may-ari ng bahay. Mahigit walong pamilya ang gumagamit sa CR na yon kaya, minsan late ako sa eskwela dahil sa haba ng pila sa CR tuwing umaga. Nasa tabi pa ng bahay namin ang sirang septic tank na nagle-leak kaya ang baho ng paligid namin lagi. Pero habang tumagal, nasanay na rin kami sa amoy at naging parte na ito ng pamumuhay namin. Ang tatay ko lang ang kasama ko sa bahay noon dahil hiwalay sila ng nanay ko. Oo, galing ako sa isang broken family. Wala rin akong kapatid na pwedeng pagsabihan ng mga problema ko. Pero kahit ganun ang sitwasyon namin, nagpursige ako sa pag-aaral. Ginalingan ko noong high school kaya nakapasok ako sa UP Diliman. Doon, lalo akong namulat tungkol sa kahirapan ng bansa natin dahil binibigyan kami ng pagkakataon na kausapin at makasama sa aming mga research ang mga magsasaka, mangingisda, lumad, preso, nagtitinda sa palengke, at marami pang marginalized groups. Dito ko nalaman na pinapatay ng kahirapan ang marami nating kababayan. At noong nagtapos ako sa UP Diliman, nagkaroon ako ng lakas ng loob para labanan ang kahirapan. Paano ko ba lalabanan ito? Gusto kong maging parte ng solusyon. Sinubukan ko ang iba't ibang paraan pero hindi ako nagtagumpay. Hangga't sa naisip kong gumawa ng mga videos na nagpapakita ng iba't ibang istorya at mukha ng kahirapan sa bansa natin. Ito ang ating realidad. Ito ang mga totoong kwento ng ating mga kababayan. Ito ang mga nangyayari sa kalsada araw-araw. Nagpapasalamat kami sa inyong lahat dahil sinuportaan niyo kami sa aming adbokasiya. Ngayon, lalong dumami na ang namulat sa kahirapan. Sa lahat po ng na-inspire sa mga videos namin, please pay it forward. Let us continue the fight against poverty. Sa ating 2nd anniversary, ang aking realization ay "Ang bayanihan at edukasyon ang sagot sa kahirapan". Kulang kung edukasyon lang. Kulang rin kung bayanihan lang. Sabay dapat silang dalawa. Education is the great equalizer pero kahit gaano pa kataas ang naabot mong diploma, balewala pa rin yon kung hindi naman nagpapasahod ng tama ang mga kompanya o kung wala ka ring makukuhang suporta sa mga tao sa ating lipunan. Ang ibig sabihin ng bayanihan dito ay kailangang magtulungan ng gobyerno, private sector, civil society at lahat ng concerned parties dahil ang puno't dulo ng problemang ito ay ang ginagalawan nating sistema at ang kamalayan ng bawat isa. Kahit mahirap, we remain hopeful and vigilant. Sorry po, masyado ng mahaba ang post na ito. Ipapaliwanag ko po yan in detail sa susunod. Again, huwag na po tayong dumagdag pa sa problema ng bansa natin. Maging parte po tayo ng solusyon. Mabuhay ang mga ordinaryong Pilipino! God bless and lablab, Team Jose!
P.S.
Sa mga taong nais tumulong sa ating mga kababayan na naipakita namin sa aming mga videos, hindi po kami tumatanggap ng kahit na anong donasyon. Kung nais niyo pong tulungan ang mga taong nasa videos namin, please message us para masamahan po namin kayo sa kanila o kaya'y maibigay namin sa inyo ang kanilang address o contact information. Maraming salamat po!