04/09/2024
Vicentinians, nangibabaw sa Pandibisyong Buwan ng Wika
✒️: Amiel Nathan Ilaya
Namukod-tangi ang mga mag-aaral ng Dr. Vicente F. Gustilo Memorial National High School sa ginanap na Pandibisyong Buwan ng Wika, na may temang "Filipino: Wikang Mapagpalaya" noong ika-30 ng Agosto, 2024 sa Cadiz West II Elementary School.
Ibinida ng mga mag-aaral mula sa ika-10 Distrito sa pandibisyong kompetisyon ang kanilang talento at kakayahan sa pagbigkas at pagmamahal sa Wikang Pambansa at kasama ang mga kinatawang kalahok ng DVFGMNHS na nagwagi mula sa pampaaralan at pandistritong kompetisyon.
Itinanghal na kampeon ang ika-10 Distrito sa Balagtasan na kinabibilangan nina Bb. Louraine Gail Calibo, Bb. Jazmin Marie Macapangal, at G. Chris Jan Britaña habang nasungkit naman ni G. Shawn Fray Revalez ang unang gantimpala sa Binalaybay na kapwa mga mag-aaral ng 10-STE Neon at 10-STE Helium.
Ayon sa tagapagsanay na si Gng. Leizl Quijano sa isang ekslusibong panayam, "Ang mga Vicentinian, kahit sa anong larangan, sila’y talagang maasahan. Taglay nila ang kanilang talento, kakaibang kakayahan na kung saan nagpapakita ng kanilang kahusayan, kanilang tiwala sa sarili at talino sa larangan ng iba’t ibang uri ng patimpalak na isinagawa sa Pandibisyong Buwan ng Wika.”
Muling napatunayan ng mga paligsahang ito ang isang mahalagang aral sa atin bilang isang Pilipino: Ang tangkilikin, mahalin, at pagyamanin higit kailanman ang ating Wikang Pambansa bilang Wikang Mapagpalaya.