08/11/2025
Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ang balita ay ibinahagi ni Remulla sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, kung saan mariin niyang sinabi na mayroon siyang impormasyon mula sa “good authority.”
🛑Kaugnay ng 'War on Drugs'
Ang sinasabing warrant ay may kaugnayan sa kasong crimes against humanity na nag-ugat sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Si Senador Dela Rosa ang nagsilbing unang Philippine National Police (PNP) Chief ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at siyang pangunahing nagpatupad ng kontrobersiyal na Oplan Tokhang noong 2016. Ayon sa mga human rights watchdogs at taga-usig ng ICC, tinatayang umabot sa 12,000 hanggang 30,000 katao ang nasawi sa drug war mula 2016 hanggang 2019, na may maraming insidenteng iniuugnay sa extrajudicial killings.
🛑Walang Opisyal na Kumpirmasyon
Gayunpaman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring natatanggap na opisyal na dokumento o abiso ang Department of Justice (DOJ) at iba pang ahensiya ng gobyerno hinggil sa pahayag ni Remulla. Wala ring agarang tugon mula sa tanggapan ng ICC sa The Hague.
🛑Pagtanggi ni Dela Rosa at Isyu sa Hurisdiksyon
Nanindigan ang kampo ni Senador Dela Rosa na hindi na saklaw ng ICC ang Pilipinas matapos pormal na kumalas ang bansa mula sa Rome Statute noong 2019. Subalit, iginigiit ng ICC na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang Pilipinas, lalo na mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.
Matatandaang nauna nang inihayag ni Dela Rosa na hindi niya papayagan ang sarili na arestuhin ng ICC. Aniya, tanging warrant lamang na inisyu ng lokal na hukuman ang kanyang kikilalanin.
Ang balitang ito ay sumunod sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte noong Marso sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) batay sa arrest warrant din ng ICC, kaugnay ng parehong kaso. Kasalukuyan siyang nakadetine sa ilalim ng hurisdiksyon ng ICC sa The Hague, Netherlands.