03/01/2025
MGA MAG-AARAL NA NAKATANGGAP NG EDUCATIONAL ASSISTANCE, NAGING MALIGAYA ANG PASKO AT BAGONG TAON
Bago matapos ang taong 2024 ay ipinagkaloob sa mga mag-aaral sa Senior High School at Kolehiyo na benepisyaryo ng Naujan Educational Assistance Program (NEAP) ang kanilang cash assistance o libreng allowance mula sa pamahalaang bayan.
Nasa 1485 na bilang ng mag-aaral sa Senior High School (SHS) at 1911 na mag-aaral naman sa kolehiyo na nagmula sa iba’t ibang paaralan ang tumanggap ng educational cash assistance na may kabuuang bilang na 3396 kung saan ang pamamahagi nito ay isinagawa noong Disyembre 21-28 sa iba’t ibang distrito ng Naujan.
Tumanggap ng halagang P2,500.00 ang bawat benepisyaryong mag-aaral sa kolehiyo samantalang P2,000.00 naman ang sa Senior High School na nakapag-sumite ng kumpletong kinakailangang dokumento. Sa kabuuan, nasa mahigit 7 Milyong Piso (Php7,761,500.00) ang halaga ng inilaan at ipinamahagi ng pamahalaang bayan bilang tulong sa mga kabataang Naujeño na makatapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.
Ang NEAP ay isa sa mga naging prayoridad ng administrasyon ni Mayor Henry Joel Teves sa ilalim ng programang na bahagi ng kaniyang flagship program na Serbisyong THE BEST at naisakatuparan ito sa tulong ng Sangguniang Bayan at iba pang konsernadong tanggapan at kawani ng pamahalang bayan.